Saturday , April 20 2024

Erik, Jo Malone perfume ang ipinambayad na toll fee

00 fact sheet reggeeNAGULAT kami kay Erik Santos nang dumating sa bagong bukas na restoran sa Mother Ignacia, Quezon City noong Miyerkoles na nakatsinelas kaya biniro naming, ‘ang laki ng bahay mo, parang nasa salas ka lang?’

Sinubukan kasi namin ang nasabing restaurant na balitang masarap ang ini-offer nilang pasta at cakes.

Anyway, sabi sa amin ng binatang singer, ”magpapalinis kasi ako ng kuko riyan sa Posh, eh, ginutom ako kaya dumaan ako rito, ikaw talaga ate Reggee, ang daming napapansin.”

Kasama ni Erik ang kaibigan niyang si Cynthia Roque ng Cornerstone na siyang nagbayad ng kinain ng singer kasi walang dalang pera ang binata.

Kuwento ni Cynthia, ”sanay na ako kay Erik Santos, Reggee, ganyan talaga ‘yan, hindi nagdadala ng wallet, basta naka-full tank ‘yan, lalakad na ‘yan, may credit line naman sa akin ‘yan.”

Ganoon? Idol ba ni Erik si Aga Muhlach na hindi rin nagdadala ng cash kaya pati toll fee ay walang pambayad?

At dito na naikuwento ni Erik na pareho sila ng karanasan ni Aga, ”ay nangyari na ‘yan sa akin ate Reggee, wala akong dalang pera, eh, dadaan ako sa toll gate, ayaw akong padaanin talaga, sabi ko, ‘boss pasensiya na, iwan ko ‘tong pabango ko, balikan ko na lang, buti pumayag.’

“Oo totoo, iniwan ko pabango kong Jo Malone tapos binalikan ko rin naman, kasi malapit lang naman sa bahay namin ‘yung toll gate.”

Ang sinasabing toll gate ni Erik ay ‘yung galing Mindanao Avenue na papasok sa NLEX at totoong malapit ang bahay ng binata roon dahil taga-Novaliches siya.

Ano nga ba ang dahilan ng ilang taong hindi nagdadala ng cash, paano kung may emergency?

“Ano, para iwas gastos, tipid din kasi ‘pag may nakita kang gusto mo, ang tendency, bili ka ng bili, eh, kung wala kang cash, hindi mo mabibili, hanggang tingin ka lang or puwede mong balikan na lang.

“Pero may dala naman akong card (credit card), in case magpapa-gas ako, so mayroon naman,” katwiran ni Erik.

Hmm, make sense naman Ateng Maricris, kaya umpisahan na nating hindi magdala ng cash, deal?

Pero paglilinaw ni Erik, hindi naman daw siya kuripot o inuyat tulad ng tukso sa kanya, ”wise spender lang ako, gusto ko nasa tama lahat, kung ano lang ‘yung kailangan ko, ‘yun lang ang binibili ko.

“Hindi naman ako maluho sa gamit, ate Reggee, bigay naman lahat ito sa akin, marunong lang akong mag mix and match kaya akala mo marami akong damit.

“At saka hindi naman ako rito (Pilipinas) bumibili, sa ibang bansa kung saan ako may show, kasi mas mura at maramihan ako bumili lalo na kapag sale.”

Sa suit ay talagang gumagastos si Erik.

“Kasi gusto ko sukat na sukat sa akin. ‘Di ba lalo na kapag may show ka, dapat maganda ‘yung suit mo, dapat sukat, hindi ‘yung maluwag ‘yung dito (kili-kili at manggas), dapat sakto para maganda,” katwiran ng binatang singer.

At ‘pag nasa ibang bansa raw si Erik ay sa mga murang mall daw siya namimili at paborito niya siyempre ang outlet at Target Store.

“Ang sarap kayang mamili sa mga ganoon, dami ko napipili,” sabi pa.

MARICAR REYES, PEG MAGING GF

Sa kabilang banda, kinumusta namin si Angeline Quinto kay Erik na sabi ng dalaga ay hindi na raw itinuloy ng binata ang panliligaw.

“Ganoon ba? Eh, kung ano na lang ang sinabi niya, Ate Reggee, ‘yun na lang,” sagot sa amin.

‘Ano ba talaga?’ pangungulit namin.

“Wala, hayaan mo na, busy siya at saka busy din ako kaya okay na magkaibigan na lang kami,” pahayag ni Erik.

Hindi naman itinanggi ni Erik na gusto na niyang mag-asawa dahil hindi naman na rin siya bumabata. Pero mukhang mahirap magkaroon ng girlfriend muna ang singer.

“Gusto ko kasi ‘yung kakaibiganin ko muna, ‘yung friends kami, gusto ko ganoon ang foundation namin, o sige, maski hindi sobrang ganda, basta presentable,” sabi sa amin.

Peg daw ni Erik ay ang misis ni Richard Poon (RP) na si Maricar Reyes, kaya ang sabi namin, ‘Eh, bakit kasi hindi mo kaagad niligawan noong dalaga pa? Hindi naman kaagad nagkita o nagkakilala sina RP at Maricar?’

“Eh, hindi naman kasi kami nagkita rin ni Maricar that time, at saka hindi kami magkakilala, hayaan mo na, kay Richard talaga naka-destined ‘yun,”sabi kaagad ni Erik.

Nagkuwento pa ang binatang singer na ang gusto niya sa babae ay natsa-chalenge siya.

“May naka-date kasi ako, feel na feel niyang may ka-date siyang TV personality, ‘yung taas-noo. Ayoko ng ganoon, Ate Reggee, gusto ko ‘yung nakaka-challenge, ‘yung itatratong ordinaryo lang, hindi dahil napapanood ka or kilala ka,” kuwento ng binata.

Ilan na rin ang nakaka-date si Erik at ‘yung iba ay hindi na niya sinisipot pagkatapos ng dalawa o tatlong beses nilang pagkikita.

“Umiiwas na ako, panay pa rin ang text, sumasagot ako, pero halatang matabang na hanggang sa hindi na nag-text.”

‘DI PA SURE KUNG DADALO SA KASAL NI RUFA MAE

Nabanggit din ni Erik na iniimbita siya ng ex-girlfriend niyang si Rufa Mae Quinto sa kasal nito at nag-iisip siya kung pupunta siya.

“Iniisip ko nga kung pupunta ako, kasi hindi ba awkward?” tanong naman ni Erik sa kaibigan.

“‘Yung isang ex ko, pinuntahan ko, kasi okay naman, though okay naman kami ni Peachy, pero iniiisip ko pa,” sabi pa.

At napagkuwentuhan namin na malaki pala ang hirap na inabot ni Erik sa panliligaw niya kay Rufa Mae, halimbawa, madaling araw niya pinupuntahan sa shooting mula 1:00 a.m. hanggang 5:00 a.m. kaya talagang puyat siya noon.

Pambubuking naman ni Cynthia na siya ang nagturo kay Erik magmaneho.

“Eh, kasi Ate Reggee, nakakahiya naman ‘di ba kung may date kami ‘tapos may kasama pa kaming driver, kaya nag-aral talaga akong magmaneho, nagpaturo ako sa kaibigan ko, manual pa nga ‘yung inaral ko ‘tapos sa automatic naman pala ako babagsak,” natawang kuwento ng binata.

STABLE NA FINANCIALLY

Suwerte ng babaeng makakatuluyan ni Erik dahil stable na financially ang binata na mahilig mamili ng lupa na balak niyang patayuan ng bahay para ibenta.

“Inaaral ko pa ‘yung pagbi-build and sell, pero may nabili na akong mga lupa, pati, wala akong negosyo, investments pa lang,” say pa.

Tuwang-tuwa siya na may nabili siyang lupa noong ‘sila’ pa ni Rufa Mae somewhere in South dahil ang laki na ng bentahan ngayon samantalang mura lang niya nakuha noon.

Stable na rin ang career ni Erik, naabot na niya ang tagumpay, nakakapag-concert siya sa iba’t ibang bansa na pawang jampacked, at maging sa malalaking venue rin dito sa Manila tulad ng Araneta Center, sa PICC, at iba pa. Bumebenta ang lahat ng albums, at walang araw na bakante siya dahil limang beses sa isang linggo ay may event siya.

“Actually, Ate Reggee, sobrang thankful ako sa lahat ng blessings na nakukuha ko, siyempre sa tulong ng Backroom, ni Tito Boy (Abunda) noong nandoon ako, ‘tapos ngayon sa Cornerstone na sobrang alaga rin ako, never akong pinabayaan.

“‘Tapos nandito pa rin ako after 13 years in the business na ang dami-daming nagsusulputan ngayong bagong singers at ang gagaling lahat, ‘tapos heto pa rin ako, maraming shows, maraming nagtitiwala pa rin, kaya wala na talaga akong mahihiling pa.

“Sustaining na lang, Ate Reggee na hindi ako nawawala sa TV kasi exposure ‘yun para sa mga show abroad, ‘yun lang naman din. ‘Tapos okay naman kaming lahat, ang parents ko na binigyan ko ng kani-kanilang negosyo, kuya ko maganda ang work, ‘yung ate ko, okay din, maraming raket kaya technically, okay na kami, apo na lang, ha-ha-ha.

“Pero as of now, nakatira pa rin ako sa bahay namin kasama parents ko, ako pa rin lahat sumasagot sa gastos sa bahay. Spoiled ang parents ko sa akin, sobrang spoiled ko sila, Ate Reggee,” kuwento ng binata.

At suwerte nga ni Erik dahil regular siyang napapanood bilang isa sa mentor sa We Love OPM kasama sina KZ Tandingan, Yeng Constantino, at Richard Poon na napapanood tuwing Sabado at Linggo bukod pa sa Tawag Ng Tanghalan ng It’s Showtime bilang isa sa hurado kasama nina Mr. Rey Valera, Mitoy Yonting, Yeng Constantino, Karla Estrada, Nyoy Volante, Billy Crawford, K Brosas, at Mr. Louie Ocampo.

FACT SHEET – Reggee Bonoan

About Reggee Bonoan

Check Also

Gary Valenciano Star Magic ABS-CBN

Gary V handang umarteng muli sa harap ng kamera, bahagi na ng Star Magic family 

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio PANIBAGONG career milestone ang naitala ng pambansang Mr. Pure Energy …

Beaver Magtalas Rico Yan

Beaver Magtalas mala Rico Yan ang dating

MATABILni John Fontanilla KAMUKHA ng yumaong aktor na si  Rico Yan ang baguhang aktor na si Beaver Magtalas na …

Ivana Alawi

Ivana Alawi gumastos ng milyones para sa lalaki

MATABILni John Fontanilla NABIGLA ang publiko nang aminin ni Ivana Alawi sa kanyang pamilya at sa publiko …

Dennis Padilla Aster Amoyo

Dennis ibinilin sa mga anak: magtulungan

MA at PAni Rommel Placente SA guesting ng komedyanteng si Dennis Padilla sa vlog ni Aster Amoyo na TicTALK with …

Janno Gibbs Manilyn Reynes Keempee de Leon

Manilyn pinaka-memorable na ka-loveteam si Janno

MA at PAni Rommel Placente SA guesting ni Manilyn Reynes sa Updated with Nelson Canlas, tinanong siya kung …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *