Thursday , October 1 2020
Breaking News
You are here: Home / Showbiz / Pagpag, Siyam Na Buhay, tiyak na malakas sa takilya dahil sa KathNiel

Pagpag, Siyam Na Buhay, tiyak na malakas sa takilya dahil sa KathNiel

HINUHULAANG magna-number 2 sa takilya ang Pagpag, Siyam Na Buhay nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo dahil ito lamang ang kaisa-isahang horror movie na kalahok sa 39th Metro Manila Film Festival.

Bukod dito ay pinagsama pa ng Star Cinema at Regal Films ang hottest young stars sa bansa. Bukod kina Daniel at Kathryn, kasama rin dito sina Paulo Avelino, Shaina Magdayao, at Clarence Delgado gayundin sina Matet De Leon, Dominic Roque, Miles Ocampo, CJ Navato, Michelle Vito, Janus del Prado, at Marvin Yap.

Hango ang Pagpag sa pamahiin na hindi dapat dumiretso sa bahay matapos makiramay at bumisita sa isang burol dahil maaaring sumunod ang malas at masasamang espiritu. Ito ay idinirehe ni Frasco Mortiz at isinulat naman ni Joel Mercado.

Ang subtitle ng pelikula, ang Siyam Na Buhay naman ay kumakatawan sa siyam na pamahiin na konektado sa kamatayan at mga burol na siyang pinaniniwalaan at sinusunod ng maraming Filipino hangang sa mga araw na ito. May kasabihan na maaaring humantong sa labis na kamalasan ang mangyayari sa sino mang lalabag sa alinman sa mga siyam na paniniwalang ito.

Ang mga paniniwalang ito ay, bawal ang hindi magpagpag pagkatapos ng lamay; bawal magwalis sa burol; bawal magpatak ng luha sa ataul; bawal manalamin sa burol; bawal mag-uwi ng pagkain mula sa burol; bawal pumunta sa burol kapag may sugat; bawal punasan ang luha sa ataul; bawal nakawin ang abuloy sa burol ; at bawal maghatid sa mga nakilamay.

Sa Pagpag, kahindik-hindik na mga pangyayari ang magaganap sa ‘di inaasahang pagbisita nina Cedric (Daniel) at ng kanyang mga kaibigan sa isang burol na inayos ni Leni (Kathryn). Ang bawat miyembro ng grupo ay lalabag sa mga paniniwala at kasabihan. ‘Di namamalayan nina Cedric at Leni na nag-uwi pala sila ng masama at mapaghiganting espiritu.

“Sobrang nakatatakot po ang ‘Pagpag’ pero sa likod ng nakakikilabot na istorya nito ay ang mensahe na ng pagmamahal at pagsasakripisyo para sa pamilya ang pinakamalakas na puwersa sa lahat,” ani Daniel.

Sinabi naman ni Kathryn na bukod sa pagiging isang suspense-thriller, adventure movie rin ang Pagpag na tiyak na magugustuhan ng lahat. ”Ipinakikita po ng pelikula naming ang age-old conflict ng mabuti laban sa masama at napaka-exciting pong makita ng paglalakbay ng aming mga karakter. Makikita po natin kung magwawagi kami o hindi.”

Malakas ang dating ng pelikulang Pagpag kung pagbabasehan ang trailer nito. Kahit kami’y kumbinsidong magiging malakas ito sa takilya hindi lamang dahil sa istorya, kundi dahil na rin sa sanglaksang fans nina Daniel at Kathryn.

Maricris Valdez Nicasio

About hataw tabloid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top