Friday , September 25 2020
Breaking News
You are here: Home / Showbiz / Be Careful With My Heart, mapapanood hanggang sa magka-apo sina Ser Chief at Maya

Be Careful With My Heart, mapapanood hanggang sa magka-apo sina Ser Chief at Maya

NGAYON pa lang ay marami na ang nag-aabang sa magaganap na kasalan nina Richard at Maya sa nangungunang daytime series na Be Careful With My Heart ng ABS-CBN2.

Isang kaibigan ko nga ang nagsabi na magli-leave siya sa November 15 para lamang masaksihan ang fairytale wedding of the year nina Richard Yap at Jodi Sta. Maria.

Marami ang excited sa kung ano nga ba ang motif ng kanilang kasal, saang simbahan gagawin, sino-sino ang magiging abay at kung ano-ano pa. Pero may mga nagtatanong naman kung pagkatapos ba raw ng kasal ng dalawa eh nangangahulugang tapos na rin ang naturang teleserye?

Sa totoo lang kahit ang business unit head ng teleserye na si Ms. Ginny Ocampo ay hindi rn masabi kung hanggang kailan nga ba mapapanood ang BCWMH.

“Honestly gusto nila (management) na i-extend not only because they want it but because the viewers want it. Nabibitin kasi sila na pagkatapos ng wedding, pare-pareho tayo gusto nating makita kung may magaganap bang honeymoon at kung may magbubunga ba na baby doon,” paliwanag ni Ms. Ginny sa wedding presscon na ginanap noong Lunes sa G Hotel.

Idinagdag pa ni Ms. Ginny na, “For now, hanggang doon ay sure nang makikita natin. Pero the same way na hindi namin na-predict na magtatagal ‘yung show, ganoon din namin nirerespeto ‘yung panahon kung papupuntahin pa ba kami beyond it o hindi.

“’Yung totoo, maraming beses na kaming nagpadala ng puting tela para sabihin na hindi na namin kaya. Pero kapag nakikita namin ‘yung fans all over the world na parang hindi nila kayang mawala sa TV ‘yung mga character na minahal nila ay napapaisip kami ng maraming beses,” mahabang paliwanag ni Ms. Ginny.

Oo nga naman kahit nga ang UK Ambassador to Manila na si Asif Ahmad ay na-hook sa panonood ng Be Careful, tayo pa kayang mga Pinoy. Kaya hindi talaga kataka-taka kung matagal-tagal pa nating mapanood ang seryeng ito.

Ayon nga sa abs-cbnnews.com, sinabi noon ni ABS-CBN president and chief executive officer Charo Santos-Concio na mapapanood ang serye hanggang gusto ng televiewers. “It will be there forever Hanggang magkaroon ng apo. That’s always a challenge for our content creators. The challenge is always for the next big hit… but for the meantime, as long as the public is supporting ‘Be Careful With My Heart,’ it will be there.”

Okey lang naman kina Richard at Jodi sakaling magtagal pa ang Be Careful.

“Basta kaya ni partner (Richard) kakayanin ko rin. Team work ito. Unang-una, hanggang gusto pa ng manonood. Pangalawa, hanggang kaya pa at nagkakapit-bisig ang production, crew, at actors ay hindi maggi-give up ang ‘Be Careful With My Heart,’’ sambit ni Jodi.

Kaya pa naman daw ang sagot naman ni Richard. “As long as we continue make you happy and we are still imparting that message of hope ay kakayanin pa natin.”

Bale ang Be Careful With My Heart ang sumunod sa Pangako Sa ‘Yo na matagal na serye. More than a year nang napapanood ito sa Kapamilya Network.

Sa may snow ang honeymoon nina Richard at Maya

Katulad ng loyal viewers ng nangungunang kilig-serye, nananabik na rin maging sina Jodi at Richard sa kanilang pag-iisandibdib ng kanilang mga character at ibahagi ito sa lahat ng sumama sa espesyal na paglalakbay ng kanilang pagmamahalan.

“Excited kami kung saan gaganapin ‘yung kasal, kung sino-sino ang mga ninong at ninang at sino ang magiging part ng entourage,” ani Maya.

“Siyempre pagkatapos ng wedding, honeymoon ang susunod. ‘Yan pa ang isang exciting!” pahabol naman ni Richard.

Kung ating matatandaan, gusto ni Maya makakita ng snow kaya naman doon siya dadalhin ni Ser Chief para sa kanilang honeymoon. Kung saan ito, ‘yan ang dapat nating abangan bukod sa magaganap na kasalan sa Nov. 15. Kaya huwag palampasin ang lalo pang nakakikilig na serye nina Maya at Ser Chief na idinirehe nina Jeffrey Jeturian at Mervyn Brondial.

Maricris Valdez Nicasio

About hataw tabloid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top