Friday , April 19 2019
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Kahit inabsuwelto ay convicted si Bong sa ‘bar of public opinion’

Kahit inabsuwelto ay convicted si Bong sa ‘bar of public opinion’

LILINISIN daw ni dating senador Ramon “Bong” Revilla, Jr., ang nayu­rakang dangal ng kani­lang angkan kasunod ng pagkakaabsuwelto sa kanya ng Sandigan­bayan First Division sa kasong plunder.

Nananaginip nang gising si Bong kung inaa­kala niya na magagamit niyang deodorizer na pampabango ang pag­pa­pawalang-sala sa kanya ng Sandigan­bayan.

Paano papuputiin ni Bong ang mantsado niyang reputasyon kung maliban sa Sandigan­bayan ay walang naniniwala na hindi siya guilty, kahit pa ilublob siya sa isang drum ng Clorox?

Magunaw man ang mundo ay hindi na maba­ba­go ang katotohan na tahasang pambababoy sa batas ang desisyon ng Sandiganbayan kay Bong na acquitted, habang ang mga kapwa akusado niyang sina Richard Cambe at Janet Lim-Napoles ay nahatulang guilty.

Tiyak na ang dispalinghadong desisyon ng Sandiganbayan ang gagamitin nina Cambe at Napoles para sa bandang-huli ay kapwa mapawalang-sala rin ng Korte Suprema.

Kahit ang mga hindi nagsipag-aral ng batas ay hindi mangmang para maintindihan ang pagbalewala ng Sandiganbayan sa pinaka­mahalagang elemento ng kasong plunder – ang conspiracy o sabwatan.

Maliwanag sa mga kaso ng conspiracy, “the act of one is the act of all,” batay sa batas, na tinanggal ng Sandiganbayan sa pag-absuwelto kay Bong.

Ibig sabihin, kung acquitted ang isa, lahat ng akusado ay acquitted. Kung guilty ang isa, lahat ng nagsabwatan sa isang kaso ay guilty.

Nasasaad sa Section 2 ng Republic Act No. 7080, ang plunder case:

“Any public officer who, by himself or in connivance with members of his family, relatives by affinity or consanguinity, business associates, subordinates or other persons, amasses, accumulates or acquires ill-gotten wealth through a combination or series of overt or criminal acts as described in Section 1(d) hereof, in the aggregate amount or total value of at least Seventy-five million pesos (P50,000,000.00), shall be guilty of the crime of plunder and shall be punished by life imprisonment with perpetual absolute disqualification from holding any public office. Any person who participated with said public officer in the commission of plunder shall likewise be punished. In the imposition of penalties, the degree of participation and the attendance of mitigating and extenuating circumstances shall be considered by the court. The court shall declare any and all ill-gotten wealth and their interests and other incomes and assets including the properties and shares of stock derived from the deposit or investment thereof forfeited in favor of the state.”

Isa sa simpleng katanungan ng publiko ay bakit may ipinasasauling pera ang Sandiganbayan kay Bong kung hindi siya nagnakaw?

Kung si Sandiganbayan First Division Presiding Justice Efren dela Cruz ang tatanungin ay guilty si Bong.

Sa Sandiganbayad, este, Sandiganbayan lang absuwelto si Bong pero sa “bar of public opinion,” tulad nina Cambe at Napoles, convicted siya beyond reasonable doubt.

ANDANAR NAGLALAKO
NG KATANGAHAN

AYON kay “not so smart” Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Martin Andanar, kada buwan ay 200 daw ang kapalpakan ng Philippine News Agency (PNA) sa nakaraang administrasyon kompara sa kasalukuyan.

Pinaninindigan ba naman ng damuho ang dati niyang palusot na pawang “honest mistake” raw kapag ang kapalpakan sa PNA na kanyang pinamumunuan ay ngayon nangyari.

Hindi ba kahanga-hanga ang husay ni ‘Not So Smartin Andanar’ sa mathematics at nagawa niyang makuwenta kung gaano karami ang naging kapalpakan sa PNA noon na kanyang pinamu­munuan ngayon?

Kaya naman pala puro kahihiyan sa admi­nistrasyon ni Digong ang PCOO dahil ang pinag­kakaabalahan palang atupagin nitong si ‘Not So SMartin’ ay bilangin lang ang kapalpakan sa naka­raan.

Baka naman ang pagkakaintindi ni ‘Not So SMartin,’ imbes na impormasyon ay paglalako ng katangahan ang gagampanan niyang trabaho sa PCOO.

Siyanga pala Martin Boy, puwede mo ba isapubliko ang saktong bilang at kung ano-ano ang mga kapalpakan ng PNA sa nakaraang administrasyon kompara ngayon?

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top