Wednesday , February 20 2019
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Lim muling bumandera sa panibagong survey

Lim muling bumandera sa panibagong survey

BAHAGYA pang tumaas ang agwat ni dating Mayor Alfredo Lim laban sa mga katapat na kan­didato, base sa latest survey, ang barometro sa eleksiyon na pina­ngungunahan ng Social Weather Station (SWS), mula January 7-22, 2019.

Umabante sa 57.78 percent ang trust rating ni Lim na pinagtitiwalaan ng mga botan­teng Mani­leño, kompara sa ibang mga tumatakbong alkalde sa Maynila.

Kompara sa 57.43% trust rating mula Disyembre 2018 hanggang Enero 2019 ay umalsa pa nang .35 percent ang kompiyansa ng mga Manileño kay Lim na pambatong kandidato ng PDP Laban sa Maynila.

Hindi nakapagtataka ‘yan dahil si Lim na nabansagang “Dirty Harry” ng Maynila lang naman talaga ang bukod-tanging may maipagmamalaking nagawa at mga proyektong naipatayo sa Maynila bilang alkade.

Bukod diyan, sa administrasyon ni Lim, ni min­san, ay hindi dinanas ng mga residente at ne­go­syanteng Manileño ang kalupitan na mapatawan ng mataas na bayarin sa buwis na kasalukuyang umaabot na sa 300%.

Ikinababahala ng mga Manileño ang ma­pa­nganib na pagtaas ng krimen, partikular ang ma­bilis na paglaganap ng ilegal sa droga sa buong lungsod.

Nasira ang kaayusan sa malalang problema ng peace and order na hindi natutugunan mula nang bumaba si Lim sa puwesto noong 2013 bilang alkalde ng lungsod.

Dahil sa paglaganap ng illegal gambling ay mapapahiya ang malalaking casino sa buong bansa na lantarang pinapasok sa Maynila, jueteng, tatlo’t wala, color games, peryahan, video karera, sakla, bookies at iba pang sugal-lupa.

Biglang naisapribado ang mga pampublikong palengke sa Maynila at dumagsa ang illegal vendors sa mga pangunahing kalsada.

Lumubha ang pagsikip ng trapiko dahil sa mga illegal terminal na paradahan ng mga kolorum at pampasaherong sasakyan na kahit ang puwersa ng Manila Police Department (MPD), Metro Manila Development Authority (MMDA), Land Trans­portation Office (LTO) at Land Transportation Franchisng and Regulatory Board (LTFRB) ay hindi makayanang buwagin.

Tambak din ang mga gabundok na basurang hindi nahahakot sa tamang oras kahit sa mga pangunahing lansangan, bagay na hindi nangyari sa administrasyon ni Lim noon.

Kaya’t ang mga kalaban na rin ni Lim ang nagsisilbing campaign manager niya kaya’t mataas siya sa survey at siyang lumalabas na ibobotong alkalde ng mga Manileño sa darating na May 2019 midterm elections.

Sa mga tatakbong alkalde ng Maynila, garantisadong si Lim lang ang hindi nasangkot ang pangalan sa anomang klase ng katiwalian sa mahabang pagsesrbisyo sa pamahalaan bilang dating alkalde, director ng Manila Police District (MPD), director ng National Bureau of Investigation (NBI), at kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Dahil sa kanyang pagtalima at pagpapatupad ng batas bilang alkalde, si Lim ay hindi kailanman naakasuhan ng katiwalian tulad sa ibang kandidato na sabit sa “Ghost Employees scam,” “Ghost Deliveries,” at “27 Ghost Barangays” na nabulgar sa magkakahiwalay na special audit report ng Commission on Audit (COA) sa Maynila.

Sapat ang napatunayang kakayahan at naipundar na track record ni Lim sa pagpapatupad ng batas at pagsugpo sa krimen upang maibalik ang nawalang kaayusan at katahimikan sa lungsod na inaasam ng mga Manileño.

Subok na kasi si Lim!

 

ISKO, LUMAKAS ANG PAGHINA

SA latest survey ay nangunguna pa rin dating Mayor Alfredo Lim kaysa mga katunggali.

Ang talunang 2016 senatorial candidate na si dating vice mayor Iskotong, este, Isko Moreno na dati’y pumapangatlo ay nakapagtala lamang ng napakababang 4.34 percent trust rating at mistulang nahulog sa kabayo na lumanding sa ika-4 na puwesto, sa dulo ng walang hanggan.

Buti pa si dating Malate barangay chairman Francis Villegas na isang civic leader ay umakyat sa ikatlong puwesto at humakot ng 7.45 percent sa survey.

Aba’y malaking bangungot ‘yan para sa mga financier na nahuthutan ng pondo sa maagang kampanyang inilunsad ni Isko na nagsimula pa noong nakaraang taon.

Ibig sabihin, totoo ang balita na lumakas ang paghina ni Isko!

Hahaha!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top