Tuesday , November 20 2018
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Iboto ang mga magnanakaw

Iboto ang mga magnanakaw

MAGSISIMULA na ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa susunod na mid­term elections na lala­hukan ng mga nagba­balak tumakbong sena­dor, congressman at local officials.

Itinakda ng Com­mission on Elections (Comelec) ang limang araw na paghahain ng COC para sa idaraos na halalan sa 13 Mayo 2019, mula October 1 hang­gang October 5.

Ilang linggo na lang ay unti-unti nang malili­mutan ng publiko ang mga nabulgar na katiwalian sa magkakasunod na audit report na inilabas ng Commission on Audit (COA).

Tagumpay na nailihis papalayo sa mga nabulgar na korupsiyon ang atensiyon ng marami sa kaso ng inilabas na Proclamation 572 ni Pang. Rodrigo “Digong” Duterte na bumabalewala sa iginawad na amnestiya kay Sen. Antonio Trillanes IV noong nakaraang administrasyon.

Mas kinahihibangan pa ng mga hangal sa pamahalaan si Trillanes kaysa magpamalas ng kakayahan na lutasin ang mabilis na paglaganap ng kahirapan dahil sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin sa serbisyo, pati na ang kawalan ng sapat na supply ng bigas.

READ MORE:  May digmaan ba Rep. Amado Bagatsing?

Habang dumarami ang bilang ng nasasadlak sa kahirapan dahil sa inflation ay mas lumalaki rin ang tsansa na manalo sa eleksiyon ang mga politi­kong walanghiya,  walang kuwenta, mapag­samantala at magnanakaw.

Si Pres. Digong mismo ay hindi nababahala at sinabing artificial ang kawalan ng sapat na supply ng bigas, pero ang hindi nga lang natin alam ay kung hanggang kailan maibabalik sa normal ang situwasyon.

Kung artificial lang ang krisis sa bigas, kasama ang pagtaas ng halaga ng mga bilihin at bayarin, ibig sabihin ay may nagmamanipula na dapat parusahan.

Kaya naman hindi maisasantabi na magsus­petsa ang iba na sinasadya ang pagbalewala sa krisis para gawing busabos ang mga botante na umasa sa iaalok na suhol ng mga politiko pagdating ng eleksiyon.

Madali nang maipagbibili ng botanteng timawa ang kanyang sagradong boto kapalit ng halaga na magagasta para sa isa o dalawang araw, at maliit na supot ng grocery na may kasama pang NFA rice na may bukbok galing kay Department of Agriculture (DA) Sec. Manny “Galunggunggong” Piñol.

READ MORE:  Kapag may bagyo, nauuso ang lugaw at sopas

Sa ayaw at sa gusto natin, kung sino ang mga walanghiya na may ipambibili ng boto ang nakalalamang na manalo, habang ang kahirapan naman ay patuloy na ginagamit na katuwiran ng mga botanteng patay-gutom tuwing may halalan.

‘Yan ang dahilan kung bakit ang mga politikong mandarambong at magnanakaw ay patuloy na ibinoboto kahit may kaso.

 

PARTIDO PARTE-PARTE

AT ‘yan din ang dahilan kung bakit ang mga buhong at balimbing na politiko ay pilit nagsi­siksikan sa partido na kung ‘di man kinabibilangan ay kaalyado ng nakaupong administrasyon.

Katunayan, ang masisibang politiko ay nag-uunahang makasali sa Hugpong Ng Pagbabago (HNP) na itinatag ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Marami rin sa mga dayukdok na politiko ang umaasam na makakukuha ng malaking pondo kaya laging nakapulupot kay SAP Bong Go.

READ MORE:  Lihim na kantiyaw kay Sevilla mula sa mga naka- floating

Kung hindi si Pres. Digong ang pangulo ay sino sa kanila ang mag-aaksaya ng oras na su­mampay sa HNP ni Inday Sara at kay Go, palagay n’yo?

Sila ang mga politiko, na kung ‘di man ipinaglihi, ay walang ipinagkaiba sa baboy dahil kung nasaan ang labangan ay doon sumasabsab.

Isa lang talaga ang nakikilalang partido ng mga politiko at mapagsamantalang kakandidato, ang ‘Partido Parte-Parte!’

Importante na itanong sa sarili ng botante kung saan nanggaling ang pondo na ga­gastahin at ipami­mili ng boto ng mga politiko sa elek­siyon?

Ang lalong pag­taas ng presyo ng mga bilihin at baya­rin pagka­tapos ng eleksiyon ang kar­ma na asa­han ng botanteng iniha­ha­napbuhay ang pag­bebenta ng boto.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

COMMENTS

About Percy Lapid

Scroll To Top
 

Copyright hatawtabloid.com | All Rights Reserved