Thursday , December 13 2018
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Bigyan ng wheelchair si Erap!
Bigyan ng wheelchair si Erap!

Bigyan ng wheelchair si Erap!

HINDI na kailangang paglakarin pa si Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada, at sa halip ay paupuin na lamang sa isang wheelchair para masiguro ang kanyang kaligtasan.
Nakababahala at baka madapa at mauntog itong si Erap dahil kung titingnang mabuti ay hirap na hirap na sa kanyang paglalakad.
Iika-ika at parang titimbuwang kapag makikita mo itong si Erap na naglalakad. Nangangamba tayo na sa kainitan ng nalalapit na kampanya ay makita nating sumubasob itong si Erap at maunsyami pa ang kanyang re-election bid bilang mayor.
Kung ayaw naman sumakay sa wheelchair nitong si Erap, mano bang kargahin na lamang ito ng kanyang mga alalay o kaya naman bigyan ng saklay o crutches para masigurong walang disgrasyang mangyayari sa kanya.
Kailangan din sigurong magkaroon na siya ng sarili niyang interpreter na magpapaliwanag nang maayos sa bawat salitang kanyang sasabihin dahil nga ang hirap-hirap nang unawain ng kanyang mga sinasabi.  Kung minsan nga, kung papansinin lamang ninyo, ay parang kinakain niya ang kanyang mga binibitiwang mga salita.
Siguruhin ding may mga nurses na nakapalibot sa kanya, at dapat mayroong naka-standby na ambulansiya. Sa tindi kasi ng kampanya sa Maynila ay baka atakehin ito sa puso. Ang tubig o bottled water ay kailangang nakahanda na rin, isama pati ang adult diaper (kung kinakailangan lang naman) at baka mapaihi itong si Erap sa kanyang salawal.
Kaya nga, tama ang panawagan ni dating Vice Mayor Isko Moreno kay Erap na magretiro na lang ito at ipaubaya sa mga batang kandidato ang Maynila. Mahirap nga namang patakbuhin ang Maynila kung ang mayor ay isang nag-uulyanin na kompara sa isang mayor na mas bata ang edad.
Si Erap ay 81 anyos na ngayon habang si Isko ay 43. Mantakin mong halos apat na dekada ang agwat ng edad ni Erap kay Isko. Lolo Erap, pahinga ka na kasi!
At sa halos anim na taong panunungkulan nitong si Erap bilang mayor ay wala naman itong nagawa para masawata ang paglaganap ng ilegal na sugal, prostitusyon, droga at kriminalidad sa lungsod. Ang kahirapan ay naging matindi sa ilalim ng panunungkulan ni Erap at patunay rito ang mga pulubi na nagkalat sa lansangan.
Mahirap na muling ipagkatiwala kay Erap sa darating na halalan ang lungsod ng Maynila. Nakita na mismo ng mga Manileño ang kapabayaang ginawa  ni Erap sa halos anim na taon niyang panunungkulan bilang mayor.
At kung mayroon mang pera na ipakakalat ang sino mang kandidato sa darating na eleksiyon, tiyakin lamang na ang iboboto ay ‘yung inyong kursunada o dikta ng inyong konsensiya.
Sana nga lang, sa dapit-hapon ng kanyang buhay, masumpungan ni Erap na magtungo sa baybayin ng Manila Bay, magmuni-muni at makita ang paglubog ng araw, at sa paghampas ng alon sa dalampasigan ay maamoy niya ang mga naglulutangang mababahong basura mula sa lungsod ng Maynila na kanyang pinamumunuan.

READ MORE:  Kolorum na online casino sa PEZA accredited buildings ipinabubusisi ni Pang. Digong
READ MORE:  ‘Wag sanang paasa ang DOTr

SIPAT
ni Mat Vicencio

COMMENTS

About Mat Vicencio

Scroll To Top
 

Copyright hatawtabloid.com | All Rights Reserved