Wednesday , September 30 2020
Breaking News
You are here: Home / Showbiz / Milyon ang kita sa raket ng ‘Indie’

Milyon ang kita sa raket ng ‘Indie’

MAY isang producer ng indie movies na naglalayong kumita nang sa gayon ay makagawa siya ng maraming pelikula. Nakadadalawa na ang Sparkling Stars Productions nina Jaime “Shubert” dela Cruz at Johnny Mateo pero hanggang ngayon ay tila malabo pa ang inaasahan nilang kita.

Ang maiden offering nila na “Potpot” (2012) ay umikot na sa maraming eskwelahan pero hindi pa rin naipalalabas sa commercial run ng mainstream theaters kahit sa Metro Manila man lang o sa buong bansa.

Featuring young actor Julius Gareza of Viva Films and GMA-7, “Potpot” also stars Richard Quan, Louella de Cordova and Avid Razul, a discovery of Maryo J. delos Reyes and now a contract star of Sparkling Stars.

As expected, hindi pa rin naibabalik ang puhunan ng “Potpot” pagkatapos ng isang taon. Pero may kasunod na silang pelikula this year, ang “Daniel” na tungkol sa batang Boy Scout na muling pinagbibidahan ng ngayon ay binatilyo nang si Julius. Sa hitsura ng bagong pelikula ni Rod Ortega, malamang na hindi rin maipalabas sa commercial cinema ang second movie nina Shubert at Johnny.

Paano nga ba naakit ang negosyanteng si Shubert dela Cruz na mag-produce ng indie movies? Ayon sa interview  niya kay William Thio ng “Spotlight” sa UNTV, inamin ni Shubert na nahikayat siyang maging indie producer dahil sa pangakong mamumuhunan lang sila umano ng P250,000 at makabubuo na  ng isang finished film. Nagulat si Shubert sa sinabing budget ng indie movie kaya nag-alok pa siya na dadagdagan ito ng P50,000 para sa incidental expenses sa production.

Pero sa actual production ng “Potpot,” ang initial costing na P300,000 ay lumobo at halos umabot ng isang milyon. At dahil napasubo na sa direktor na si Ray An Dulay, na isa ring indie actor, pumayag na rin si Shubert na tapusin ang project, na tila likas na may hilig din sa showbiz.

Sa madaling salita, “nag-enjoy” sina Shubert at Johnny sa una nilang pagsabak sa indie film kahit wala pa at mahina ang ROI (return of investment) nito. Maliban kina Gareza at Razul, nadagdagan pa ang new talents ng Sparkling Stars Productions, including Jay dela Rosa, David Ponce, Jeffrey Garcia at marami pang iba.

Ang “Potpot” na tungkol sa “bullying issue” sa mga estudyante ay agad nasundan ng “Daniel” na tinalakay naman ang buhay ng isang Boy Scout mula sa probinsiya na napadpad sa siyudad.

Parehong may magandang intention at aspiration ang dalawang indie movies nina Shubert at Johnny, pero paano naman ang “execution” ng mga ito?

Ngayon pa lang ay may plano na ang dalawang peoducers ng Sparkling Stars na sundan ang pangatlong pelikula nila.

Nagkaroon ng premiere night kamakailan (Oct. 12) sa Cinema 8 ng  SM City Manila ang “Daniel” at ito’y dinaluhan ng mga artista ng Sparkling Stars, ang direktor na si Rod Ortega at siyempre ang leading stars na sina Julius Gareza at Lianne. Naroon din ang ilang members of the press sa pangunguna nina Dennis Adobas at Arthur Quinto.

Karamihan ng indie movies ay di kumikita at nalulugi kaya maraming baguhang producers ang agad napapaso at nadadala. Pero marami pa rin ang nahihikayat at naaakit sa sinag at dagitab ng showbiz kaya patuloy ang gulong ng pelikula, indie man o hindi, may kita man o wala.

NILANGAW ANG ‘CAPTIVE’ AT ‘THY WOMB’ PERO MILYONES ANG KINITA NI BRILLANTE

Siguro kailangan matuto ng mga indie film producer kay Brillante Mendoza at kung paano siya kumita ng milyones sa pag-produce at pagdirek niya sa mga pelikula niya sa Center Stage Productions, lalo na sa “Serbis,” “Kinatay,” “Lola,” “Captive,” at “Thy Womb.”

Matagal nang usap-usapan sa indie film circuit ang tungkol sa kaibang raket ni Mendoza sa mga pelikula niya. Sa maniwala kayo o hindi, ‘di pa nag-uumpisa ang shooting ng mga pelikula ni Mendoza ay tumatabo na siya ng milyones sa budget nito.

Halimbawa, sa “Thy Womb” na tinampukan ni Nora Aunor. Ayon sa ilang insiders ng Center Stage, kasama na ang isang matagal nang associate o line producer, hindi pa man daw sila pumupunta sa location shooting sa Tawi-tawi ay nakapagsubi na ng humigit kumulang limang milyong piso si Mendoza, mula sa overall budget nitong P10 milyon na galing sa investor na kilala sa advertising industry.

Ang buong production cost ng “Thy Womb” ay umabot lang ng mahigti  (nang konti sa limang milyong piso, dahil na rin sa karagdagang “sponsors” gaya ng Department of Tourism, mayor ng Zamboanga City, at higit sa lahat ang generous at fabulous governor ng Tawi-tawi.

Kasama na sa mahigit P5-M budget ng “Thy Womb” ang talent fee ni Nora Aunor na P500,000. Sa dalawang equal installments: P250,000 bago sila tumulak sa Tawi-tawi, at P250,000 ulit during the last shooting day sa Bongao, Tawi-tawi.

Bago ang “Thy Womb” (produced 2012), ang big-budgeted na “Captive” (produced 2011) ay talagang nagbigay ng malaking cash bonanza kay Mendoza. Ayon sa isang producer nito, ang funds/financing na nakuha ng pelikualng “Captive” mula sa Europe ay two million euros, or an equivalent of almost P120-million.

Kasama na ang talent fee ng French actress na si Isabelle Huppert na US$500,000 (or approximately P23-million), ang buong production cost umano ng “Captive” ay umabot halos sa P85-million.

So, malinaw na kumita si Brillante Mendoza ng   P35-million sa isang pelikula lang, ang “Captive.” Dahil dito ay nabayaran niya ang malaking utang niya sa real estate property at nakabili ng ilang magagarang sasakyan, kaya halos wala ring cash na natira.

Ang “moral lesson” sa indie story na ito ay dapat gayahin ng mga indie film producer/director ang diskarte ng raket ni Mendoza upang kumita sila nang husto sa alternative filmmaking.

Kailangang gumawa muna sila ng magandang pelikula na maka-aattract ng investors, local man o foreign. At mas maganda kung maisasali ang indie movie nila sa mga festival abroad at mananalo ng award.

Malaking puhunan ang pangalang Brillante Mendoza sa pangangalap niya ng funding dito man sa atin o sa abroad. Sumusugal ang mga investors sa kanya dahil sa reputasyon niya bilang mahusay na director (Best Director, Cannes 2009, for “Kinatay”) at reliable na producer (Center Stage Productions).

Isa pa, matinik na negosyante si Brillante at lahat ng project niya ay may kaukulan o higit pang kapalit. At marami pang mga kuwento ang mismong staff at mga tauhan niya na baka mapahiya sina Carlo J. Caparas, Gil Portes at Adolf Alix sa magaling at award-winning na diskarte ng “Tirador” director.

FRAY PAOLO’S HERITAGE ART JEWELRY MASTERCRAFT WORKSHOP SA CCP

PANGALAWANG araw na ngayon sa kakaiba at natatanging Heritage Art Jewel Mastercraft Workshop ni Fray Paolo D. Granados Casurao sa Cultural Center of the Philippines, 4th floor, Silangan Hall, mula 8:00a.m. hanggang 5:00p.m. Ito rin ang nagsisilbing Preview Exhibit of the 2014 Collection na ipinagmamalaki ni Fray Paolo na sarili nilang gawa ng kanyang grupo na naka-base sa Maynila.

Karamihan ng mga nakita naming naka-display sa workshop hall ay talaga namang pambihira at yari sa iba’t ibang mamahaling bato o mineral na gaya ng tunay na perlas at amethyst na nanggaling pa sa Sri Lanka. May mga design na unique at talagang mabusising ginawa ng isa, dalawa o higit pang manggagawa.

Si Fray Paolo ay isang Leyteño na ang lahi o angkan ay nagmula pa sa Brazil at Spain, pinanday sa Maynila  at kung saan-saan, at ngayon ay nagpapalaganap ng kanyang kaalaman sa maraming bagay at kaisipan sa isang liblib na monasteryo sa Lungsod ng Cebu.

Art T. Tapalla

About hataw tabloid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top