Sunday , November 18 2018
Breaking News
You are here: Home / Showbiz / Bagong Children’s Village ng Bantay Bata 163, mas marami nang matutulungan

Bagong Children’s Village ng Bantay Bata 163, mas marami nang matutulungan

APAT na taon palang on-hold ang operations ng Bantay Bata 163 Children’s Village  sa Norzagaray, Bulacan nitong 2014 dahil ipinagawa ito, pinaganda at nagdagdag ng mga facilities na mapakikinabangan ng rescued children na mga biktima ng pang-aabuso.

Nagsimulang itayo ang gusali ng Children’s Village na naging tahanan ng mga batang biktima ng karahasan noong 2003 at hanggang sa nagkaroon ng major renovation nitong 2014.

Kuwento ni Ms Jing Castaneda-Velasco, program director ng Bantay Bata 163, ”noong 2003 po kasi inumpisahan ang Children’s Village and it went for 11 years (2014), kaya po noong 2014, we felt that there’s a need to re-asses the programs and services we are offering. So temporarily, we put on hold the operation.

“‘Yung mga building, structures kailangan pong i-renovate.  Ngayon po sa pakikipagtulungan ng Quezon City government sa pamumuno po ni Mayor Herbert Bautista at Vice Mayor Joy Belmonte, ‘yung gastusin, operational cost ng Children’s Village expenses will be shouldered by Quezon City government. They allocated funds for the operational expenses. So, magtutulungan po kami.

“At ngayon din po sa pagbubukas ng Childen’s Village naire-launch po ito, sabi ko nga, version 2.0 (millennial term). Strengthen the program, unang-una mayroon po tayong resilience program sa pakikipagtulungan naman ng Center for Family Ministries (CeFam) ng Ateneo.

“Lies skills po ‘yung ating tututukan tulad po ng kaso ni Len (scholar ng Bantay Bata 163), kailangan may armas siya, of course malakas ‘yung loob niya pero ‘yung rehabilitation, ‘yung healing dapat ‘yun complete and then mayroon din tayong livelihood and activity center para po kung sakaling lumabas na po sila (naging biktima ng abuso) puwede po silang magkaroon ng kakayahang magtrabaho para kumita. Puwede silang mag-sideline, ‘yung mga ganoon bagay po kasi ay hindi naman offered sa Children’s Village.”

Ang mga batang nakatira sa Children’s Village ay pansamantalang inilipat sa government institution katulad ng DSWD habang inire-renovate ang tirahan nila.

READ MORE:  P120-M ayuda sa sinalanta ng baha

Edad 0 – 17 years old ang aarugain sa Children’s Village ayon kay Ms Jing.

Pagkata­pos ng healing sa loob ng isang taon dapat ang mga magulang ay handa nang tanggapin ang kanilang mga anak kapag ibinalik na sa kanila.

“Ang pangunahing layunin po kasi natin, ang bata dapat kasama pamilya. Ngayon may mga pagkakataon po, ‘yung mga LGU’s depende rin po sa prioridad niyong siyudad, minsan hindi rin natututukan ang pamilyang ito.

“Kaya sa Children’s Village po ngayon bahagi ng programa ng Bantay Bata, ‘yung mga pamilya o magulang ng mga batang kukupkupin natin ay isasama po namin sa values formation and empowerment seminars ng Bantay Bata. May ganoon po kasi tayong ibinibigay doon sa mga pamilya ng scholars natin. Bukod sa pamilya ng mga scholar ay isasama rin ‘yung pamilya ng mga batang nasa Bantay Bata,” paliwanag pa ng program director.

Ang Children’s Village ay kayang tumanggap hanggang 120 kaya nagulat ang media na dumalo dahil ganito pala kalaki ang bahay na tinitirhan ng mga batang biktima ng pang-aabusong pisikal at psychological.

May dalawang ektaryang lupa ang kinatitirikan ng Children’s Village na mayroon ng meditation room, music room, arts and crafts room, library, at eskuwelahan para sa mga maliliit na bata.

Iskolar ng Bantay Bata
na produkto ng incest,
unti-unting bumabangon

SAMANTALA, humarap si Len, isa sa scholar ng Bantay Bata 163 sa media pero hindi nagpakuha ng litrato o video para mapangalagaan ang kanyang pribadong buhay.

Kasalukuyang nasa ikatlong taon na si Len sa kolehiyo at kumukuha ng kursong edukasyon dahil gusto  niyang magturo.

Si Len ay produkto ng incest dahil ang tatay niya ay siya rin niyang lolo na ama ng nanay niya.

READ MORE:  Mas maraming bata, gaganda ang kinabukasan sa Bantay Bata 163 Children’s Village

Nanginginig si Len habang nasa presscon siya at ang kuwento ay ipinanganak siya ng nanay niya noong 12-anyos lang at dahil sobrang bata pa ay hindi nito alam ang gagawin kaya lumayas at naiwan noon si Len sa tatay cum lolo niya.

Humingi ng tulong ang mga tiyahin niya sa DSWD para sunduin siya sa lolo-tatay niya.

Kuwento ni Len na nanginginig ang boses, ”Tatlong taon po ako noong kinuha ako ng DSWD sa bahay namin at lumabas ako sa DSWD, mga pitong taon na po ako.

“Okay naman po ako noon, may mga naging kuya at ate ako roon. Magkakasama kaming kumakain at nagdarasal. Nakaramdam ako na may pamilya ako, may tinatawag na kapatid, tinatawag kang nanay (volunteers parent). Doon ko naramdaman na parang kompleto ako.

Balik-alaala pa ni Len, ”noong pitong taong gulang na po ako, kinailangan ko na pong umalis at napunta ako sa mga tiyahin ko, palipat-lipat ako. Hindi po naging maganda ang karanasan ko, mas okay pa noong nandoon ako sa bahay-ampunan (DSWD) kasi naramdaman kong may pamilya ako kaysa mga naging kadugo na ang turing naman ay kasambahay. Okay naman po na maging kasambahay ako, pero ‘yung sinasaktan ka pa, roon nawala ‘yung ano (respeto) sa sarili ko.”

Nakitira si Len sa mga kaanak niya pero hindi rin siya nagtagal dahil iba ang trato sa kanya.

Mga guro at kaklase ni Len ang tumulong sa kanya noong nasa elementarya siya.

“Mula elementary hanggang hay-iskul tinutulungan po ako ng mga guro ko at mga kaklase ko. Sila ‘yung nagga-guide sa akin.

“Tapos nitong college na po, may project kami na mag-interview ng isang social worker. Tapos may kakilala ‘yung kaklase ko na kamag-anak niyang social worker tapos pumunta po kami roon, siya ‘yung in-interview. Sa office po niya nakita ko ‘yung logo ng Bantay Bata, mga poster at pictures ng Bantay Bata, tapos nagsabi ako na, ‘nandiyan din po ako nanggaling, ma’am.’

As of now ay scholar si Len ng Bantay Bata 163 at kasalukuyang nagdo-dorm , ”kinakaya ko po kahit mag-isa. Lahat ng gastusin akin lang, kaya kailangan kong magsikap.”

Inamin ng dalaga na hinahanap niya ang nanay niya dahil gusto niyang makilala para maging kompleto na ang pagkatao niya.

READ MORE:  Drama anthology ni Sarah, ‘di pa maituloy dahil sa The Voice

Napatawad na ba niya ang lolo –tatay? ”opo nagkita kami nang nakalabas siya kasi nakulong.”

Suporta
at tulong,
hiling ni Len

ANYWAY, nananawagan si Len sa mga magulang na huwag sinasaktan ang mga anak dahil doon nila nararamdaman ang hirap, trauma, at pait sa buhay at nawawalan sila ng self-confidence.

Nakikiusap din si Len na suportahan at magbigay ng tulong sa Children’s Village dahil maraming mga batang katulad niya noon na kailangan ng kalinga para makapag-move on sa nangyari sa buhay niya at ‘yung iba ay para makapag-aral tulad din niya bilang scholar ng Bantay Bata 163.

Sa pagdiriwang ng ika-21 anibersaryo ng Bantay Bata 163 ngayong taon, patuloy na pinalalakas pa ito upang masiguro ang kaligtasan ng mga bata lalo na at 80% ng mga kabataang Filipino ang nakararanas ng pang-aabuso sa salita, sekswal, o online sa kanilang buhay ayon sa isang pag-aaral ng UNICEF.

Para sa impormasyon tungkol sa Bantay Bata 163 Children’s Village, pumunta sa www.abs-cbnfoundation.com o sundan ang @abscbn­foundationkapamilya sa Facebook. Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o pumunta sa www.abscbnpr.com.

ni Reggee Bonoan

COMMENTS

About Reggee Bonoan

Scroll To Top
 

Copyright hatawtabloid.com | All Rights Reserved