PINAGPAPALIWANAG ng Malacañang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay sa napabalitang tangkang pagtago sa tunay na kalagayan ng Yolanda victims para sa nakatakdang pagbisita sa bansa ni Pope Francis.
Una rito, napaulat na balak ilipat ang mga biktima ng kalamidad ng hanggang limang kilometro para hindi makita ng Santo Papa ang kaawa-awa nilang kalagayan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, aalamin nila sa DSWD at DPWH kung totoo ang nasabing balita.
Ayon kay Lacierda, sa kanyang pagkakaalam ay temporaryo lamang ang bunkhouses ng Yolanda victims.
Kung maaalala, ini-anunsyo ng Vatican na nais ni Pope Francis na makasalamuha at makasama sa pananghalian ang mga biktima ng kalamidad partikular sa Tacloban City.