Saturday , December 5 2020
Breaking News
You are here: Home / Bulabugin / Huwag ka nang magpalusot denggoy ‘este’ Jinggoy (Mabobokya ka lalo!)

Huwag ka nang magpalusot denggoy ‘este’ Jinggoy (Mabobokya ka lalo!)

00 Bulabugin JSY
IN FAIRNESS, kung wala ang pork barrel scam, napansin ko ang malaking pagbabago ni Senator Jinggoy Estrada bilang Mambabatas.

Napansin ko ang pag-unlad ng kanyang mga pananalita, pagkilos at pagsagot sa mga tanong tuwing may sesyon sa Plenary.

Bukod pa ‘yan sa mga pagkakataon na siya ay humahawak ng mga committee hearing at sa kanyang mag panukalang batas.

Nakombinsi ko noon ang sarili ko na mukhang seryoso na talaga si Sen. Jingoy na paglingkuran ang sambayanan bilang Mambabatas.

Pero denggoy pala ‘yun … hehehehe …

Biglang sumambulat ang PANDORA’s BOX at nabuyangyang ang akala nila’y matutulog na JANET NAPOLES PORK BARREL SCAM.

Nasagot sa madla ang katanungan kung bakit namumuhunan nang milyon-milyones ang mga tumatakbong mambabatas makapasok lang sa Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

Nandoon pala ang kasagutan … sa maniobrahan ng pork barrel.

‘Yung gagawa ng isang proyekto umano at ilalagak o gagawing recipient ang isang non-government organization (NGO).

Pero sa pagsambulat ng Pandora’s Box ay mabibisto na ang mga nasabing NGO ay pawang BOGUS o PEKE pala.

At ang KONTSABAHAN ay itinuturo kay Janet Lim-Napoles, Senators Jinggoy Estrada, Bong Revilla at ang isa pang ‘tahiran’ na si Sen. Johnny Ponce Enrile.

Matindi ang pagtanggi ng tatlong Senatong ‘este’ Senador kahit na nga  itinuturo sila ng mga dokumentong galing mismo sa kanilang opisina at swak na swak ang kanilang mga pirma.

Lalo pang tumibay ito nang magnais si dating presidential social secretary Ruby Tuason, ni dating Pangulong Erap Estrada, na maging state witness.

Kumbaga, lumilinaw ngayon ang eskandalo ng pandarambong sa Malampaya fund at pork barrel scam matapos masakote ng Department of Justice (DoJ) ang mga Girl Friday ng mga taong nasasangkot.

Unti-unting lumalakas ang mga ebidensiya laban sa mga ‘lihim’ na isinuka ng PANDORA’s BOX.

Political operations man ito laban kina Jinggoy, Bong at JPE, hindi kayang pasubalian na ang mga ipinakikitang ebidensiya ay tila nguso ng baril na uutas sa kanilang mga ambisyong politikal.

Kunsabagay, walang imposible kapag lumarga ang kwarta at impluwensiya …

Pero sa pagkakataong ito mas kapani-paniwala na gustong mag-iwan ng legacy ng administrasyong Aquino para patunayan ang kanyang campaign slogan na … “Walang mahirap kung walang corrupt.”

Sana lang, sana nga.

 

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected] Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://www.hatawtabloid.com

About hataw tabloid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top