Tuesday , July 17 2018
Breaking News
You are here: Home / Opinion / “Inordinate delay” sa Sandiganbayan vs “motu proprio” sa Ombudsman

“Inordinate delay” sa Sandiganbayan vs “motu proprio” sa Ombudsman

TINAWAG ni outgoing Ombudsman Conchita Carpio-Morales na honest o matapat ang kanyang sarili.

Sa isang forum kaha­pon, walang kaga­tol-gatol na nagbuhat ng sariling upuan si Morales at nagsabing:

“I say that I have honesty. Now com­petence, maybe the public can judge me.”

Ginamit na pamantayan ni Morales ang kanyang sarili sa katangian ng dapat maitalagang kapalit niya sa Ombudsman, na aniya:

“I want a man who knows what he is doing and who is also honest. It would be a waste if someone who is corrupt will replace me.”

Maryosep! Ngayon ko lang nalaman na bukod sa pagiging bitter ay may pagka-self-righteous din pala itong si Morales at masyadong sumobra ang bilib sa sarili.

Hindi kasi maka-recover si Morales at hindi magkandatuto na makapagbangong-puri sa naging pahayag ng abogadang si Edna Herrera-Batacan na kabilang sa mga pinagpipilian na maitalaga bilang susunod na Ombudsman.

Sa interview ng Judicial and Bar Council (JBC) kamakailan, tinawag ni Batacan na “graft-ridden agency” ang Ombudsman.

Sa totoo lang, hindi ba matagal nang bistado ng publiko ang pagiging corrupt ng Ombudsman kaya’t hindi na bago ang sinabi ni Batacan?

Si Batacan ay dating nagsilbi sa Ombudsman bilang prosecutor kaya’t kabisado niya ang kalakaran sa nasabing ahensiya, pati na ang likaw ng bituka ng mga opisyal at kawani sa opisina na minsan niyang pinaglingkuran.

May personal knowledge si Batacan sa mga nangyayaring katiwalian sa Ombudsman at sabi nga niya ay nasusuhulan ang mga graft investigators para upuan ang mga kaso.

Binanggit din ni Batacan sa JBC na mismong siya ay kinailangan maghatag ng halagang P50,000 para makakuha ng info sa status ng kaso sa Ombudsman.

Para magmukhang malinis ang Ombudsman, ginagamit pang deodorizer ni Morales ang Sandiganbayan sa paggamit ng template na “inordinate delay” sa pagbasura ng mga kaso.

Totoo man ang sinasabi ni Morales sa tahasang pag-abuso ng Sandiganbayan sa pagbasura ng mga kaso kahit mabibigat ang ebidensiya, hindi naman nangangahulugang malinis ang Ombudsman.

Katunayan, hindi ko nakita ang pagiging honest o tapat ni Morales sa mahigit P700-M plunder case kaugnay ng ghost employees scam laban kay dating Manila vice mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Real Property Tax (RPT) share scam sa pondo ng barangay.

Matagal na rin ang isa pang isang graft case ni Isko kaugnay sa pagbili ng bigas na hindi naman totoong naipamahagi sa mga biktima na hindi naman talaga nasunugan.

Hindi ko rin nakita ang sinasabing honesty o katapatan ni Morales na kanyang ipinanga­ngalandakan sa maanomalyang joint venture agreement (JVA) sa pagitan ng mga dating opisyal ng IBC-13 at kompanya ni Reghis Romero II.

Kung notorious ang Sandiganbayan sa pagbasura ng mga kaso gamit ang inordinate delay, talamak din ang Ombudsman sa pagtatago ng mga kaso na sabi nga ni Batacan ay inuu­pu­an.

Natatandaan natin, sa impeachment trial ni yumaong dating Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona, buong pagmamalaking ginamit ni Morales ang legal term na “Motu Proprio” bilang depensa, na ang ibig sabihin ay “on its own” ay puwedeng mag-imbestiga ng katiwalian ang Ombudsman kahit walang maghain ng reklamo.

Ngayon ko lang naisip na ang sinasabing motu proprio ni Morales ay pinaiiral din pala ng Ombudsman pati sa pagligwak at pagbangketa ng mga kaso.

Ang proseso sa pagpili ng susunod na Ombudsman ay ibabase sa isusumiteng listahan ng JBC kay Pang. Rodrigo “Digong” Duterte na siyang appointing power.

Maliban sa pangulo, wala akong alam na basehan si Morales at ang sinoman na gumawa ng pamantayan at magdikta kung sino ang dapat piliin.

Kaya dapat lang ay mahiya si Morales sa balat niya para makita ang sinasabi niyang honesty!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

COMMENTS

About Percy Lapid

Scroll To Top
 

Copyright © 2009 - 2017 hatawtabloid.com | All Rights Reserved