Sunday , September 27 2020
Breaking News
You are here: Home / News / Kooperasyon ng PH at US, lalong patatatagin

Kooperasyon ng PH at US, lalong patatatagin

PATULOY na umuusad ang negosasyon para sa pagbuo ng tinatawag na “Framework Agreement between the Philippines and the United States on Enhanced Defense Cooperation and Rotational Presence.”

Ito ang pagtitiyak ni Philippine panel member Foreign Affairs Assistant Secretary Carlos Sorreta matapos ang fourth round ng pag-uusap na ginanap sa EDSA Lounge ng Department of National Defense (DND) nakaraang Huwebes.

“Makararating na rin kami sa dulo, opo, malapit na matapos ‘yun, sa tingin ko pero di naman ito kailangan madaliin, lalo’t nakasalalay rito ang kapakanan nating mga Pilipino,” ani Sorreta.

Pinangunahan ni DND Undersecretary Pio Lorenzo Batino ang Philippine panel sa nasabing pag-uusap katapat ang kanilang American counterparts sa pangunguna naman ni Ambassador Eric John.

Kapag naipatupad ang binabalangkas na kasunduan, magbibigay-daan ito para sa pagdating sa bansa ng malaking bilang ng US troops na magkakaroon ng madalas na joint military excercises kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP).

Magkakaroon din ng access ang mga puwersang Amerikano sa mga dati nilang base-militar at ilang estratehikong lugar sa bansa na maaari silang magtayo ng mga estruktura at pasilidad na dapat nilang iwan kapag nawalan na ng bisa ang kasunduan.

“Naging matiyaga ang bawat panig sa nangyaring pag-uusap para magtugma ang aming mga kagustuhan. May mga instructions na ibinigay sa amin at siyempre, may mga instructions din silang dala-dala. Bigayan na lang kami siguro,” ayon kay Sorreta.

Bagamat aminado si Sorreta na may ilang bagay na hindi napagkasunduan sa huling pag-uusap, naniniwala siyang mareresolba nila ito sa itatakdang fifth round of talks.

Nagbiro pa si Sorreta na hindi naman umabot sa “batuhan ng silya” ang mahaba at mainit na diskusyon ng magkabilang-panig tungkol sa isa o dalawang kritikal na nilalaman ng framework agreement.

May mga eksperto sa foreign relations at diplomacy na kapwa pabor sa Amerika at Filipinas kung maipatutupad ang kasunduan sa lalong madaling panahon.

Anila, kailangan ng Amerika na muling ipadama ang presensiya sa South East Asia at Asia Pacific na napabayaan nito dahil sa pagtutok sa mga giyera sa Iraq at Afghanistan, habang pambara naman ito (ang pagsasapratika ng kasunduan) ng Filipinas sa tahasang agresyon ng China sa West  Philippine Sea.

About hataw tabloid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top