Saturday , November 17 2018
Breaking News
You are here: Home / News / 8 sa 10 Pinoys takot mamatay sa drug war — SWS
8 sa 10 Pinoys takot mamatay sa drug war — SWS

8 sa 10 Pinoys takot mamatay sa drug war — SWS

WALO sa bawat 10 Filipino ang nangangambang mabiktima sila ng talamak na patayan sa gitna ng kampanya ng pamahalaan laban sa droga, ayon sa resulta ng survey ng Social Weather Stations.

Sinabi ng 78 porsiyento ng 1,500 respondents mula 3-6 Disyembre, nangangamba sila o sino mang kakilala nila ang mamatay bunsod ng kampanya laban  sa droga.

Ang nalalabing 10 porsiyento ay hindi gaanong nangangamba, at 12 porsiyento ang hindi nangangamba.

Sa kabila nang mataas na insidente ng pangamba, 85 porsiyento ng respondents ang nagsabing kontento sila sa kampanya ng pamahalaan laban sa droga.

Tanging pitong porsiyento ang hindi pa makapagpasya at walong porsiyento ang hindi kontento, nagresulta ito sa “excellent” rating para sa anti-drug performance ng gobyerno ni Duterte.

 ‘DI NASIYAHAN
SA WAR ON DRUGS
IPOKRITO
— PNP CHIEF

TINAWAG na ipokrito ni PNP chief Director General Ronald Dela Rosa ang mga hindi nasisiyahan sa kampanya kontra droga ng gobyerno.

Reaksiyon ito ni Dela Rosa makaraan ilabas ng SWS ang survey na nagsa-sabing 85 porsiyento ng kanilang mga tinanong ay kontento sa anti-drug campaign ng PNP habang walong porsiyento ang mga hindi natutuwa at pitong porsiyento ang “undecided.”

READ MORE:  Dalagita 5 taon sex slave ng stepfather

Ayon sa PNP chief, nakikinabang din sa resulta ng kampanya kontra droga ang mga hindi kontento sa trabaho ng pulisya dahil naging ligtas na aniya ang mga komunidad.

Pahayag ni Dela Rosa, kung pakiramdam aniya ng mga hindi kontento sa kampanya ng PNP ay hindi sila ligtas sa giyera kontra droga ay baka sangkot sila sa operasyon ng bawal na gamot.

Samantala, ikinatuwa ng heneral ang 85 porsiyento na kontento sa anti-drug campaign ng pamahalaan at patunay aniya ito ng totoong sentimyento ng publiko.

 ‘WAG MABAHALA
SA EJKs
— PALASYO

PINAWI ng Malacañang ang pangamba ng mga Filipino sa nagaganap na extrajudicial killings o summary execution kasunod ng anti-drug war ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Reaksiyon ito ng Malacañang sa resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey sa last quarter ng taon na 78 porsiyento ng mga Filipino ay nangangamba sa kanilang seguridad sa gitna ng extrajudicial killings sa bansa.

Sinabi ni Communications Sec. Martin Andanar, kinikilala ng Malacañang ang pangamba ng sambayanang Filipino hinggil sa kanilang kaligtasan sa pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga.

READ MORE:  ‘Ninja’ removal sa comfort woman statue pinaiimbestigahan

Ayon kay Andanar, ang anti-illegal drug campaign ng pamahalaan ay hindi nakasentro sa mga inosenteng mamamayan.

Inihayag ni Andanar, hindi polisiya ng estado ang pagsasagawa ng extrajudicial killings dahil ito ay labag sa batas.

Niliwanag ni Andanar, ang mga napapatay na kriminal na sangkot sa ilegal na droga ay kagagawan ng common criminals at ibinibintang lamang sa mga operatiba ng pamahalaan.

Tiniyak ni Andanar, pinananagot ng gobyerno ang mga pulis na lumalabag sa operational procedure laban sa illegal drugs suspects.

Idinagdag ni Andanar, sa kaparehong survey ng SWS ay napanatili ni Pangulong Duterte ang mataas na tiwala ng publiko sa kanyang anti-illegal drugs campaign makaraan makakuha ng 85 porsiyentong satisfaction rating.

Samantala, umakyat na sa mahigit 2,000 ang bilang ng mga napapatay sa Oplan Double Barrel ng Philippine National Police (PNP) simula noong 1 Hulyo hanggang 12 Disyembre.

Sa report inilabas ng PNP, nasa 2,086 drug suspects ang napapatay makaraan lumaban sa isinagawang 38,681 illegal drugs operation sa buong bansa.

READ MORE:  65-anyos Australiano nahulog sa hagdan, patay

Hindi pa kasama rito ang  mga biktima ng summary executions o death under investigation.

EJKs KABIGUAN
NG PNP
— GEN. BATO

AMINADO si PNP chief Director General Ronald dela Rosa, kabiguan ng pulisya ang pag-usbong ng extrajudicial killings (EJK) sa bansa.

Kaya hindi niya masisisi kung may mga sibilyan na nangangamba na baka mangyari sa kanila ang extrajudicial killings.

Ito ay kasunod sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) na may 1,500 respondents o katumbas ng 78 porsyento ang natatakot na baka mabiktima sila o sino man sa kanilang mga kakilala ng extrajudicial killings.

Ayon kay Dela Rosa, hindi na siya magmamalinis, inaamin  niyang nangyayari talaga ang mga patayang hindi kilala kung sino ang salarin.

Ngunit tiniyak ng PNP chief, ginagawa nila ang lahat para mapigilan ang mga insidente ng extrajudicial killings.

Paglilinaw ni Dela Rosa, hindi sila natutuwa na may mga napapatay na Filipino lalo na ang mga mahihirap sa kanilang inilunsad na giyera kontra droga.

COMMENTS

About hataw tabloid

Scroll To Top
 

Copyright hatawtabloid.com | All Rights Reserved