BINIGYANG-DIIN ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, kailangang mabigyan nang agarang aksiyon ang bantang mass leave ng mga empleyado ng Bureau of Immigration (BI).
Nag-ugat ang banta ng mga kawani ng BI sa hindi pagbibigay ng overtime pay sa kanila noon pang buwan ng Enero.
Ayon kay Aguirre, malaki ang magiging epekto sa national security at sa ekonomiya ng bansa kung matutuloy ang bantang mass leave ng mga empleyado.
Sinabi ng kalihim, kung walang tatao sa mga immigration counter sa mga international port, mapanganib ito sa national security dahil walang sasala, at magpoproseso sa mga pumapasok sa bansa.
Bukod sa usaping panseguridad, makaaapekto rin aniya ito sa ekonomiya, partikular sa turismo, dahil hindi malayong madesmaya ang mga turista na nais magtungo sa Filipinas.