DAVAO CITY – Patuloy ang isinasagawang negosas-yon para sa agarang paglaya ng 40 sibilyan na hostage ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Brgy. Mahayahay, bayan ng Maragusan sa Compostela Valley.
Sinabi ni 10th Infantry Division spokesman Ernest Carolina, sinimulang i-hostage ang mga biktima 10 a.m. kamakalawa.
Tinipon ang mga bihag ng mga armadong rebelde at hindi pa pinapakawalan.
Ayon kay Pat Lucero, aide ni Compostela Valley Governor Arturo Uy, nagpatawag na ng emergency meeting kahapon ng umaga para sa negosasyon sa NPA upang ligtas na mapalaya ang mga bihag.
Sinabi ni Uy, hindi pa matukoy kung ano ang motibo ng mga rebelde at wala rin ipinalalabas na demand.
Nauna rito, naaresto ng mga awtoridad nitong Bi-yernes ang high-ranking leader ng NPA na sinasabing responsable sa pananambang sa mga sundalo sa Davao del Sur at Cotabato. (HNT)