Wednesday , April 24 2019
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Kulelat pa rin si Go kahit ipagduldulan

Kulelat pa rin si Go kahit ipagduldulan

HINDI kagandahan ang salubong ng 2019 para kay Pang. Rodrigo “Di­gong” Duterte at sa mga senatorial candidate ng administrasyon.

Sakaling ngayon kasi at hindi sa Mayo gaga­napin ang elek­siyon ay sa kangkungan lahat pupulutin ang mga minamanok na kandidato ni Digong, base sa pinakahuling “survey” ng Social Weather Station (SWS).

Hindi pasok sa magic 12 ang ilan sa mga inendosong kandidato ni Digong na sina Cristopher “Bong” Go at Francis Tolentino.   

Kahit halos hindi makahinga ang mga punong-kahoy at mabuwal ang mga poste’t nagtataasang gusali na pinagsasabitan ng naglalakihang karatula ng ilan sa mga inendosong kandidato ni Digong ay hindi pa rin pumasok sa magic 12 sina Cristopher “Bong” Go at Francis Tolentino.

Sayang naman, tiyak na sanang wagi sina Go at Tolentino kung sa paramihan at palakihan sana ng karatula na mas malalapad pa sa mga kalsada nakasalalay ang panalo sa eleksiyon at hindi sa bilang ng boto.

Ibig sabihin ba ay mas matatalino ngayon ang mga botante kaysa dati na hindi basta natatangay sa palaparan ng oversized na karatula at wala sa oras na pangangampanya?

Sabi nga natin noong una, mas madali siguro ang panalo ng ilan sa mga kandidato ng administrasyon kapag binago ang eleksiyon at gagawing 100 ang ibobotong senador.  

Si Go, ayon sa SWS, ay nakikipagbuno kay retired PNP chief Gen. Ronald “Bato” dela Rosa na tulad niyang mahina sa ika-14 hanggang ika-15 puwesto.

Si Tolentino naman ay tumatabla raw kay dating Senate President Juan Ponce Enrile sa ika-17 hanggang ika-18 puwesto, ayon sa survey.

Sa mga mula’t sapol na totoong kaalyado ni Digong ay bukod tanging si Senator Aquilino “Koko” Pimentel III lang na nakakuha ng 34 porsiyento at nasa ika-7 puwesto ang pasok sa Magic 12.

Nakahihiya ang resulta ng survey kaya’t si Digong na puspusang nagtutulak sa kandidatura nina Go at Tolentino ay nabigla.

Kunsabagay, si Tolentino ay sadyang talunan nang tumakbong senador noong 2016 kaya’t hindi na tayo nagtatakang mangulelat sa survey.

Pero hindi natin akalain, si Go na halos ipagduldulan ni Digong sa publiko ay kulelat pa rin at kung hindi ipandaraya sa eleksiyon ay impo­sibleng makapasok sa Magic 12.  

Sabi naman ng iba, hindi kaya ‘halik ni kamatayan’ o ‘kiss of death’ ang endorsement ni Di­gong kaya’t laglag sa survey ang mga kan­didatong iniendoso ng administrasyon sa senado?

Pero kung tayo ang tatanungin, may pag-asa pa si Go at hindi pa huli ang lahat para makaahon.

Subukan din ni Go na dumistansiya sa mga nambobola sa kanya na imbes humakot ay nagtataboy pa ng makukuhang suporta at boboto sa kanya.

Ano’ng suporta at boto ang makukuha ni Go kung tulad ni Mang Isko na isinusuka sa Maynila ang kakampanya sa kanya, aber?

Katunayan, nang tumakbong senador si Mang Isko ay halos walang nakuhang boto sa Maynila, ultimo sa Balut, Tondo kaya natalo noong 2016 na ang tambalan nina Sens. Grace Poe at Chiz Escudero ang ikinampanya.  

Dapat na rin ipagpag ni Go ang mga “hustler” at walang kredibilidad sa media na ang trabaho ay mambola ng mga kandidatong malakas maghatag ng PR tuwing eleksiyon.

Ilan daw sa nataguriang “jinx” sa media ang nagpapaikot sa kampanya ni Go na pinamumunuan ng mga katropa ni Sec. Martin Andanar, ang pipitsuging kalihim ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Siyempre, ni isa sa mga damuhong naka­paligid kay Go ay walang magsasabi sa kanya nang totoo kung ‘di puro boladas para magkapera.

Iyan ang unsolicited advice o ating maipapayo kay Go, habang maaga at bago maging huli ang lahat, dahil ang panloloko ay isang realidad sa politika.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top