Sunday , September 23 2018
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Balewalang karangyaan
Balewalang karangyaan

Balewalang karangyaan

ANG pagkakaroon ng sobra-sobrang yaman ng ilang ‘pinagpalang’ nilalang ay madalas hinahangaan at kinaiinggitan din ng maraming tao, lalo na ng mga naghihikahos sa buhay.

Hindi nga naman makatatakas sa pagpuna ng ilang maralita ang malapalasyong kabahayan sa malalawak na lupain, naggagandahang sasakyan, nagkikislapang alahas, mamahaling gamit at kasuotan ng tinaguriang “may kaya” sa buhay habang sila ay “isang kahig, isang tuka” sa makakain araw-araw.

Pero ang lahat ng yaman na ito ay mananatili rito sa mundo dahil hindi maibabaon sa sinasabing “kabilang buhay” kapag pumanaw ang isang tao.

At kung manatili mang buhay ang mga “ubod nang yaman” sakaling nasangkot sila sa ilegal na aktibidad at nahuli ay tiyak na hindi rin nila mapapakinabangan ang kanilang mga mamahaling gamit sa loob ng piitan.

Halimbawa na rito ang sinapit ni Ozamiz Mayor Reynaldo Parojinog at ng kanyang pamilya. May mga nagsasabing ang alkalde ay labis-labis ang pera at kayamanan.

Pero ang lahat ng kanyang karangyaan ay nabalewala nang siya at ang kanyang asawa, ilang kaanak at tauhan ay masawi nang lumaban umano sa puwersa ng pulisya na sumalakay sa kanyang tahanan noong nakaraang Linggo.

Ang mga anak ni Parojinog na sina Ozamiz City Vice Mayor Nova at Reynaldo Jr., at ang ilan sa kanilang mga tauhan ay nakaligtas pero nakakulong na ngayon.

Nakasamsam umano ang mga awtoridad nang matataas na kalibre ng baril, bala at pati na ipinagbabawal na shabu sa lugar ng mga Parojinog.

At habang nagdurusa ngayon sa loob ng piitan ang mga anak ng yumaong alkalde ay naglalabasan sa social media ang larawan ng mamahaling mga gamit na pag-aari raw ni Nova.

Kabilang na rito ang mga bag at sapatos na sinasabi umanong “katas ng illegal drugs” na hindi magagamit sa loob ng Bilibid sa kabila nang marangya niyang pamumuhay. Hindi biro ang presyo ng naturang mga gamit na nagkakahalaga raw ng P100,000 hanggang P2 milyon o higit pa.

Maituturing na mas mahal pa ang isang pares ng sapatos o bag kaysa ilang sasakyan. Gayonman ay nagawa nilang bilhin dahil karapatan nilang gawin ang anomang gustuhin sa kanilang pera.

Hindi ko sinasabing may kaugnayan sina Parojinog sa kriminalidad dahil batas ang makapagpapatunay nito.

Pero ang lahat ay may hangganan lalo na kung totoong sangkot ang tao sa ilegal na gawain. Maaaring ngayon ay nabubuhay siya sa damdamin na nasa tuktok ng mundo pero bukas-makalawa ay posibleng lumagapak sa panahon na siya ay mahuli at kailangan nang magbayad sa batas.

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

FIRING LINE – Robert B. Roque, Jr.

COMMENTS

About Robert B. Roque, Jr.

Scroll To Top
 

Copyright hatawtabloid.com | All Rights Reserved