Friday , June 21 2019
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Puganteng lider ng ADD na si Bro. Eliseo Soriano convicted sa kasong libel

Puganteng lider ng ADD na si Bro. Eliseo Soriano convicted sa kasong libel

KINATIGAN ng Supreme Court (SC) First Division ang hatol na guilty ng mababang hukuman laban kay Eliseo “Bro. Eli” Soriano, ang fugitive leader ng Ang Dating Daan (ADD), sa kasong libelo.

Ang puganteng si Bro. Eli ay kinasuhan ng libelo matapos niyang tagurian na ‘false prophet,’ ‘idiot,’ at ‘apostle of demons’ sa kanyang programa sa radyo ang pinuno ng ‘Jesus Miracle Crusade International Ministry tele-evangelist na si Wilde Almeda noong 1998.

Unang hinatulan si Bro. Eli ng Iriga City Regional Trial Court noong 2012, at ang sentensiya sa kanya ay pinagtibay ng Court of Appeals taong 2015.

Ibinasura rin ang kanyang hirit na ‘petition for certiorari due to lack of merit’ dahil napatunayan ng SC na kompleto ang mga elemento ng ‘identification, publication, defamatory imputation at malice’ na nasasaad sa Article 353 ng Revised Penal Code sa mga panlalait ni Bro. Eli laban kay Almeda noong 1998.

Sa 11-pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Noel Tijam na may pagsang-ayon nina Chief Justice Lucas Bersamin, As­sociate Justices Mariano del Castillo, Estela Perlas-Bernabe at Alexander Gesmundo, sabi ng SC:

“Plain and simple insults directed at another person cannot be elevated to the status of religious speech.”

Si Bro. Eli umano ay may ilang taon nang namamalagi sa bansang Brazil para makaiwas sa patong-patong na kaso na kanyang kinaka­harap.

Kung hindi tayo nagkakamali, si Bro. Eli ay may outstanding warrant of arrest na ipinalabas ng Pampanga Regional Trial Court ilang taon ang nakararaan sa no bail na kasong “rape” na isinampa laban sa kanya ng isang Daniel Veridiano na dati niyang malapit na tauhan sa samahang ADD.

Ang hindi natin alam ay kung nahilot na ni Bro. Eli ang multi-million peso libel case – class suit – na isinampa laban sa kanya noon ng mga kapatid nating Muslim dahil sa paglapastangan sa pananampalatayang Islam.

Si Almeda ay isa lamang sa mga lider ng relihiyon na nakalasap ng malulutong at deretsahang pagmumura ni Bro. Eli sa kanyang programa sa radyo at telebisyon.

Sa pambu-bully naman talaga mas nakilala si Bro. Eli at hindi sa pangangaral ng ebanghelyo.

 

ATENISTANG BASTOS
AT BULLY NA SI CELDRAN

WALANG ipinagkaiba kay Bro. Eli ang Atenistang bastos na si Carlos Celdran na kuno ay tour guide sa Luneta.

Kamakailan, kinatigan din ng Korte Suprema ang hatol ng mababang hukuman kay Celdran na pinagtibay din ng Court of Appeals (CA) dahil sa paglabag sa Article 133 ng Revised Penal Code.

Mula 2 buwan at 21 araw hanggang 1 taon, isang buwan at 11 araw na pagkabilanggo ang ipinataw na parusa kay Celdran dahil sa nilikhang eskandalo sa Manila Cathedral noong September 30, 2010.

Si Celdran, na ala-Jose Rizal ang kasuotan, ay bigla na lang umeksena at naglabas ng karatula na may nakasulat na “Damaso” habang ginaganap ang misa sa naturang simbahan.

Tulad ni Bro. Eli, pambu-bully rin ang ginamit na paraan ni Celdran para sumikat at makilala.

Sinamantala ni Celdran ang pagkakataon, ilang araw bago maluklok ang dating tandem nina ousted president at convicted plunderer Joseph ‘Erap’ Estrda at talunang senatorial candidate Isko Moreno noong 2013 ay umeksena siya sa isyu ng Torre de Manila na ‘photo bomber’ daw sa monumento ni Rizal sa Luneta.

Agad ginantimpalaan nina Erap at Isko si Celdran at nabigyan ng puwesto sa Manila City Hall kapalit ng pananakot sa kompanya ng Torre de Manila.

Pero mula nang payagan nina Erap at Isko na maituloy ang konstruksiyon ng gusali ay mistulang aso na nabahag na ang buntot ni Celdran at mula noo’y nanahimik na sa isyu.

Nagpagamit si Celdran para kumita sa riding-in-tandem nina Erap at Isko na pasukahin ang nagtayo ng Torre de Manila.

Dahil mula sa requirements at pagkakaloob ng permit ng City Hall ay walang nalabag na batas ang administrasyon ni Lim sa pagtatayo ng Torre de Manila.

Ang tawag sa sinapit ni Celdran ay ‘Carmi Martin,’ as in Karma!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top