Thursday , May 13 2021
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Mga pekeng sigarilyo sa Balintawak market

Mga pekeng sigarilyo sa Balintawak market

Dragon LadyMISTULANG may kinakapitan na maiimpluwensiyang tao ang mga tindero at tindera ng mga sigarilyo sa Balintawak Market sa lungsod ng Quezon, dahil walang takot na naka-display ang kaha-kahang sigarilyo sa mismong daanan ng mga mamimili.

***

Sa murang halaga, mabibili ang mga sigarilyo gaya ng Marlboro, Marlboro Lights, Marlboro Black, soft at Flip-top, Fortune white, Fortune Red sa halagang P30 ang isang kaha, samantala ang tunay na presyo nito ay doble ang taas sa mga itinitindang peke.

***

Mahahalata na hindi orihinal ang sigarilyo, dahil ang pagkakabalot ay malambot, at kapag tinikman ay napakatabang, ni hindi sumasayad sa lalamunan ng hinihitit na sigarilyo, hindi natin alam na mas matindi ang epekto nito sa orihinal na sigarilyo. Bagama’t kopyado ang labas ng kaha ng sigarilyo.

***

Ang hindi ko maintindihan ay bakit malayang nakapagbebenta ang mga tindero nito sa bungad pa lamang ng tindahan ng mga prutas ay tanaw na ang ga-bundok na kaha-kahang sigarilyo. Ano ang ginagawa ng LGU ng Quezon City at hinahayaan ito? Ang manufacturer ng mga sigarilyong ibinebenta ay dapat din kumilos dahil kinokopya ang kanilang mga sigarilyo.

***

O baka naman timbrado ito sa mga kinauukulan kaya walang takot na naka-display ang mga pekeng sigarilyo? Dito pala umaangkat ng sigarilyo ang cigarette vendors na nagbebenta sa kalye, sa halagang P5 ang bawat stick, gaya ng Marlboro na pumapatak na P100 kapag nabenta ang isang kaha, gayong P30 lamang ang puhunan sa isang kaha ng Marlboro, mas malaki ang tubo kaysa puhunan!

***

Mayor Herbert Bautista, pakibusisi ang aking mga binanggit at pagsusunugin ang mga itinitindang pekeng sigarilyo! Panay ang anunsiyo na “Cigarette Smoking is Dangerous” paano na ‘yung mga pekeng sigarilyo, ‘di ba mas nakatatakot? Ang tagal na palang raket ito sa Balintawak Market, bulag at bingi ang kinauukulan!

ISUMBONG MO KAY DRAGON LADY – Amor Virata

About Amor Virata

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top