Thursday , December 13 2018
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Ibalik si Lim sa Maynila, ang magiting na alkalde

Ibalik si Lim sa Maynila, ang magiting na alkalde

NGAYONG umaga magtutungo si dating Manila Mayor Alfredo S. Lim para maghain ng kanyang certificate of candidacy (CoC) sa muling pagtakbong alkalde ng Maynila.
Si Lim na nabansagang ‘Dirty Harry’ ay napabantog dahil sa kanyang no non-sense na kampanya laban sa krimen bilang noo’y magiting na hepe ng Manila Police District at Northern Police District Command; director ng National Bureau of Investigation (NBI); at apat na termino ng malinis na panunungkulan bilang alkalde sa kabisera ng Filipinas.
Dagdag sa matingkad na track record ni Lim ang mga puwesto na kanyang hinawakan bilang kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) taong 1999 at naging senador mula 2004 hanggang 2007 bago nagpasiyang bumaba upang bumalik na alkalde sa Maynila noong 2007.
Pangunahing layon ni Lim na maibalik sa mga Manileño ang mga libreng serbisyo na noo’y kanyang ipinatupad sa ilalim ng “from womb to tomb program.”
Ang flagship program ni Lim na womb to tomb ay walang bayad na pagpapagamot at medisina sa anim na pampublikong ospital sa lungsod. Sa buong bansa, bukod-tanging Maynila lang ang may anim na pampublikong ospital (isa kada distrito) at lima rito ay si Lim ang nagpatayo.
Ilan sa maituturing na monumento ng administrasyon ni Lim ang pagkakatatag sa Unibersidad de Manila o UDM (dating City College of Manila) at mga ospital sa lungsod.
Ang UDM at Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center sa Tondo (2nd Dist.) ay naipatayo ni Lim sa kanyang unang dalawang termino mula 1992 hanggang 1998.
Nang makabalik na alkalde simula 2007 hanggang 2013, sunod-sunod na naipatayo ng kanyang administrasyon ang Tondo General Hospital, 1st Dist.; Justice Jose Abad Santos Mother and Child Hospital, 3rd Dist.; Ospital ng Sampaloc, 4th Dist.; at pinakahuli ang Ospital ng Sta. Ana sa 6th Dist. na may modernong aparato ng CT scan at dialysis machines.
Ang makabagong Lying-in Clinic Health Center na ipinatayo ni Lim sa loob ng Baseco compound ay umani ng papuri mula sa dayuhang organisasyon ng mga kababaihan sa ibang bansa.
Pero ang malungkot, nang bumaba si Lim sa puwesto ay biglang isinapribado at ginawang maybayad ng humalili sa kanya ang mga pagamutan kaya’t naglaho ang mga libreng serbisyo para sa mga Manileño.
Ang masaklap pa, ang mga pribilehiyo sa libreng serbisyo na dapat tamasahin ng mga Manileño ay nalipat sa mga residente ng San Juan na libreng makapagpagamot sa mga pampublikong ospital sa Maynila.
Pati ang prayoridad ng mga Manileño na makapag-aral nang walang bayad ay inagaw at tinamasa ng mga residente ng San Juan sa UDM. Si Lim ang kauna-unahang alkalde sa bansa na nakapagpatayo ng Evacuation Centers, ang dalawang tig-apat na palapag na modernong gusali — isa ang nasa Baseco at isa ang malapit sa Del Pan flyover ng San Nicolas.
Nakatitiyak ang mga Manileño na manunumbalik ang nawalang katahimikan at kaayusan sa lungsod dahil si Lim ay subok na pagdating sa mabagsik na kampanya laban sa lahat ng uri ng krimen at katiwalian.
Kahit ang kanyang mga makakakalaban ay alam na mahigpit din si Lim laban sa katiwalian, tulad ng raket sa “Ghost Employees” at sa kamakailan lang ay nabistong “Ghost Barangays” scam na nabulgar sa 2017 special audit report ng Commission on Audit (COA).
Kahit itanong n’yo pa kay natalong senatorial candidate Fancisco Domagoso (aka Isko Moreno) at dating tandem na si ousted president-convicted plunderer Joseph ‘Erap’ Estrada.
Kalaban din si Lim ng mga ilegal na pasugalan kaya’t noong nakaupong alkalde ay walang jueteng sa Maynila dahil bawal. ‘Di tulad ngayon na lahat ng klaseng pasugalan ay nasa kalsada at malapit na rin matapos ang coliseum para sa sugal na sabong na dati ay tinututulan ng mga residente at parokya sa Sta. Ana dahil malapit lang sa simbahan ng St. Francis.
Si Lim ay naging tapat sa serbisyo kaya’t mapagkakatiwalaan at kailanma’y hindi nasangkot ang kanyang pangalan sa anomang uri ng katiwalian.

READ MORE:  Pekeng survey ni Duterte
READ MORE:  Asuntong Libel harassment sa tatlong beteranong mamamahayag sa Quezon

KALAMPAG
ni Percy Lapid

COMMENTS

About Percy Lapid

Scroll To Top
 

Copyright hatawtabloid.com | All Rights Reserved