Wednesday , January 16 2019
Breaking News
You are here: Home / Opinion / ‘Wag ‘sunugin’ si Bong Go
‘Wag ‘sunugin’ si Bong Go

‘Wag ‘sunugin’ si Bong Go

KUNG hindi magiging maayos ang ‘handling’ ng propaganda kay senatorial candidate Chris­topher “Bong” Go, malamang na matulad ito sa nangyari sa kandidatura ni Rep. Prospero Pichay na natalo sa pagka-senador at dating Sen. Manny Villar na natalo naman sa pagka-pre­si­dente.

Kung matatandaan, kapwa ‘nasunog’ sina Pichay at Villar dahil na rin sa sandamakmak na propaganda materials na kanilang ipinakalat sa Filipinas na nagdulot para hindi sila iboto ng taongbayan.

Lilinawin lang natin, ang ibig sabihin ng ‘nasunog’ sa usapin ng propaganda ay pinag­sawaan, nauta at naumay. Ganito ang mang­yayari kay Bong Go kung hindi aayusin ng kani­lang kampo ang kanilang propaganda strategy.

READ MORE:  Uupuan kaya ng boksingero ang papel ng environmentalist sa makapangyarihang CA?

Hindi sapat na punuin at dikitan ng sticker o tarpaulin ng mukha ni Bong Go ang mga pader, poste at puno para sabihing epektibo ang isang propaganda.  Lalo lamang kaiinisan ng mga botante dahil wala na silang masulingan kundi pagmumukha na lang nitong si Bong Go.

Kung tutuusin, sinabi ko na ito kay Pareng Allan a.k.a. ‘Punglo’ tungkol sa napaka­raming propaganda materials ni Bong Go, at alam kong pakikinggan niya ang puna ko hinggil sa kanyang kaibigang tumatakbo sa pagka-senador.

READ MORE:  VACC tinabla sa Kamara

Sana maintindihan ng kampo ni Bong Go na mahalagang bagay ang ‘scarcity’ kung propa­ganda ang pag-uusapan.  Hindi kinakailangang ibuhos ang lahat ng propaganda  dahil tiyak na ‘masusunog’ ang isang kandidato.

Mahalagang hindi kaagad pagsawaan ang isang kandidato at magandang hahanap-hanapin ng taongbayan ang mga bagong gimik nito na bago sa kanilang panlasa.  Sa ganitong paraan, hindi ito pagsasawaan.

Ang propaganda ay laging mayroong ele­mento ng time, place and condition para maging matagumpay. Basic ‘di ba?!

Hindi bara-bara at gamol ang pagdadala ng isang kandidato. Kailangan organisado ito at laging mayroong koordinasyon sa ibang grupo na sumusuporta rin sa nasabing kandidato. Hindi maaaring kanya-kanya ang kilos maisakatuparan lang ang propaganda.

READ MORE:  Politikong may radio/TV ads, kasuhan ng graft!  

Sayang si Bong Go, dahil kung paniniwalaan ang latest Pulse Asia survey, malaki ang iniangat niya at ngayon ay nasa pang ika-16 na puwesto sa senatorial race.  Pero hindi nga ganoon ang cuentas claras dahil hindi pa rin naman siya pasok sa “Magic 12.”

Kung tutuusin, sa February 12 pa naman magsisimula ang campaign period para sa senatorial race, at dapat hinay-hinay lang ang birada ng propaganda para kay Bong Go. Kaila­ngan lang maging mulat sa propaganda ang mga tutulong sa kanya dahil sa halip na maka­tulong baka makasira pa sa kanyang kandi­datura.

Sunog!

SIPAT
ni Mat Vicencio

About Mat Vicencio

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top