Saturday , April 20 2024

Sylvia, aminadong mas magaling sa kanya si Arjo

SOBRANG proud ang The Greatest Love lead actress na si Sylvia Sanchez sa mga pumupuri sa anak niyang si Arjo Atayde sa mahusay na pagganap nito bilang Joaquin Tuazon ng FPJ’s Ang Probinsyano.

Lagi naman daw nakatatanggap ng papuri si Ibyang tungkol kay Arjo, pero simula raw noong Biyernes (Setyembre 30) ay walang tigil sa katutunog ang cellphone niya sa rami ng nagte-text para batiin siya bilang ina ng aktor sa eksenang umiyak ang binata dahil namatay ang kapatid nito sa serye sanhi ng pagkaka-ambus nilang mag-ina.

“Grabe Reggs, hindi humihinto ang telepono ko sa kariring at kakatanggap ng text, sobra-sobrang nagpapasalamat ako sa lahat ng bumabati sa akin at kay Arjo. Wala akong mapaglagyan ng saya ko.

“Ito ang sagot sa mga panalangin ko noon na kung desidido na si Arjo na mag-showbiz, sabi ko, ‘Lord, sana po, marunong umarte ang anak ko, sana po, bigyan n’yo siya ng pagkakataong ipakita ang nalalaman niya sa pag-arte.

“’Yun lang ang panalangin ko, kaunting acting lang, tapos matututuhan naman na niya ‘yan, eh, Reggs, hindi ko alam na ganoon pala, sumobra ang ibinigay ng Diyos kay Arjo, mahusay siya, hindi dahil anak ko siya, nakitaan ko naman din talaga,” kuwento ng aktres sa kabilang linya.

Diretsong sabi namin na mas magaling umarte si Arjo kaysa ina.

“Oo naman, hindi ko naman ipagkakait ‘yun. Kapag sinasabi nga ng iba na magaling akong umarte nagpapasalamat ako.

“Pero kapag sinasabing mas mahusay si Arjo kaysa akin ay talagang aaminin ko kasi totoo talaga, siyempre anak ko ‘yun.

“Ako natuto na lang ako sa tagal ko na sa industriya, at aaminin ko na hindi ito overnight na napag-aralan ko, matagal, nahasa na rin sa tagal.

“Pero si Arjo, ilang taon palang siya at talagang nag-aaral siya, nanonood ‘yan ng mga pelikula, lahat ng kilos at galaw, inaaral niya,” pagkukuwento pa ng proud mom ng aktor.

Balik-alaala tuloy ni Ibyang na hindi pa raw artista noon si Arjo ay nakitaan na niya ng talent sa pag-arte nang magkaroon ng recital ang Star Magic.

“Nanood kami ng daddy (Art Atayde) niya, isinama ko daddy niya para makita kung papayagan niyang mag-artista si Arjo kasi ayaw na ayaw ng daddy niyang mag-artista kasi nga gusto negosyo, sumunod sa kanya, mag-negosyo.

“Right after ng performance ni Arjo, tanging nasabi lang ng daddy niya, ‘ito ang field ni Arjo.’

“Kaya muna noon, pinayagan na si Arjo ng daddy niya na mag-showbiz. Ako naman after kong mapanood si Arjo, sabi ko, ‘thank you Lord, mas magaling sa akin ang anak ko.’”

Kanino nagmana sa pag-arte si Arjo? “Eh, di sa akin pa rin, ha, ha, ha, ha, ha,” tumawang sagot sa amin ng aktres, “mas magaling lang siya.”

Pero, hindi lang naman si Arjo ang napupuri dahil maging si Sylvia rin ay nakatatanggap din ng magagandang salita sa pagkakaganap niya sa seryeng The Greatest Love.

Kuwento nga ni Ibyang na lahat ng panalangin niya ay natutupad kaya naman nagpapasalamat siya ng todo at sa lahat ng blessings na natatanggap nilang pamilya kaya kahit ngarag sa araw-araw na taping ng The Greatest Love ay ginagawan niya ng paraan na makasama ang mga anak kapag wala siyang taping.

“‘Yun lang talaga, kapag wala akong taping ng Sabado o Linggo, talagang bitbit ko si Xavi (bunsong anak) sa Punta Fuego (resthouse) para makapagpahinga at makasama ko sila. Sobrang nami-miss ko ang mga anak ko.

“Talagang patay lahat ang cellphone, ayokong maistorbo, kasi ito lang ‘yung araw na para sa pamilya ko kaya talagang sinusulit ko ang buong araw,” pag-amin ng akres.

Sobrang nagpapasalamat din si Sylvia sa asawa niyang si Papa Art Atayde dahil suportado siya sa lahat ng ginagawa niya.

“Oo lalo na kapag uuwi ako ng madaling araw, tulog na lahat, siyempre nakaka-guilty din ‘yun, kaya nga sobrang nagpapasalamat ako kay Art kasi naiintindihan niya.

“Nakakatawa nga, minsanan na lang din kaming magkita ni Arjo kasi busy din siya, minsan nag-abot kaming dumating ng madaling araw, kumustahan lang, ganoon kasi matutulog na rin siya dahil maaga call time niya.

“Sabi lang niya last week, ‘ma, you watch the ‘Probinsyano’ episode on Friday (last week), then let me know your feedback. Eh, ‘yun pala ‘yung nag-break down siya dahil namatay ang kapatid niya.”

At bukas, Sabado Oktubre 8 ay gustong manood nina Ibyang kasama ang pamilya sa isasagawang 1stanniversary concert ng FPJ’s Ang Probinsyano sa Smart Araneta Coliseum pero hindi niya magagawa dahil may trabaho siya.

“Gustong-gusto kong manood, Reggs, gusto kong suportahan ang ‘Ang Probinsyano’, siyempre, napakalaki ng nagawa ng show kay Arjo at sa Dreamscape, eh, malabo, may taping kami. Baka mga anak ko puwedeng pumunta,” say ng aktres.

FACT SHEET – Reggee Bonoan

About Reggee Bonoan

Check Also

Gary Valenciano Star Magic ABS-CBN

Gary V handang umarteng muli sa harap ng kamera, bahagi na ng Star Magic family 

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio PANIBAGONG career milestone ang naitala ng pambansang Mr. Pure Energy …

Beaver Magtalas Rico Yan

Beaver Magtalas mala Rico Yan ang dating

MATABILni John Fontanilla KAMUKHA ng yumaong aktor na si  Rico Yan ang baguhang aktor na si Beaver Magtalas na …

Ivana Alawi

Ivana Alawi gumastos ng milyones para sa lalaki

MATABILni John Fontanilla NABIGLA ang publiko nang aminin ni Ivana Alawi sa kanyang pamilya at sa publiko …

Dennis Padilla Aster Amoyo

Dennis ibinilin sa mga anak: magtulungan

MA at PAni Rommel Placente SA guesting ng komedyanteng si Dennis Padilla sa vlog ni Aster Amoyo na TicTALK with …

Janno Gibbs Manilyn Reynes Keempee de Leon

Manilyn pinaka-memorable na ka-loveteam si Janno

MA at PAni Rommel Placente SA guesting ni Manilyn Reynes sa Updated with Nelson Canlas, tinanong siya kung …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *