Tuesday , September 29 2020
Breaking News
You are here: Home / News / Noynoy nag-walkout (Nanlumo sa 95% pagkawasak ng Tacloban)

Noynoy nag-walkout (Nanlumo sa 95% pagkawasak ng Tacloban)

NAG-WALK OUT si Pangulong Benigno Aquino III sa disaster council meeting sa Tacloban bunsod ng panlulumo kaugnay sa lawak ng pinsala ng super typhoon Yolanda.

Ayon sa ulat, desmayado si Aquino sa mga ulat na ipinahayag sa kanya ng mga opisyal ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kaugnay sa kalagayan ng Leyte, partikular sa Tacloban, na sinasabing libo-libo ang namatay sa hagupit ng super bagyo.

(ROSE NOVENARIO)

10,000 PLUS DEATH TOLL KAY YOLANDA

Pinangangambahang nasa 10,000 katao ang namatay sa Leyte sa hagupit ng super typhoon Yolanda. Ito ay batay sa pagtataya ng pamahalaang lokal.

Ayon kay Police Regional Office 8 (PRO-8) regional director, C/Supt. Elmer Soria, batay sa kanilang pagpupulong kamakalawa ng gabi ni Leyte Governor Dominico Petilla, at batay sa kanilang assessment, nasa 10,000 katao ang patay sa nasabing probinsya.

Ngunit sa talaan ng NDRRMC, nasa 151 lamang ang naitalang casualties sa bagyo.

Nabatid na ang siyudad ng Tacloban ang sentro ng probinsya na lubhang naapektohan sa hagupit ng bagyong Yolanda.

Hindi naman ipinaliwanag ni Soria ang naging pagpupulong niya sa gobernador bagamat sinabi niya na pinaniniwalaang nasa 10,000 katao ang patay sa bagyo.

Sa ngayon, iginiit ng heneral na nagpapatuloy ang kanilang search and rescue operation partikular sa lungsod ng Tacloban.

Samantala, hindi pa makompirma ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ang ulat na umabot na sa 10,000 katao ang naiulat na namatay dahil sa paghagupit ni Bagyong Yolanda sa probinsya ng Leyte partikular sa syudad ng Tacloban.

Ayon kay NDRRMC spokesman Major Rey Balido, wala pa silang natatanggap na report hinggil sa nasabing bilang.

Giit pa ni Balido, kahit ang kanilang counterpart mula sa PNP ay hindi rin makompirma ang nasabing bilang ng mga namatay, nang sila ay magpulong.

Naninindigan ang NDRRMC na 151 lamang ang casualty figures ng kanilang naiulat.

3 CAAP EMPLOYEES KASAMA SA CASUALTIES

Kasama sa naitalang casualties sa paghagupit ni super typhoon Yolanda sa Tacloban City ang tatlong empleyado ng CAAP.

Kinompirma ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Deputy General Director Capt. John Andrews, tatlo sa kanilang empleyado ang kompirmadong patay.

Aniya, kahapon ay hindi pa bukas ang airport ng Tacloban dahil apektado rin ng paghagupit ng bagyo.

Batay sa ibinigay na deskripsyon ng CAAP official, parang delubyo ang nangyari sa paliparan ng nasabing syudad.

“We are appealing to those mayroong satellite phones na pwedeng mahiram in this time of emergency,” apela ni Andrews.

Sa kabilang dako, inihayag niyang bukas na ang paliparan ng Kalibo at Roxas ngunit limitado pa rin ang kanilang operasyon.

300 PATAY SA E. SAMAR

Inihayag ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone na may natanggap siyang impormasyong 300 katao ang pinangangambahang patay sa kanyang distrito dahil sa hagupit ng super typhoon Yolanda.

Ayon kay Evardone, ilang tauhan ng Plan Philippines, Red Cross at local officials ang nagtungo sa ilang bayan sa Eastern Samar gamit lamang  ang  motorsiklo  upang makita ang lawak ng pinsala.

“Nag-motor lang po sila para makarating doon. Hindi kasi kaya ng malalaking sasakyan na makatawid dahil may mga putol na tulay at maraming nakatumbang puno at poste. May impormasyon po 200-300 ang patay, pero hindi pa po ‘yan nakompirma ng ating authorities,” wika ni Evardone.

Dahil dito, plano ng mambabatas na magtungo  sa  kanilang  lugar upang makapagdala ng pagkain at iba pang pangangailangan ng mga biktima ng sama ng panahon.

59 UTAS SA ILOILO

ILOILO CITY – Nadagdagan pa ang bilang ng mga namatay sa lalawigan ng Iloilo dahil sa pananalasa ng super typhoon Yolanda.

Kinompirma ni Mayor Rene Cordero na umaabot  sa 30 mangingisda ang namatay sa kanilang bayan sa Estancia, Iloilo.

Karamihan sa mga biktima ay taga-Masbate na pawang sakay ng bangka na nakadaong sa kanilang pier at hindi umalis kahit alam na may paparating na bagyo.

Bukod sa 30 mangingisda, may dalawang mag-asawa pa na missing na ang isang pares ay natabunan ng debris habang ang isa naman ay na-trap sa kanilang bahay na tinamaan ng power barge.

Pito naman ang naitalang patay sa bayan ng San Dionisio kabilang dito ang may-ari ng isang resort na si Cesar Antonio; lima ang patay sa bayan ng Balasan kabilang ang mag-ina, isa ang nalunod habang lumilikas at isa ang natumbahan ng puno ng kahoy; lima rin ang patay sa bayan ng Ajuy at isa sa bayan ng Sara, Iloilo.

Dahil dito, umaabot na sa 59 ang bilang ng mga namatay sa lalawigan ng Iloilo kung isasama ang naunang rekord ng PDRRMO na walong patay.

30 MANGINGISDA ILILIBING SA MASS GRAVE SA ILOILO

ILOILO CITY – Nagdesisyon si Estancia Mayor Rene Cordero na ilibing sa mass grave ang bangkay ng 30 mangingisdang namatay sa Estancia, Ilo-ilo dahil sa pananalasa ng super typhoon Yolanda.

Nagpahukay na ang alkalde ng mass grave sa backhoe para sama-sama na lamang ilibing ang labi ng mga mangingisda na karamihan ay nagmula sa Masbate.

Ang mga bangkay ay tinakpan ng kumot habang nasa fishing port ng Estancia, Iloilo.

EPIDEMYA AAGAPAN NG DOH

NASA Tacloban na ang matataas na pisyal ng Department of Health (DOH) para sa layuning mapigilan ang pagkalat ng sakit bunsod ng mga bangkay na hindi pa naililibing makaraan ang pananalasa ng super typhoon Yolanda.

Sinabi ng Philippine Red Cross, kumikilos na ang DoH at nagdala ng maraming body bags sa erya dahil maraming bangkay ang natagpuang nakalutang makaraan ang hagupit ng bagyo.

Ayon sa ulat, ang pinakamahalagang misyon ng DoH ay matulungan ang mga residente sa proseso  ng  mass  burial  upang mapigilan ang pagkalat ng sakit sa lugar.

PENTAGON TUTULONG SA YOLANDA VICTIMS

INIHAYAG ng Pentagon na magkakaloob sila ng naval and aviation resources para makatulong sa mga biktima ng super typhoon Yolanda.

Sinabi ni US Defense Secretary Chuck Hagel, nagpadala na ng helicopters, fixed-wing aircraft at surface maritime search and rescue equipment makaraang direktang hilingin ng Philippines government.

Kinompirma ng Philipine officials sa Washington ang pahayag na ito ng Pentagon.

Iniutos ni Defense Secretary Chuck Hagel sa US Pacific Command na suportahan ang humanitarian relief operations sa Filipinas.

POPE FRANCIS HUMILING NG DASAL

HINILING ni Pope Francis kamakalawa sa mga mananampalataya  na  ipagdasal ang mga biktima ng super typhoon Yolanda na humagupit sa malaking bahagi ng Visayas.

Sinabi ni Pope Francis sa kanyang Twitter account, ang pagiging malapit niya sa mga Filipino, tinukoy ang Filipinas bilang “beloved islands.”

Samantala, sa artikulong nakapost sa Vatican news portal, tiniyak ng Papa sa mga Filipino ang kanyang panalangin habang nagsisikap na makabangon mula sa pinsala ng Category 5 cyclone.

About hataw tabloid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top