Thursday , April 25 2019
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Epal TV pol ads piesta na naman!

Epal TV pol ads piesta na naman!

00 Bulabugin jerry yap jsyDAHIL sa Oktubre na ang paghahain ng certificate of candidacy (COC), heto na ang maeepal ‘este maaagap na politiko…

Nagpi-piesta na ang TV political ads na pinangungunahan s’yempre ng presidential aspirant na si VP Jejomar “Jojo” Binay.

Ibang klase ang pol ad ni VP Binay.

Nagpapasalamat ang mga scholar nila sa Makati na gumanda ang buhay dahil sa libreng edukasyon sa lungsod.

Talaga namang nakababagbag ng damdamin ang pagpapasalamat ng mga scholar.

Naniniwala tayo na ang mga scholar na ‘yan sa Makati ay nagtagumpay sa kanilang buhay dahil sa kanilang determinasyon na magsikap at ‘yun nga marunong silang lumingon sa pinanggalingan.

 Nagpasalamat din ang overseas Filipino workers (OFWs)  na natulungan umanong makauwi ng bansa ni VP Binay mula sa pang-aabuso ng kanilang mga employer sa ibang bansa.

Ganyan talaga ang kultura nating mga Pinoy, mahilig tayong tumanaw ng utang na loob sa mga taong nakatutulong sa atin. Isang magandang katangian po iyan.

May kasabihan nga, ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan.

Pero PAALALA lang po, HINDI naman po galing sa sariling bulsa ni VP Binay ang ipinanggastos sa libreng pagaaral at pagpapauwi sa mga OFWs.

Pera po ng taong bayan ‘yan! Pera po ninyo ‘yan!

Ilan pa sa mga naisapatan nating may pol ad ay sina Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Francis Tolentino.

Chairman, hindi mo na kailangan ‘yan, ‘yung MMDA enforcers lang ninyo, sila ang magpapakalat ng magaganda ninyong nagawa at iba pang achievements.

Si Senator Alan Cayetano, mayroon na ring pol ad. Si Isko Moreno, s’yempre hindi pahuhuli ‘yan. From rags to riches naman ang tema ng TV ads n’ya.

By the way, sa’n ba siya yumaman? Sa politika ba yumaman si Isko?

Uy, si Digong Duterte, tumira na rin pala ng pol ad.

Sa mga susunod na araw, tiyak na marami pang politiko ang maglalabas ng kanilang pol ad.

Abangan po ninyo, ang nagsisimula nang paglulustay sa kaban ng bayan at ang panggigisa sa ating ‘sariling mantika’ ng mga politiko.

At sa bandang huli, isa lang ang panalo diyan!

Ang Kapamilya at Kapuso network!

Suweldo ng airport employees sa NAIA laging delay…bakeet!?

MARAMI po tayong natatanggap na tawag, text and private messages na nagrereklamo dahil halos apat na buwan nang laging delay ang release ng suweldo ng mga airport employees na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Noon kasi, 3 days  before the payday, nasa ATM na nila ang kanilang mga suweldo.

Pero iba raw po ngayon. Late daw lagi ngayon nang halos 2 to 3 days ang kanilang suweldo.

Ang pirmi umanong ikinakatuwiran ng mga taga-MIAA Admin kapag nagpa-follow-up sila, ‘e hindi pa raw pirmado ni GM Bodet Honrado.

Gaya kahapon, petsa 29 na at araw na ng Biyernes, wala pa rin. Ang petsa 30 at 31, ay weekend at ang Hunyo 1 ay unang araw ng pasok sa mga pampublikong paaralan, pero wala pang suweldo ang Airport employees.

Ang pagkakaalam natin, nag-general assembly kahapon sa harap ng tanggapan ng Samahan ng mga Manggagawa sa Paliparan ng Pilipinas  (SMPP), para-pag-usapan ang nagiging talamak na delay sa kanilang suweldo.

Mahirap nga naman ang kalagayan ng mga pangkaraniwang empleyado na hindi pa man sumasayad ang suweldo sa kanilang mga palad, naka-atado na para sa iba’t ibang gastusin.

Kumbaga, pinag-aagdong lang ang kanilang budget, kaya kapag na-delay t’yak maaapektohan na ang mga susunod pa at mapipilitan na silang kumagat sa 5-6.

Lalo na nga ngayong panahon na ito na magsisimula na naman ang eskuwela.

‘Yan po ang dahilan kung bakit nakikiusap sila na maiparating natin sa kinauukulan, lalo na sa tanggapan ni GM Bodet Honrado ang kanilang karaingan.

Maraming salamat po sa pagtitiwala at sana po ay nakatulong tayo para maipaabot ito sa kinauukulan.

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected] Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://www.hatawtabloid.com

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top