Thursday , September 24 2020
Breaking News
You are here: Home / Bulabugin / Abusado, bully at manyak na teachers sa Silangan National High School (San Mateo, Rizal)

Abusado, bully at manyak na teachers sa Silangan National High School (San Mateo, Rizal)

00 Bulabugin JSY

NANAWAGAN po ang mga magulang at mag-aaral ng Silangan National High School d’yan sa San Mateo, Rizal na pagtuunan ng pansin ang pang-aabuso ng ilang gurong lalaki sa kanilang mga estudyanteng babae at lalaki.

Pagkatapos po natin mailahad ang mga reklamo ng mga magulang at estudyante, gusto po natin bigyang-diin na hihintayin po namin ang kasagutan ng mga inirereklamong guro.

Maselan pong masyado ang mga reklamo sa inyo kaya inaasahan po namin na agad kayong tutugon sa mga reklamong ito.

Ang mga inirereklamo pong guro ay isang Mr. AFABLE, isang Mr. SARZA at isang Mr. AGUERRA.

Pinakamaraming reklamo po ay laban kay Mr. Afable na wala umanong ginawa kundi mam-BULLY ng mga estudyanteng lalaki na hinihinala nilang boyfriend ng mga kursunada nilang estudyanteng babae.

Kapag estudyante nila, nagkukutsabahan umano ang tatlong titser na ibabagsak sa subject ‘yung estudyante. Kapag hindi naman nila estudyante, aasikan at tatakutin na pagugulungin sa putikan.

Kung ikaw ay isang estudyanteng lalaki na ang nambu-BULLY mismo ay isang teacher na pinagbabantaan kang ibabagsak sa klase o pagugulungin sa putik, ano ang gagawin mo?!

Makapagsusumbong ka ba sa  school authorities na tila makupad din umaksyon sa matagal nang reklamo ng mga estudyante?!

Bukod sa pambu-BULLY, santambak din ang reklamo na sila ay nagte-TAKE ADVANTAGE sa mga estudyanteng babae na kanilang makursunadahan. Hindi lamang iilang estudyanteng babae ang nagreklamo ng sexual harassment laban kina Afable, Sarza at Aguerra.

Karamihan po ng mga mag-aaral sa Silangan National High School ay mula sa mahihirap na pamilya. Kaya kung sila man ay mabibiktima ng mga ganitong klaseng guro na maaaring gumamit ng kanilang impluwensiya at kapangyarihan ay wala silang magagawa kundi ang kimkimin na lamang ang kanilang sama ng loob at galit.

Nagtataka po tayo kung bakit hindi inaaksyonan ng school authorities ang mga reklamong ito laban sa tatlong guro lalo na kay Afable gayong majority ng mga mag-aaral at mga magulang ay bukong-buko na ang kabulastugan nila.

Isa pang kalokohan nitong si Mr. Afable, ay bakit kailangan todo-sarado ang kanyang computer room kapag may babaeng estudyante sa loob gayong wala naman itong air-con!?

Mr. Ricardo Vergara, anong aksyon na ba ang ginawa mo laban sa inirereklamong teacher na sina Afable, Sarza at Aguerra?!

Sa susunod, abangan po ninyo ang walang katapusang RAKET na patiket ng kung ano-anong pakontes sa Silangan National High School.

Paging Dr. Carlito Rocafort ng Rizal Department of Education!

 

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.7630 o mag-email sa [email protected] Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://www.hatawtabloid.com

About hataw tabloid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top