Friday , October 2 2020
Breaking News
You are here: Home / Showbiz / LJ, aminadong nagka-trauma kay Paulo (Aktor, hindi pa raw handang mag-asawa)

LJ, aminadong nagka-trauma kay Paulo (Aktor, hindi pa raw handang mag-asawa)

‘TRAUMA’ ang ginamit na ‘term ni LJ Reyes nang tanungin namin siya sa nangyari sa kanila ng ex-boyfriend niyang si Paulo Avelino at dahil dito ay ayaw muna niyang umibig muli.

Sinabi namin sa aktres na ‘big word’ ang salitang trauma dahil ibig sabihin ay hindi maganda ang karanasan niya sa piling ng tatay ng anak niyang si Aki?

“Opo, parang ganoon, siguro! Well, hindi ko kasi alam kung anong tawag sa lighter term for trauma. Basta you learned from experience so may fear na ako na baka puwedeng maulit ‘yung nangyari,” paliwanag ni LJ nang makatsikahan namin siya sa pa-dinner ng talent manager na si Perry P. Lansigan sa entertainment press.

Katwiran pa ni LJ, “mas careful na kasi may anak na ako, so ayaw mo naman maulit ulit ‘yun.

“Siguro kung may taong papapasukin ko ulit sa buhay ko, I want to make sure na ‘yung taong ‘yun, eh, mag-stay ng matagal kasi kawawa naman ‘yung bata kasi baka mamaya ma-attach or baka hindi siya ma-attach.  We’ll never know,” say pa ng aktres.

Wala na raw galit sa puso niya si LJ, “wala na po, kasi once you forgive someone, wala na ‘yung galit kasi nale-let go na po ‘yun.”

Tinanong namin kung bakit naghiwalay sina LJ at Paulo dahil hindi malinaw sa publiko dahil pareho nila itong inilihim.

“Mahirap po kasing sabihin ng diretso specifically kung ano ‘yung dahilan kasi baka madagdagan o mabawasan. Mahirap kasing sabihin kung ano ‘yung pinagdaanan kasi experience siya, hindi kasi black and white na bagay, very grey, so para na ring po siguro sa anak ko, ayaw kong magsalita,” paliwanag sa amin.

Mag-iisang taon na palang hindi okay ang samahan nina LJ at Paulo, pero kailan lang inamin ng dalawa na hiwalay na sila, “kasi ayoko namang masira ang tatay ng anak ko, gusto ko ako na lang ang magdala at nakaaalam, siguro mayroon din akong mali, hindi lang naman iisang tao, at saka ayokong maiba ang tingin ng tao sa kanya.

“Mabait si Paulo, wala akong reklamo bilang tatay ni Aki, very responsible, siguro hindi pa lang siya handa sa isang mas malalim na responsibilidad,” paliwanag mabuti ni LJ.

Bakit hindi sila humantong sa kasal, “napag-usapan lang, hanggang doon lang, wala na. Mabuti na rin na hindi kami nakasal dahil mas mahirap kung sakali,” katwiran ni LJ.

Sa madaling salita, hindi pa handang mag-asawa si Paulo, “hindi ko alam, ate Reggee, huwag mo akong i-on the spot,” natawang sabi sa amin.

Inamin ni LJ na nag-try naman daw si Paulo na i-win back siya pero, “parang huli na? Parang napagod na ako?” pagtatapat sa amin.

Maganda raw ang relasyon ngayon ng magulang ni Aki dahil nag-uusap sila sa future ng bagets at higit sa lahat, nahihiram ni Paulo anumang oras ang anak nila ni LJ.

Kaya tinanong namin kung opisyal din ba nilang pinag-usapan ang visitation rights ni Paulo sa anak.

“Actually, hindi namin inayos ang visitation rights, kasi I’m very willing na ipahiram sa kanya.

“‘O, gusto mong dalawin, sabihin mo lang.’ Sa akin, anytime. Hinihiram niya minsan, kung minsan dinadalaw niya sa bahay,” say ng magandang mommy ni Aki.

Paano kung overnight?

“Overnight? Oo, pag-usapan lang namin,” natawang sagot ni LJ.

Paano kung gustong isama ni Paulo sa ibang bansa si Aki lalo na kung ipapasyal niya sa Disneyland o Universal Studios?

“Puwede siguro, basta kasama ako, ha, ha, ha,” birong sagot ni LJ.

“Iisipin ko, kasi ang alam ko, hindi puwedeng isama si Aki ng menor de edad, so kailangan pa rin ng consent ko at baka sumama ako, depende,” tumatawa uling sabi ng akres.

Posible bang may second chance na magbalikan sila ni Paulo para sa anak?

“Ayokong magsalita ng tapos, pero sa nangyari at naramdaman ko, wala na, kumbaga wala na, napagod na ako, wala na,” diin ulit ni LJ.

Sa murang edad ni Aki ay alam na ng bagets na hindi na magkasama sa iisang bahay ang magulang niya dahil ipinaliliwanag daw ito ni LJ, “I told him na daddy has another house and he is not with us anymore at naintindihan niya. Mas malapit lang sa akin si Aki kasi parating ako ang hinahanap niyon,” kuwento ng aktres.

At masuwerte si Paulo dahil apelyido niya ang gamit ni Aki, “oo naman, gusto ko namang lumaking may tatay si Aki, ayoko namang balikan ako ng anak ko paglaki niya na ipinagkait ko sa kanya ‘yun,” katwiran ni LJ.
Reggee Bonoan

About hataw tabloid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top