Sunday , September 27 2020
Breaking News
You are here: Home / Breaking News / 1.6-M INC members dadagsa sa ‘Lingap’ ( Trapiko tiyak apektado )

1.6-M INC members dadagsa sa ‘Lingap’ ( Trapiko tiyak apektado )

101413_FRONT

TINATAYANG may 1.6 milyong miyembro ng maimpluwensyang Iglesia ni Cristo (INC) ang inaasahang dadagsa sa gaganaping malawakang medical and dental missions na pangungunahan ng FYM (Felix Y. Manalo) Foundation ngayong araw sa lungsod ng Maynila.

Sa kabila ng ginawang kautusan ni Mayor Joseph “Erap” Estrada sa mga concerned local authorities partikular na ang Manila Police District upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa gitna ng isasagawang aktibidad ng INC, inaasahang maaapektohan nang malaki ang trapiko sa buong Kamaynilaan.

Dahil sa siguradong pagdalo ng maraming miyembro, nagdesisyon ang alkalde na suspindehin ang klase sa lahat ng antas ng mga paaralan upang matiyak na maging matagumpay ang gaganaping medical at dental missions nang hindi naaapektohan ang daloy ng mga sasakyan lalo na sa mga pangunahing lansangan sa lungsod.

Ibinigay naman ng lokal na pamahalaan sa mga opisyal o namumuno sa iba’t ibang pampubliko at pampribadong tanggapan ang karapatang magsuspinde sa trabaho  sa araw  na  ito  upang bigyan-daan ang nasabing malaking event ng INC.

Nabatid na bukod sa malawakang pagtitipon na magaganap lalo na sa Legarda area o sa harapan mismo ng San Sebastian Church sa Maynila at magsisimula bandang 10 a.m. na tinatayang magtatapos bandang 7 p.m., nauna nang naisagawa ang katulad na okasyon sa iba’t ibang lugar sa bansa tulad sa Cebu, Davao, Lucena, Cavite, Laguna at La Union.

Napag-alaman na ang malaking okasyon na tinawag na “Kabayan Ko, Kapatid Ko Lingap sa Mamamayan” at pinangungunahan ng FYM (Felix Y. Manalo) Foundation ng INC ay isang bahagi lamang ng malawakan at mas magarbong pagtitipon na isasagawa ng religious group bilang pagdiriwang sa darating na Grand Centennial Anniversary sa Hulyo 27, 2014.

“Isang mahalagang bahagi lamang ito ng mas marami pang programa na isasagawa ng pamunuan ng INC bilang handog sa lahat ng tao kahit ano pa man ang kanilang kinaaanibang grupong relihiyon. Ito ay para sa lahat,” ayon sa isang INC official.

Ayon sa mga tao na nakabatid ng isasagawang medical mission ng INC, mahalagang may plano ang mga awtoridad lalong-lalo na ang pulisya at traffic department ng lungsod upang mas epektibong maiayos ang trapiko ngayong araw para hindi maapektohan ang maraming tao.

“Kung sinasabing may ilang milyong tao at miyembro ang darating upang magpagamot at makinabang sa gagawing medical at dental missions ng INC, aba’y dapat lamang na maging handa ang  mga  awtoridad  upang masigurong maayos ang trapiko malapit sa lugar na pagdarausan at tiyaking ligtas ang lahat,” anila.

Ang gagawing medical mission ng INC ay isang kapaki-pakinabang na proyekto dahil maraming tao lalo na ang mahihirap o salat sa buhay na may sakit at hindi kaya ang mataas at mahal na pagpapagamot ang mabibiyayaan nito kaya dapat lang na masuportahan ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng pag-deploy ng mga pulis at pagsasaayos ng trapiko, pagtatapos nila. (JSY)

KLASE SA 13 METRO CITIES SUSPENDIDO SA INC ACTIVITIES

SINUSPINDE ni Education Secretary Armin Luistro ang klase sa ilang lugar sa Metro Manila ngayong araw para sa aktibidad ng Iglesia ni Cristo (INC).

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Twitter, walang pasok sa elementary at high school levels, public at private ngayong araw para sa sumusunod na lungsod: Manila (including college level), Quezon City, Caloocan, Pasig, Pasay, Makati, Mandaluyong, Taguig, Parañaque, Pateros, San Juan, Muntinlupa, at Valenzuela.

About hataw tabloid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top