Monday , January 21 2019
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Poe, nangunguna pa rin
Poe, nangunguna pa rin

Poe, nangunguna pa rin

LIMANG buwan na lang at magkakaalaman na, sino kaya ang mangunguna sa mga kandidato pa­ra sa pagka-senador?

Kung tatanungin natin ang mga mamamayan ng Visayas at Mindanao, ang anak ni Da King, Fernando Poe Jr. (FPJ) pa rin ang numero uno sa pagka-senador. Tinutukoy na magiging number one pa rin at higit na pinagkakatiwalaan nila ay si Senador Grace Poe.

Nakapagtataka ba iyon? Nasaksihan naman natin kung paano magtrabaho ang senadora.

Sa pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS) para sa nalalapit na midterm election, bagamat lumalabas na magkadikit sina Sen. Cynthia Villar at Poe, maraming naniniwala na mangunguna pa rin ang anak ng yumaong aktor na si FPJ.

‘Ika nga ni STORM Consultants strategist Perry Callanta, malamang na manguna at ilalampaso pa rin ni Poe ang kanyang mga katunggali maging si Villar dahil malaki pa rin ang batak ni FPJ.

Siyempre, sino pa nga ba ang iboboto ng mga taga-hanga ni Da King. Sino pa nga ba, e ‘di si Grace Poe. Lalo na ang mga tagahanga ni FPJ sa Visayas at Mindanao.

“Performance wise, maganda ang mga nagawang batas ni Sen. Grace Poe tulad ng 10 taong validity ng ating pasaporte at drivers’ license at ang libreng feeding program para sa public elementary schools,” ani Callanta.

“Dagdag pa rito ang kanyang pet bill na First 1,000 Days Program na nilagdaan kamakailan ng Pangulong Duterte para sa mga buntis at nutrisyon ng lahat ng bata hanggang two years old.”

Sa pinakahuling survey ng SWS limang buwan bago ang midterm election, nakakuha si Villar ng 62 porsiyento (62%), katumbas ng tinatayang 37 milyong boto, kadikit si Poe na nagtamo ng 60% o tinatayang 36.4 milyong boto sa survey sa 1,500 katao na tinanong nang hara­pan na isinagawa mula 16 Disyembre hanggang 19 Disyembre.

Sinabi naman ni political strategist at statistician na si Janet Porter na malaki pa rin ang hatak ni FPJ lalo sa Visayas at Mindanao kaya tiyak na siya (Senadora Poe) ang magiging top­nother sa buong Filipinas.

“Malaking bagay ang nagawa ni Poe sa Senate lalo ang pagpapahaba ng validity ng ating mga pasaporte at drivers’ license sa 10 taon,” ayon sa tubong Cavite na si Porter. “May ‘FPJ Magic’ pa rin kaya tiyak na si Poe ang iboboto ng mga tagahanga ni ‘Da King’ lalo sa Visayas at Mindanao.”

Sinabi naman ni Willy Sumook ng Salcedo, Eastern Samar na malakas pa rin ang “FPJ Magic” kaya iboboto ng buong pamilya niya si Poe.

“Talagang hangang-hanga kami kay Sen. Poe dahil nakuha niya ang katangian ni FPJ na matapang, tumutupad sa pangako, tapat sa tungkulin at maipagmamalaki bilang Filipino,” ani Sumook.

“Kitang-kita sa survey ang lakas ni FPJ at impluwensiya ng TV series na ‘Probinsiyano’ ng ABS-CBN kaya umangat din sa survey ng SWS si Lito Lapid,” dagdag ni Callanta.

Magkakapantay sina Taguig Rep. Pia Cayetano, Sen. Sonny Angara at Sen. Nancy Binay, na pawang nakakuha ng 40% Solong pang-anim naman ang aktor at dating senador na si Lito Lapid na nagtamo ng 38%, nasa No. 7 si dating senador Bong Revilla at No. 8 at No. 9  sina Sen. Aquilino Pimentel III at dating senador Jinggoy Estrada na kapwa nakakuha ng 43% voting preference.

Nasa No. 10 spot si dating senador Mar Roxas na may 28% kasunod si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos na may 27%. Pumuwestong ika-12 si Sen. Joseph Victor Ejercito na may natamong 27% katumbas nang mahigit 15 milyong boto.

 May margin of error na plus o minus three percent ang survey ng SWS na kadalasang nagiging basehan sa pagboto ng mga mamamayan sa nalalapit na halalan. 

Uli, bagamat lumabas na magkadikit ng iskor sina Villar at Poe, maraming naniniwala na pakakainin ni Poe ng alikabok si Villar at iba pang mga kandidato sa pagka-senador lalo na’t solido pa rin ang mamamayan ng Visayas at Mindanao kay Poe hindi lamang dahil kay FPJ kung hindi dahil sa mga nagawa niya sa Senado para sa mamamayan.

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

COMMENTS

About Almar Danguilan

Scroll To Top