Wednesday , September 26 2018
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Party ‘loyalty’ for power, money and fame
Party ‘loyalty’ for power, money and fame

Party ‘loyalty’ for power, money and fame

KAYA bihirang-bihira tayong makatagpo ng mga tapat, makabayan at maka-Diyos na politikong pumapasok sa serbisyo publiko kasi sila mismo hindi nila kayang maging tapat sa kanilang sarili.

Mas tapat sila sa interes na papabor sa kanilang pananatili sa kapangyarihan, sa ‘pagpapalago’ ng kanilang bulsa, at paghamig pa nang mas malalaking interes na magsisilbi sa kanila.

In short, fame, power and money… ‘yan ang interes nila.

Kaya huwag na kayong mabigla kung maya’t maya ay mayroon kayong nakikita ngayon na nanunumpa sa katapatan (o ‘isinusumpa’ ang kanilang katapatan) sa PDP LABAN.

Pero hindi po sila mga bagong rekrut o mga batang politiko na magsisimula ng kanilang karera sa ilalim ng PDP Laban.

Sila ay mga politikong galing na sa ibang partido — karamihan ay dating ‘dilaw’ na Liberal Party pero dahil ang punong ehekutibo ay mula sa PDP Laban, sila ngayon ay nagbabaliktaran kaya lumalangoy patungo sa kabilang bangka.

Kaya ‘yan ang ibig nating sabihin na maging sa sarili nila ay hindi nila kayang maging tapat, e ‘di lalo na sa taongbayan.

Sila ay tapat sa interes na magpapanatili sa kanila sa kapangyarihan, magpapalago ng kanilang bulsa at interes na laging ‘malapit sa kusina.’

Marami sila. Mas marami.

Sa Parañaque city, mayroon tayong kilalang politiko riyan na halos ihalik ang kanyang mukha sa puwet ng mga Binay noong nakaraang eleksiyon, pero ngayon ay higop-sipsip kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.

Kaya, tama ang sinabi ni kasalukuyang PDP Laban President Aquilino “Nene” Pimentel Jr., suriing mabuti ang mga gustong ‘lumundag’ ‘este sumanib sa kanilang partido.

Siguro, nahahalata ni ex-Senator Nene, na pawang political opportunists ang naglulundagan sa kanilang partido.

READ MORE:  1D dinirekta ng upak vs illegal drugs (Foreign and local artists i-drug test na rin)

Gaya nang nangyayari ngayon sa Kamara na PDP Laban ang Speaker pero ang majority floor leader ay galing sa Liberal Party…

Kaya lumalabas na ‘yung Speaker ay hawak sa ilong ng isang majority floor leader na tila ang ipinangba-bargain ay mga kasama niya sa LP na kanyang napabaliktad.

Ibig sabihin, kung magkakaroon ng isang krusyal na pagdedesisyon sa Kamara, kailangan pang ligawan ng Speaker ang kanyang majority floor leader para manaig laban sa oposisyon.

Alam natin na maraming nakapilang priority bills na inendoso ang Pangulo, very urgent bills, kaya kailangan niya ang suporta ng Kongreso (Senado at Kamara).

Kaya magtataka pa ba kayo kung bakit hindi nasasala masyado ang mga politikong tinatanggap ngayon ng PDP Laban para palakasin ang kanilang puwersa?!

Ingat-ingat, baka lumaki ang kantidad ng PDP Laban pero ang kalidad ay hungkag.

COMELEC CHAIRMAN
ANDRES BAUTISTA KOMOLEK
NANG KOMOLEK?!

BATAY sa sworn affidavit ng estranged wife (but living in one roof) ni Commission on Elections (Comelec) chairman Jose Andres Bautista, na si Ma. Patricia Paz Cruz Bautista, narito ang mga ‘ill-gotten wealth’ na hindi niya alam kung paano na-acquire ng kanyang asawa: 35 Luzon Development Bank (LDB) passbooks with a total balance of P329,220,962; foreign currency account with Rizal Commercial Banking Corp. RCBC) with $12,778.30, or P640,959.53 (at P50.16 [as of Aug. 4] to $1.00); RCBC peso account with P257,931.60; HSBC account with HK$948,358.97 or P6.10 million (at P6.43 to HK$1.00); condominium unit sa One Bonifacio High Street, Bonifacio Global City (BGC), Taguig City; at condo unit sa The District, San Francisco, California.

READ MORE:  Dalawang taon na ang Beyond Deadlines (Unang Bahagi)

Ayon kay Ms. Bautista, maliban sa dalawang adjoining condo units sa Pacific Plaza Towers, BGC, Taguig City, at ang kanilang family home, wala siyang nalalaman sa 13 real properties na nakalista sa SALN ng kanyang asawa.

Ginagawa raw niya ang pagbubunyag na ito para sa kanilang mga anak.

“I am doing this for my children. If I do not do anything and turn a blind eye, I am as complicit. Even if I am killed, at least my sons will know one parent stood up to say NO. Choosing COURAGE is a difficult choice, but it is a worthy one.”

‘Yan ang statement ni Ms. Bautista.

Ayon sa pagbubunyag ni Ms. Charie Villa, si Comelec chairman ay komokolek ng komisyon sa DIVINA Law office, ang abogado umano ng SMARTMATIC. Habang si UST Law Dean Nilo Divina ay abogado rin umano ni Mar Roxas.

Kaya kung susundan ang karera ni Chairman Bautista, pagpasok na pagpasok niya sa gobyerno ay nagsimula na rin kaya siyang mag-ipon ng ‘kayamanan.’

Posible umanong ang ill-gotten wealth ay nakuha sa election rigging, at bilang PCGG chairman!?

By the way, inatasan na nga pala ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang mga ibinunyag ng misis ni komolek ‘este Comelec Chairman Andy Bautista.

Aba, kung totoo ang mga ibinunyag ni Ms. Bautista, ang masasabi natin, si komolek ‘este Comelec Chairman Bautista ay nagtataglay ng mukhang tila sa anghel pero tusong higit pa sa isang matsing.

‘ULONG’ MALUPIT
SA DPOS NG KYUSI


UMABOT sa 83 sidecar ang winasak ng backhoe sa impounding area ng Department of Public Order and Safety (DPOS) sa Scout Reyes St., Brgy. Paligsahan, Quezon City, kaugnay sa pinaigting na kampanya laban sa mga kolorum na tricycle sa nabanggit na lungsod.
(ALEX MENDOZA)

MAY kasabihan, nakawan mo na raw ng isang baul na ginto ang milyonaryo, pero huwag ang mga dukha ng isang pinggang kanin.

READ MORE:  The Gods of Padre Faura must be crazy

Sinasabi natin ito kaugnay ng napanood natin sa telebisyon na pagwasak ng Quezon City Department of Public Order and Safety (DPOS) sa side car ng mga tricycle na sinabi nilang kolorum.

Nakadudurog ng puso habang winawasak ng bulldozer ang side car ng mga tricycle driver.

Alam ba ninyo kung gaano ang presyo ng side car?

Pinakamababa ang P20,000.

Kayamanan na ‘yan para sa isang pobreng tricycle driver na kumikita lang nang wala pang P600 sa isang araw.

Wala bang alam na ibang paraan si DPOS chief, ret. Gen. Elmo “Ulo” San Diego kung paano lulutasin nang maayos ang isyu ng mga tinatawag nilang kolorum na tricycle!?

E sabi nga ng mga tricyle driver, ayaw naman silang bigyan ng linya ng city hall kahit nag-a-apply sila. Baka naman puro TODA official lang ang nakikinabang sa linyang ibinibigay ng city hall?!

Para lutasin ang isyu ng kolorum, hindi makatuwiran ang ginawang pagwasak sa side car ng mga tricycle.

Daig pa niyan ang ninakawan ninyo ng isang pinggang kanin sa kanilang hapag kainan ang pamilya ng mga dukhang tricycle driver.

DPOS chief, ret. Gen. San Diego, ngayon ako naniniwala sa sinasabi nilang ibang klase ang lupit ninyo!

Mukhang sa maliliit na gaya nila, napakadali ninyong magpatupad ng batas pero sa malalaking violators gaya ng illegal terminal ay hindi kayo makaporma.

Paki-explain nga!

 

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected] Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit http://www.hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap
COMMENTS

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)
Scroll To Top
 

Copyright hatawtabloid.com | All Rights Reserved