Thursday , September 24 2020
Breaking News
You are here: Home / Showbiz / Mga anak ni Jinggoy, biktima ng pagbu-bully

Mga anak ni Jinggoy, biktima ng pagbu-bully

NAGKAROON ng pagkakataong makapanayam ng Showbiz Police ng TV5 sa segment na Cornered By Cristy ni Cristy Fermin ang panganay na anak ni Senator JinggoyEstrada na si San Juan City Councilor Janella Ejercito-Estrada. Emosyonal ito tungkol sa pinagdaraanan ng kanilang pamilya.

Bilang panganay na anak ni Jinggoy at isa na ring public servant sa ngayon, pumasok na kaya sa kanyang kalooban ang mga isyung ibinabato sa ama? Paano kaya niya ito kinakaya?

“Noong una pong nagkaroon ng isyu na nakulong y’ung lolo (Mayor Joseph Estrada) at daddy ko, sa school po lagi po akong binu-bully, ‘di ko po ito sinasabi sa parents ko, ako lang talaga ‘yung humaharap sa kanila grade school pa lang ako noon. ‘Yun yung time na hindi pa ako marunong lumaban. Everytime na papasok ako ng school tahimik lang ako minsan kapag breaktime namin magla-lunch kami ‘yung lunch box ko nasa harap ko nagtatago ako habang kumakain kasi lahat ng taong dumaraan ang daming sinasabi, ganito raw ang tatay ko, ganito raw ang lolo ko ganoon. Tapos mayroon pang instance na breaktime, tapos bumababa ako ng hagdanan ‘yung isang upper batch sa akin ginanun ang paa ko (parang tinitisod), nadapa po ako sa stairs.”

Mas lumala pa raw ang pambu-bully sa kanilang magkakapatid ngayon dahil sa malaganap na social media.

“Sa Instagram po ‘to, sabi po, ‘Pag laki mo para ka ring tatay mo corrupt ka rin,’ ganoon kasi nga po ‘di ba, since public servant na rin po ako parang sa akin na po ibinabato ang lahat.”

Dagdag pa niya, pati ang kanilang bunsong kapatid na si Jill, pitong taong gulang, ay hindi rin nakaligtas sa pambu-bully.

“May nag-post po sa Facebook, si Jill nga raw po dinadala ang phone sa school tapos sabi nga raw po ng mga classmate niya, kung puwede raw po hiramin ‘yung phone niya, pera rin naman daw nila ‘yun, sa  era raw po nila nanggaling ‘yun.”

“Pera raw ng taumbayan ang ipinambili, parang ganoon?” tanong ni Tita Cristy.

“Opo. Pero po noong time po na lumabas ‘yung isyu na ‘yun tinanong po ni mommy si Jill, sabi po ni Jill hindi po niya dinadala at nasa kotse lang daw po,” sagot muli ni Janella.

Jinggoy, pagod na sa mga isyung naririnig

Idinagdag pa ni Janella na talagang malungkot at naiiyak siya lalo na sa tuwing nakikita ang amang si Jinggoy dahil sa problemang ito.

“Sabi po niya, pumunta po siya sa kuwarto ko niyakap niya ko sabi po niya na pagod na raw po siya, naiiyak ako sorry,” maluha-luhang kuwento ni Janella,

“Pagod na siya sa mga isyung naririnig niya na hindi naman talaga totoo. Na masyado na po silang sinisira lalo na po ng social media.”

Sa ikalawang bahagi ng panayam kay Janella, ipinakita ni Cristy sa kanya ang larawan ni Janet Napoles kasama ang kanyang mga magulang at iba pang kaibigan. Itinanong ni Tita Cristy kay Janella kung kilala niya si Napoles at kung kaibigan ba ito ng kanilang pamilya.

“Opo,” sagot ni Janella. ”Kaibigan po ng mommy ko,” anito nang tanungin sa kanya kung kaibigan ito ng kanyang mommy.

“Ngayong nasangkot ang daddy mo sa isyu na ikinakapit kay Miss Napoles, magkaibigan pa rin ba sila,  ang turing ng mommy mo kay Janet?” tanong ni Tita Cristy kay Janella.

Aniya, ”Oo naman po.”

Napoles, bilang family friend

Ayon pa sa ulat ng Showbiz Police, matagal na raw magkaibigan ang pamilyang Estrada at Napoles ayon mismo sa misis ni Senator Jinggoy na si Precy Ejercito. Nagkakilala raw sina Precy at Janet sa pamamagitan ng ina ng una at hindi raw totoong naging magkaibigan sila dahil sa kani-kanilang mga anak.

“Ilang beses mo nang nakita si Janet Napoles sa mga party ninyo sa pamilya?”tanong ni Tita Cristy.

“Sa mga party po namin, sa mga birthday po nina mommy ganoon, nandoon naman po sila, pumupunta po sila.”

Naisip din kaya niya noong pumutok ang isyu na sana ay hindi na lang nila naging kaibigan si Janet?

”Uhm, Hindi naman po. Hindi po.”

Tanong pa ni Cristy, ”Ang mga sigawan ngayon na ipakukulong sila, ipakukulong ulit ang daddy mo, kakayanin pa ba ninyo? Kayong mag-iina, kakayanin niyo pa ba ang isa pa ulit na paghamon na ganito sa daddy niyo?”

Tugon ni Janella, ”Sa totoo lang po mahirap po talagang…mahirap po para  sa amin kung mangyayari po ulit ‘yun, pero siguro naman po lalabas at lalabas din naman po ‘yung katotohanan, kaya ngayon po nagdarasal na lang po kami na sana po hindi na mangyari ‘yung nangyari po sa amin dati kasi po napakahirap po sa pamilya namin na pagdaanan ulit ‘yun.”

Ano kaya ang maisasagot niya sa mga taong hinuhusgahan na ang ama niya?

“Ang sagot ko lang po riyan na parang, huwag muna nasa silang magsalita, na wala naman po talaga silang alam na ‘yung pinakikinggan lang po nila ‘yung mga hearsay lang sa mga tao.

“Dad alam ko kayang kaya mo ito, alam ko na malalampasan mo lahat dahil alam ko naman na you’re not guilty of anything. Andito lang ako, andito lang kami ng mga kapatid ko, lalo na si Mommy,” mensahe naman ni Janella sa kanyang amang si Jinggoy.

Arniel C. Serato

About hataw tabloid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top