Friday , September 21 2018
Breaking News
You are here: Home / Showbiz / Angeline, ‘di sinasadyang gayahin ang lahat ng gawi ni Regine
Angeline, ‘di sinasadyang gayahin ang lahat ng gawi ni Regine

Angeline, ‘di sinasadyang gayahin ang lahat ng gawi ni Regine

INAMIN ni Angeline Quinto na idolo niya si Regine Velasquez kaya nagagaya niya lahat ng estilo nito pagdating sa pagkanta lalo’t pareho sila ng timbre ng boses na bumibirit. Pati ang pananamit ay mala-Songbird din si Angge isama mo pa na medyo hawig sila at pareho pati kutis.

“Siguro nga po, nakukuha ko na kasi idol ko siya, eh, pero ate Reggs, ganito po talaga timbre ng boses ko noon pa. Siguro nagkataon na pareho kami ng style,”sagot ng dalaga ng punahin namin.

At dahil mang-aawit at artista rin si Regine ay ito rin ang gustong tahaking landas ni Angeline dahil ang dalawang naging leading man ni Songbird ay gusto ring makatrabaho ng huli.

“Idol ko po kasi talaga si Robin (Padilla), ate Reggs, hindi naman sadyang ginagawa ko kung sino mga nakasama ni ate Regine. Nakapag-guest po ako sa ‘To The Max’ dati kaya nakilala ko si Robin, bata pa ako, idol ko na siya.

“Kaya ngayong nabibigyan ako ng pagkakataong makagawa ng pelikula, eh, sana isa siya sa makasama ko. Gusto ko rin si Piolo Pascual, siyempre, papa P ‘yan, at si John Lloyd Cruz para sa drama, pero ate Reggs, hindi ako puwede sa dramang-drama talaga, comedy pa rin kasi ako,” esplika ng dalaga.

Si Angeline kasi, maski seryoso siyang magsalita may mga nasasabi siyang nakatatawa na hindi naman niya rin alam at magtataka na lang siya kung bakit nagtatawanan ang mga tao.

“Ganito kasi talaga ako, ate Reggs, normal ko ito, alam mo naman, laking Sampaloc ako,” sabi pa.

DREAM MAKAGAWA NG HORROR MOVIE

At ito sigurong pagiging komedyana ni Angeline kaya naaliw sa kanya ang mag-inang Mother Lily Monteverde at Roselle Monteverde-Teo dahil kinontrata siya sa dalawang pelikula, ang That Thing Called Tanga Na na ipinalabas na noong 2016 at dahil kumita naman at nabawi ang puhunan ay may follow-up na Foolish Love na ipalalabas sa Enero 25.

Sabi nga ng singer/actress, ”ate Reggs, hindi naman ako humihingi ng blockbuster na movie, ang lagi ko lang ipinapanalangin, sana bumalik ‘yung nagastos ng producer. So far po, kumita ang ‘That Thing Called Tanga Na’ kaya siguro nasundan ng ‘Foolish Love’.

“Tinanong nga po ako nila (Mother Lily at Roselle) kung ano ‘yung movie na gusto ko pang gawin o dream role. Ang sabi ko, gusto ko pong makagawa ng horror movie, kaya tinanong nila kung bakit iyon ang gusto ko?

“Sabi ko, mahilig po kasi ako sa horror at comedy, at saka kasi ang idol ko, sina Ms. Maricel Soriano at si Ms. Janice de Belen. ‘Di ba si Ms. Janice, pinaka-baby ng Regal pagdating sa horror movies.

“Paborito ko ‘yung ‘Tiyanak’ ni Ms. Janice, ‘Feng Shui’ ni ate Kris (Aquino), at ‘Shake, Rattle and Roll’ lagi kong sinusundan ‘yun.

“Sa foreign po gusto ko ‘tong ‘Annabelle 2’, ‘Conjuring’, ganoon. Pero matatakutin ako sa bahay, kapag nanonood ako ng horror, hindi mo ako mapapatulog mag-isa sa bahay, ha, ha, ha,” natatawang kuwento ng dalaga.

Tinanong namin kung ano ang mas nakatatawa sa dalawang pelikulang ginawa niya, That Thing Called Tanga Na o itong Foolish Love?

“Mas natatawa ako rito sa ‘Foolish Love’ kasi sa ‘That Thing Called Tanga Na’, marami kami roon, so itong sa amin ni Jake, sa amin naka-sentro, kasama rin sina ToMiho (Tommy at Miho),” katwiran ni Angge.

HALIK NI JAKE, MASARAP

Ayaw masyadong magkuwento ng dalaga tungkol sa kissing scene nila ni Jake dahil nahihiya, pero nagpapasalamat siya sa aktor dahil inalalayan daw siya at sinabi niyang first time niya.

Biniro namin kung masarap humalik si Jake, ”oo naman po,” sagot kaagad sa amin.

Paano nasabing ‘good kisser’ eh, wala ka namang karanasan ‘ika mo, ”basta, ramdam ko po.”

Sinunod lang daw ni Angeline ang bilin ni direk Joel Lamangan na maghalikan sila ni Jake at good take naman daw sabi rin mismo ng direktor.

Edad 27 na ang singer/actress pero wala pa rin siyang boyfriend, pero aminadong may mga nanligaw na non-showbiz na sinabihan niyang mas magandang maging magkaibigan na lang sila.

“Sabi ko po sa kanila, ‘mas magandang maging magkaibigan na lang tayo kasi hindi pa ako handa.’ Sabi ko pa, mamili sila, magiging magkaibigan kami para papasukin ko sila sa bahay ko o totally hindi na. Eh, so far po, tanggap naman nilang maging magkaibigan kami,” paliwanag ng dalaga.

HINDI PA HANDANG MAKIPAGRELASYON

Ito siguro ‘yung binabanggit sa amin ng fans nina Angeline at Erik Santos na kaya hindi sinasagot ng una ang panliligaw ng King of Pop ay dahil nga may boyfriend na hindi showbiz.

“Naku, wala po akong boyfriend, ‘yung isa po kasi roon, kaibigan ng pinsan ko, kaya close sila at naging close ko na rin, pero wala po talaga, hindi kami at wala akong boyfriend,” diin ni Angge.

Iniiwasan muna ng dalaga ang mga seryosong usapan pagdating sa puso dahil inuuna muna niya ang mga trabahong dumarating sa kanya na ito naman talaga ang ipinapanalangin niya araw-araw at sa tuwing sasampa siya sa Poong Nazareno tuwing Enero 9.

”Sobrang blessed ate Reggs, tulad nitong February, bago kami umalis para sa ‘Divas Live on Tour’ sa Los Angeles (Feb 17), San Diego California (Feb 18), at San Francisco (Feb 19) ay may provincial tour muna kami.

“Tapos pagbalik namin ng Pilipinas, may ‘Birit Queens’ concert (Klarisse de Guzman, Jona, at Morissette) naman kami sa MOA sa March 31 tapos may Europe tour naman iyon, ‘Birit Queens’ ulit.

“Tapos may pelikula pa akong ipalalabas sa January 25, itong ‘Foolish Love’ namin ni Jake, kaya ate Reggs, sobra-sobrang blessed talaga ako, kaya alangan namang hindi ko ito unahin?”

NAKIKIPAG-USAP SA MAKINANG NA BITUIN

Nabanggit din ng dalaga na hiniling niya sa bituing makinang na makasakay siya ng eroplano.

“Mahilig po ako talaga sa bituin kaya nga ako nagpa-tattoo, (sabay pakita ng star), alam mo ba ate Reggs, noong bata pa ako, nakatira ako sa bahay ng tatay ko.

“Ang corny nito pero totoo, alam mo bang kinakausap ko ang mga bituin tuwing gabi kasi may terrace kami. Sabi kasi sa akin ng kaibigan ko na once na may nakita akong bituin na makinang, titingin lang daw ako sa langit at mapapnsin ko naman kung anong bituin doon ang makinang, kausapin ko raw.

“Ang lagi kong sinasabi sa bituin, sana makasakay ako ng eroplano, heto, lagi na nga ako sumasakay ng eroplano, jetlag na nga ako lagi, eh,” tonong seryoso pero natatawa ang dalaga.

MASARAP MAGLUTO, KAYA TUMABA

Napansin naming tumaba si Angeline at sinabi namin iyon sa kanya na ayaw pang aminin pero sa huli ay um-oo na.

“Oo ate Reggs, tumaba talaga ako kasi noong Pasko po at New Year, ako lang ang nagluluto,” katwiran ng dalaga.

Hirit naman ng handler niyang si Cynthia Roque ng Cornerstone ay kayang-kaya raw ni Angge magpakain ng 50 katao.

“Puwede siyang magtayo ng catering, marami siyang alam na luto, mahilig siyang magluto at masarap siyang magluto,” sabi pa ni Cynthia.

Dagdag kuwento pa ni Angge, ”ate Reggee, nag-umpisa akong magluto (Pasko at Bagong Taon) alas dos ng hapon, natapos ako mag-7:00 p.m. basta may katulong lang akong maggayat-gayat.  Ako na lahat.”

Masarap daw magluto ng bake salmon ang singer/actress na katulad ng sa Conti’s, Kaldereta, Kare-Kare, Sisig, Bulalo at maraming iba. Pero ang paborito raw lutuin ng dalaga ay kalderetang baka at bulalo.

“Mahilig kasi ako sa beef,” saad pa.

“Sa tatay ko po ako natutong magluto, magaling magluto tatay ko,” say ng dalaga.

Kaya hirit namin kung bakit hindi siya nagtayo ng restaurant para magamit niya ang alam niya sa pagluluto at tiyak na maraming tao lalo’t malalamang siya ang nagluluto.

“Ate Reggee, may mga nag-aalok naman sa akin, sa ngayon po kasi, hindi ko matutukan. Siguro po magtatayo ako ng business kapag may mga tao akong puwede kong pagkatiwalaan na. Ang hirap kasi kung hindi ka hands–on,”pangangatwiran ni Angge.

Naikuwento ring marunong siyang maglinis ng bahay, maglaba. ”Marunong ako magpintura ng bahay, maglinis ng banyo, mag-arrange ng bahay, magpaligo ng aso, mag-igib,  mamalantsa, magtanggal ng baha sa bahay at iba pang gawaing bahay,”  pati nga raw mangumpuni ng mga sira ay kaya niyang gawin.

Kaya sabi namin kay Angeline na napakasuwerte ng mapapangasawa niya dahil all-around siya at bihira sa babae ang alam ang lahat. Kaya pinayuhan naming mag-ingat siya sa pagpili ng mapapangasawa niya.

Binanggit din namin na kung puwede ay si Erik na lang ang makatuluyan niya na naghihintay ngayon sa kanya kung kailan siya magiging handa.

“Alam na alam mo talaga, ate Reggee ‘no?” napangiting sabi ng dalaga.

Kailan nga ba magiging handa si Angeline, ”hindi ko masabi ate Reggs, siguro kapag settle na ako (financially at emotionally), hindi ko alam kung ilang taon,”pahayag sa amin.

Binanggit din namin kay Angeline na kaya si Erik ang gusto namin ay dahil pareho sila ng trabaho kaya magkakasundo sila at magkaka-intindihan, bukod pa sa stable na ang binata at magiging asawa na lang niya ang hinihintay niya.

Pinayuhan din naming sana in three years time dahil 27 na ngayon si Angeline ay mag-asawa na siya para maski paano ay makikita pa niya ang paglaki ng mga anak niya.

Nasambit din ng dalaga na kung sakaling magkaka-anak siya ay hindi raw siya ang tipong mahigpit lalo na’t gusto nitong magpalagay ng tattoo na nakita rin sa kanya.

“Hindi ko siya puwedeng pigilan ate Reggs, kasi ako mayroon. Gusto ko, ‘pag nagka-anak ako, hindi ko siya pipigilan sa lahat, ‘pag alam kong mali, ipaliliwanag ko, hindi ko pagbabawalan. Cool mom ako,” paliwanag niya.

FACT SHEETReggee Bonoan

COMMENTS

About Reggee Bonoan

Scroll To Top
 

Copyright hatawtabloid.com | All Rights Reserved