HINDI kailanman papayagan ng lahing Filipino na magapi ng mga dayuhan at sa tuwina’y ipagtatanggol ang soberanya ng bansa laban sa mga manlulupig.
Ito ang mensahe nang pagbabalik kahapon sa Filipinas ng tatlong Balangiga Bells na ninakaw ng mga Amerikano bilang war booty noong Fil-Am War kasabay nang pagbabalik-tanaw sa madilim na kabanata ng ating kasaysayan, ayon sa Palasyo.
Ipinagmalaki ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na maraming pinuno ang bansa ngunit ang “strong political will” at dedikasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paninidigan para sa karapatan ng bansa at sambayanan ay malaking salik sa pagsasauli ng mga Amerikano ng Balangiga Bell.
Dumating sa Villamor Air Base kahapon ng umaga ang Balangiga Bells mula sa Amerika at South Korea at sinaksihan ang handover nito nina Executive Secretary Salvador Medialdea, Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Defense Secretary Delfin Lorenzana, Communications Secretary Martin Andanar at US Ambassador to the Philippines Sung Kim.
Magugunitang sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte noong 2017, nanawagan siya sa Amerika na ibalik sa Filipinas ang Balangiga Bells.
Pupunta si Pangulong Duterte sa 15 Disyembre para sa turn-over ceremony sa Balangiga sa St. Lawrence The Martyr Church sa Balangiga, Eastern Samar. Doon orhinal na nakalagay ang mga kampana bago ninakaw ng mga Amerikanong sundalo noong 1901.
Itinuturing na makasaysayan ang pagbabalik ng tatlong kampana sa mismong mga taga-Balangiga sa Eastern Samar dahil ninakaw ito ng US bilang war booty matapos ipag-utos ni US General Jacob Smith na patayin ang lahat ng kalalakihang may edad 10-anyos pataas sa Samar nang mapaslang ng mga Filipino ang 46 sundalong Amerikano noong Fil-Am war.
(ROSE NOVENARIO)
EASTERN SAMAR
NAGALAK SA ‘PAGBALIK’
NG BALANGIGA BELLS
IKINATUWA ng mga taga-Eastern Samar ang pagbabalik ng Balangiga Bells sa kanilang lugar matapos ang higit isang siglo sa Estados Unidos makaraan dalhin doon ng mga mananakop na Amerikano.
“We welcome the return today of the Balangiga Bells. This will put a closure of the remaining irritant of the Philippine-American war,” ani Eastern Samar Rep. Ben Evardone.
Dumating ang mga kampana kahapon sa Villanor Airbase bago ibinigay sa mga mga opisyal ng gobyerno sa pangunguna ni Defense Sec. Delfin Lorenzana.
“The bells symbolize our quest for peace, justice and freedom. The return of the bells will further enhance the mutual relationship and cooperation between the Philippines and the US for peace and development,” ani Evardone.
Ginawang “war trophy” ng mga Amerikano ang Balangiga Bells matapos talunin ang mga Filipino sa giyera noong 1901.
Ayon kay Evardone, ginamit ng mga Filipino ang mga kampana bilang pang-tawag sa mga gerilya laban sa mga sundalong Amerikano.
“The bells are not merely religious relics. They are an eloquent symbol of the courage and patriotism of the Filipino. They also are a reminder to the present generation of Filipinos that, as in the past, they should and can resist foreign domination in any form,” ayon kay Northern Samar Rep. Raul Daza.
Sa panig ni Magdalo party-list Rep. Gary Alejano, ang mga kampana ay isang paalaala para sa mga Filipino na lumaban sa mga mananakop kagaya ng China.
(GERRY BALDO)