Gusali ng Ateneo, 13 pang paaralan nasa fault line
hataw tabloid
June 17, 2015
News
NADAGDAGAN pa ng 14 paaralan ang hagip ng Valley Fault System.
Sa press briefing ng Department of Education (DepEd), inisa-isa ni Sec. Bro. Armin Luistro ang walong private school at anim na public school na apektado ng fault line.
Sa Quezon City, nasa itaas ng fault line ang tatlong elementary building ng Ateneo De Manila University sa Loyola at dalawang gusali ng Filinvest II Ideal Montessori Center.
Sa Brgy. North Signal sa Taguig, kasama sa apektado ng fault line ang Army’s Angels Integrated School at Sto. Niño Catholic School.
May tatlo pang paaralan sa Muntinlupa City ang maaaring maapektohan dahil sa fault system partikular na ang Our Lady of Abandon Catholic School, APEC School-Muntinlupa sa Brgy. Poblacion, at Muntinlupa Institute of Technology sa Brgy. Putatan.
Hagip din ang dalawang gusali ng St. Therese of the Child Jesus Annex sa San Pedro, Laguna.
Samantala, East Valley Fault ang maaaring makapagpayanig sa limang paaralan sa Rodriguez, Rizal partikular na ang Macabud National High School; Tagumpay Elementary School at Tagumpay National High School; at Mascap Elementary School at Mascap National High School.
Habang dalawang gusali ng Karahume Elementary School sa Norzagaray, Bulacan ang nakatayo sa itaas ng valley fault.
Ani Luistro, hindi dapat mangamba ang mga mag-aaral at magulang sa dagdag na eskwelahan sa listahan dahil may paghahanda ang kagawaran para pagtibayin ang mga gusali, pagsasagawa ng earthquake drills, hindi pagpapagamit sa mga gusali at iba pa.
Sa kabuuan, may 19 paaralan na ang hagip ng fault lines.