ISINAILALIM na sa inquest proceedings kahapon ng umaga ang TV host/actor na si Billy Joe Crawford kaugnay sa ginawang pagwawala sa Taguig Police Station 7.
Ayon sa legal counsel ni Billy na si Atty. Jose Aspiras, kasong malicious mischief at disobedience to person in authority lamang ang isinampa laban sa kanyang kliyente.
Makaraan ma-inquest, balik sa kustodiya ng Taguig City Police Station ang aktor habang inaasikaso ng kanyang kampo ang paglalagak ng piyansa para sa pansamantala niyang kalayaan.
Una rito, inamin ng 32-year-old na dating child star, ang kanyang pagkakamali dahil sa labis na kalasingan kaya hindi nakontrol ang sarili, ngunit itinangging nanakit siya ng babaeng pulis.