Saturday , May 25 2019
Breaking News
You are here: Home / News / Umali bros, 3 opisyal bawal kumandidato (Omb decision dapat ipatupad ng Comelec)

Umali bros, 3 opisyal bawal kumandidato (Omb decision dapat ipatupad ng Comelec)

NUEVA ECIJA — Tablado ang tang­kang pagbabalik-politika ni ex-governor Aurelio “Oyie” Umali sa Nueva Ecija matapos hatulan ng Office of the Ombudsman ng per­petual disqualification dahil sa multi-million Priority Development and Assistance Fund (PDAF) scam.

Naghain ng petisyon sa Commission on Elec­tions (Comelec) noong 26 Nobyembre 2018 si Vir­gilio Bote, kandidato sa pagka-gobernador ng Nueva Ecija, upang hilinging ibasura ang certificate of candidacy (COC) ni Umali.

Pinadalhan ng Om­buds­man ang Comelec ng kopya ng hatol na per­petual disqualification laban kay Umali hinggil sa kasong malversation of public funds at violation of section 3(e) ng Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) kaugnay sa pakikipag­sabwatan sa mga bogus na foundations ng reyna ng pork barrel fund scam na si Janet Lim Napoles.

Ibinasura ang motion for reconsideration (MR) ni Umali noong 29 Set­yem­bre 2017 at ipina­sampa sa Sandiganbayan ang kaso na may kaakibat na parusang hanggang 40 taon pagkakakulong.

“Copy furnished ang Comelec sa decision ng Ombudsman, so kai­la­ngan itong i-implement. Kung papayagang ku­man­didato ang mga dismissed from office at perpetually disqualified to hold public office, e magiging inutil na ang desisyon ng mga inves­tigative body at graft courts natin,” ani Bote.

Bukod sa dating go­ber­nador, sinampahan din ng kaparehong peti­syon ang nasibak na vice mayor ng Cabanatuan City na si Emmanuel Anthony Umali na nag­hain ng kandidatura bi­lang bise gobernador ng probinsiya.

Hiniling ni Board Member Edward Thomas Joson na kandidato rin sa pagka-bise gobernador na ibasura ang COC ng na­ka­babatang Umali dahil sinibak na ng Ombuds­man noong 7 Marso 2018 at isinilbi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang dismissal bilang bise alkalde ng Cabanatuan City noong 22 Mayo 2018 dahil sa kasong kati­wa­lian na may kaakibat na parusang perpetual dis­qualification from holding public office.

Bukod sa perpetual disqualification at acces­sory penalties tulad ng cancellation of eligibility at forfeiture of retirement benefits, hindi na rin puwedeng kumuha ng civil service examination si Umali kaya wala na siyang pag-asang maka­balik sa panunungkulan sa gobyerno.

Sa magkahiwalay na petisyon ni Bote at Joson sa Comelec, malinaw anila ang mandato ng batas sa inamyendahang Sec. 7, Rule III ng Om­buds­man Rule of Pro­cedures sa ilalim ng Administrative Order No. 17 kung saan nakasaad na: “A decision of the Office of the Ombuds­man in administrative cases shall be executed as a matter of course.”

Samakatuwid, dahil umano sa hatol ng Om­buds­man na perpetual disqualification, ipina­dedeklarang ‘ineligible’ ang magkapatid na Uma­li na tumakbo sa ano­mang posisyon sa gob­yerno.

Bukod sa Umali bro­thers, tatlo pang kan­didato sa ilalim ng Unang Sigaw Party ang ipina­dedeklarang ‘ineligible’ at ipinade-deny ang kan­didatura sa Comelec. Ito ay sina Ramon “Suka” Garcia (mayoralty candi­date ng Cabanatuan City); Gabriel Calling (vice mayoralty candidate ng Cabanatuan City); at Imee de Guzman, mayoralty candidate sa bayan ng Sto. Domingo, Nueva Ecija.

Ang magkapatid na Umali, sina Garcia at Calling ay pare-parehong hinatulan ng Ombuds­man ng dismissal at perpetual disquali­fi­cation to hold public office dahil sa kasong ilegal na pagre-repack ng relief goods ng Depart­ment of Social Welfare and Development (DSWD) na ginamit sa kanilang panga­ngam­panya noong 2016 elections.

Si De Guzman na da­ting mayor ng bayan ng Sto. Domingo ay hinatu­lan ng dismissal na may kaakibat na perpetual disqualification ng Office of the Ombudsman no­ong 19 Hunyo 2018 dahil sa kasong grave miscon­duct.

Hinamon ng petitio­ners ang Comelec en banc na magdesisyon nang tama at ipatupad ang ha­tol na perpetual dis­qualification laban sa magkapatid na Umali at iba pang mga kuma­kandidatong hinatulan na ng Ombudsman.

HATAW News Team

About hataw tabloid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top