Thursday , October 1 2020
Breaking News
You are here: Home / Bulabugin / God save our country

God save our country

00 Bulabugin JSY
PATULOY na tumataas ang bilang ng mga namatay sa mga lugar/lalawigan kung saan nag-landfall ang super typhoon na si Yolanda.

Ang Tacloban ay tila isa nang GHOST TOWN … lalo na nang matambad sa mata ng madla ang sandamakmak na bangkay sa kalye.

Sila ‘yung mga biktima ng 8-meter storm surge na grabeng puminsala sa Tacloban …

Winasak ang iba’t ibang estruktura, pinagpatong-patong ang mga sasakyan at higit sa lahat umutas ng napakaraming buhay.

Naganap ito sa panahon na ang bansa ay sinusubukang makarekober mula sa gera-gerahan sa Zamboanga, pinsala ng bagyong Pablo sa Zamboanga at iba pang lugar sa Midnanao, pinsala ng bagyong Santi sa Nueva Ecija at Casiguran, Aurora, pinsala ng lindol sa Bohol, Cebu at Iloilo …

Ano na ba talaga ang nangyayari sa bansa?!

Alam nating walang naghahangad na mangyari ang ganitong sakuna at kalamidad sa bansa.

Pero marami ang nagtataka kung bakit natitiyempo sa mga AQUINO ang malalaking sakuna at kalamidad sa bansa.

Noong panahon ni Tita Cory naganap ang trahedya ng flashflood sa Ormoc, pagputok ng Mount Pinatubo, lindol at sandamakmak na KUDETA.

Sabi nga ng mga mapamahiing Pinoy, mukhang mayroong dapat na IPATAWAS si Pangulong NOYNOY d’yan sa Malakanyang.

O kaya ipa-FENG SHUI niya ‘yung mga madalas na nasa pali-paligid niya.

Kidding aside, sa napapadalas na kalamidad sa bansa, malaki talaga ang pangangailangan na ‘BAWIIN’ sa mga MANDARAMBONG ang mga ninakaw nila.

Kailangan ipursige ng PNoy administration na ipatupad ang UTOS ng SANDIGANBAYAN na ISOLI ni ERAP ang PERA NG BAYAN.

Bawiin na rin kay JANET LIM-NAPOLES at sa mga sangkot na SENADOR ang IBINULSA nilang ‘Pork Barrel’ fund sa pamamagitan ng mga pekeng non-governmental organizations (NGOs) at magpatayo ng isang EVACUATION CENTER na gaya ng ipinatayo ni Manila Mayor Alfredo Lim sa BASECO at sa DELPAN.

Maging aral sana ang naganap sa Tacloban. Pinalikas nga ang mga tao at pinaghanda sa pagdating ng super typhoon na si Yolanda pero ang evacuation center ay basketball court at simbahan at iba pang estruktura na nakapakalapit lang sa dagat.

Kaya nang magkaroon ng 8-meter storm surge, ang unang napinsala ay ‘yung mga nasa evacuation center.

Hanggang sa kasalukuyan, maraming pamilya sa Visayas man o sa Metro Manila ang hindi pa mapanatag dahil wala pa silang KONTAK sa kanilang mga kaanak.

Sana lang ay maging HANDS-ON nga ang Pangulo at ang kanyang team sa pag-aasikaso sa mga napinsalang lugar.

Unahin sanang resolbahin ang pagkakaroon ng tubig, koryente at signal para magkaroon na ng komunikasyon ang mga magkakamag-anak.

Paging SMART, GLOBE, SUN at iba pang telecom companies!

Paging SM Group, Gokongwei Conglomerate, Ayala Land at iba pang malalaking kompanya na kumikita nang malaki mula sa dugo at pawis ng mga JUAN DELA CRUZ.

Dito na po ninyo IBAHAGI ang malaking bahagi ng inyong outreach program na ‘SOCIAL RESPONSIBILITY.’

Pangunahan ninyo ang pagtatayo ng mga EVACUATION CENTERS lalo sa mga lugar na malalapit sa SAKUNA.

Ngayon po ang panahon ng tunay na kapitbisig.

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.7630 o mag-email sa [email protected] Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://www.hatawtabloid.com

About hataw tabloid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top