Friday , October 2 2020
Breaking News
You are here: Home / Hataw Lifestyle / Just Call me Lucky (Part 4)

Just Call me Lucky (Part 4)

PAUWI AKO SA CAVITE AY NAMI-MISS KO NA ANG  LUTONG ULAM NI ERMAT

Nanuyo ang lalamunan ko. Bili naman ng softdrinks para pang-alis na rin ng lansa sa bibig at panghugas sa namantikaang kamay. Blurrrp! Sarap matulog sa biyahe nang busog. Paghinto ng bus sa mga pasahero  ay  nakipag-unahan ako sa pagsakay. Bawal ang kukupad-kupad sa rush hour. Swerte, nakaupo ako sa pandalawahan sa kalagitnaan ng bus. Tabi ng bintana ang pwesto ko. Pagkabayad ng pasahe sa kundoktor ay binirahan ko na ng pikit.

Para kong napangarap ang masasarap na putahe ng ulam ni ermat. Tambakol na sinigang sa miso. Kare-kareng hita ng baboy. Chicken curry. Tinolang manok. Patok din sa akin ang ginisang munggo na nilalahukan niya ng maraming dahon ng ampalaya. Nami-miss ko na siya. At miss ko na rin si erpat.

Hinahanap-hanap ko ang madalas na pagba-bonding naming mag-anak.  Noon, nagsisimba kami ni ermat kada-Linggo. Isinasama naman ako ni erpat sa pamamasada niya ng dyip. O kaya ay magkasama kaming namimingwit ng isda sa dagat.  Sayang… nakararami na siguro kami ng huli sa mga oras na ‘yun kung maaga akong nakauwi. Taong-simbahan si ermat kaya pinalaki ako sa mga pangaral at aral ng simba-han. Si erpat ay iba-ibang tao  ang nakasasagupa sa lansangan kaya naging malawak ang kanyang isipan. Mas praktikal ang pananaw niya sa buhay. Marami akong napulot na pilosopiya sa kanya na naging gabay ko  hanggang sa pagbi-binata. Isa roon ang nagpalakas sa karakter ng aking pagkatao.  Aniya, iisa lang daw ang klase ng utot. Mabantot. Ke mayaman o mahirap. Marunong o mangmang. Tinitingala sa lipunan o hamak man.

Lumaki akong ‘di mahiyain pero ‘di naman maibibilang sa kategoryang walanghiya. Mata-sa-mata akong nakikipag-usap maging sino pa man ang makaharap.  ‘Yun ang isa sa mga katangian kong wala sa iba. Na naging malaking kalamangan ko  sa aking mga kabarkada. Lalo na pagdating sa magagandang tsikas, ang ilan kasi sa kanila ay parang manok na tiyope. Nawawala ang gilas at boka.

May nangangantiyaw na kapalmuks daw ako. Hindi nila magawa ang mga kaya kong gawin. Wala kasi silang self-confidence na tulad ko, may lakas ng loob na makipagkilala at makipag-usap sa isang chikababes. Kahit anong oras at saanmang lugar.  (Itutuloy)

Rey Atalia

About hataw tabloid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top