Thursday , November 26 2020
Breaking News
You are here: Home / Breaking News / Sinisi sa rice price hike, shortage (Politika at desisyong palpak)

Sinisi sa rice price hike, shortage (Politika at desisyong palpak)

101013_FRONT

“Sadyang napakabagal at pinupulitikang mga desisyon” ang sanhi ng kakulangan sa bigas at mataas na presyo nito – ekonomista

Para bang hindi pa sapat ang batikang pananaw ni Secretary Arsenio Balisacan ng National Economic Development Authority (NEDA), isa pang dalubhasang mananaliksik sa ekonomiya at agrikultura mula sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS) ang sumusog sa opinyon ng kalihim upang kwestyonin ang “rice self-sufficiency strategy” ni Secretary Peroceso Alcala at ng Department of Agriculture (DA).

Ayon sa senior research fellow ng PIDS na si Dr. Roehlano Briones sa isang panayam noong Martes, ang problema sa sinusunod na polisiya ng DA ay naka-angkla sa “flaws” sa pangangasiwa ng kasalukuyang problema sa bigas dala ng “sadyang napakabagal at pinopolitikang pagdedesisyon.”

Sinabi rin nito na ang presyo ng bigas sa bansa ay mas mataas sa “ini-enjoy ng mundo” dahil “ang lokal na produksyon ay kulang o hindi kayang tumugon sa ating pangangailangan.”

Ang pahayag na ito ni Briones ay kasunod ng Memorandum for the President ni Balisacan sa Pangulo na may petsang September 10, 2013 na nagbababala sa implikasyon sa “food security” ng bansa dahil sa kakulangan sa produksyon ng bigas ngayon 2013 mula sa 0.5 million hanggang 1.4 million metriko tonelada (MT).

Ngunit sa kabila ng patuloy na paggiit ni Alcala sa kasapatan ng bigas, mariing sinabi ni Briones na kung ang pagbabatayan ay ang sariling datos ng Bureau of Agricultural Statistics (BAS) noong 2010 hanggang 2012 hinggil sa produksyon at “net food disposable data,” ang pinakamaliit na kakulangan sa produksyon ay aabot sa 3 milyong MT.

“Kakulangan ang ibig sabihin ng mga datos na ito. Kung hindi ito tutugunan sa pamamagitan ng importasyon, ang kakulangang ito ay lalo pang magtutulak pataas sa presyo ng bigas,” pahayag ng ekonomistang taga-UP.

Ito rin ang rekomendasyon ni Balisacan sa kanyang memorandum: “kailangan pursigihin agad ng bansa ang pag-angkat ng kahit na 0.5 milyong MT upang lapatan ng lunas ang tinatayang kakulangan sa suplay upang mapatatag ang presyo o ;di kaya’y mapababa ito.”

PAG-ANGKAT NG BIGAS, DAPAT BANG GOBYERNO O PRIBADONG SEKTOR

Iginiit ni Briones na ang importasyon ng naturang produkto ay dapat na isinasagawa sa pamamagitan ng pribadong sektor, “sa ilalim ng karampatang pangangasiwa ng pamahalaan.”

Kaiba sa nabanggit na kabagalan ng pagdedesisyon sa gobyerno, “kayang-kaya ng mga negosyanteng pribado na tumugon sa pang-araw-araw na galaw ng suplay at pangangailangan dito,” aniya.

“Hindi ganoon kabilis ang pagtugon ng pamahalaan dahil sa mga nakapaloob na prosesong kailangang pagdaanan ng mga desisyon. Bukod pa rito, ang mga desisyong ito ay laging lubos na napopolitika at hindi repleksyon ng totoong lagay ng merkado.”

Ganito rin ang rekomendasyon ng 2011-2016 Food Staples Security Program (FSSP) na binalangkas mismo ng DA kasama ang mga stakeholders.

Salungat sa itinatadhana ng FSSP, ang datos ng DA-NFA ay nagpapakitang ang importasyong isinagawa ng pribadong sektor ngayong 2013 ay bumaba sa 3% ng kabuuang inangkat ng bansa kompara sa 76% ng 2012. Ito ay umaabot sa 98% sa kabawasan kung aktwal na bulto ang pag-uusapan. Sa kabila nito, halos dumoble naman ang importasyon ng NFA, mula 120,000 MT noong 2012 hanggang 205,700 MT ngayong taon.

Maliban dito, ang importasyon ng 205,700 MT ng bigas ay napapabalitang overpriced ng halos P457 milyong piso.

Sa kanilang resolusyon sa Mababang Kapulungan na nagtulak sa kamara upang siyasatin ang alegasyon sa overpricing ng nasabing pag-angkat, sinabi nina Magdalo partylist representative Gary Alejano at Francisco Ashley Acedillo na “ang halagang P457 milyon ay sapat na upang pondohan ang pagpapatayo ng mga irigasyon para sa 3,778 ektaryang bukirin. Ang sukat na ito ay singlawak na ng dalawang Lungsod ng Makati, at kayang makapagprodukto ng 30,224 MT ng bigas kada taon o bigas na nagkakahalaga ng P705.2 milyon sa presyong P23,333.57 kada metriko tonelada.”

Si Balisacan at si Briones na parehong ekonomista ay nagpanukalang mas makabubuti sa bansa kung ang pondong pang-angkat ng gobyerno ay ilaan na lamang sa irigasyon upang mapalago ang produksyon ng bigas na magpapababa ng presyo nito at magbibigay karagdagan sa kita ng mga magsasaka.

Noong Abril lamang ngayon taon, umaabot sa US$94.5 milyong dolyar ang ginasta ng DA at ng NFA upang umangkat ng 205,700 MT ng bigas mula sa bansang Vietnam sa presyong US$459.75 dolyar kada metriko tonelada. Sa kasalukuyang palitan, ito ay higit sa P4 bilyong piso – wala pa rito ang gastos sa kaukulang buwis.

HATAW News Team

About hataw tabloid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top