Tuesday , April 16 2024

Rebolusyonaryong simbahan ng mga dukha

SA araw na ito, ika-3 ng Agosto, ginugunita ang 116  anibersaryo mula nang ipahayag ng teologo at sosyalistang labor leader na si Don Isabelo de los Reyes o Don Belong sa ating bayan ang Iglesia Catolica Filipina Independiente kasama ang mga kasapi ng Union Obrera Democrata, ang unang kilusang manggagawa sa Filipinas.

Ang ICFI, na mas kilala ngayon sa pangalang Aglipay, ang Pambansang Simbahan ng Filipinas dahil ito ay anak ng himagsikang Filipino laban sa pang-aabuso ng mga Kastilang prayle’t simbahang Romano at pananakop ng mga dayuhan, lalo na sa panahon ng digmaang Filipino-Amerikano.

Masasabi rin na ang ICFI ay bunga ng mga sakripisyo ni Padre Pedro Pelaez, ang unang paring Filipino na administrador ng Romano Katolikong Diyosesis ng Maynila at ama ng kilusang secularization para sa mga katutubong pari; at nina Padre Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora na mas kilala bilang Gomburza at Ama ng Kaakohang Filipino (Filipino national identity).

Hindi maitatatwa na ang makabagbag damda­ming kamatayan ng Gomburza sa Bagumbayan (Rizal Park ngayon) ang nagsilbing mitsa ng Himagsikang 1896 na pinangunahan ng unang Pangulong Bayan na si Andres Bonifacio.

Ito ang ilan sa mga dahilan kaya hindi kataka-taka na malaking bahagi ng kasapian ng ICFI ay mga beterano ng Katipunan ni Bonifacio. Ang damdaming makabayan at pananampalatayang mapagpalaya ang nagbunsod sa mga mana­nampalatayang Filipino na humiwalay sa Roma at itatag ang Pambansang Simbahan bilang karapat-dapat na papasan sa mga pangangailangan ng bayang Filipinas.

Dapat din na maging malinaw na bagamat may hibo ng pagiging pro­tes­tante, ang buod ng pananam­pala­taya na sina­sandigan ng ICFI ay nananatiling Kristiyano’t Kato­liko kaya patuloy na idinarasal ang Nicean Creed sa mga misa nito.

***

Si Gregorio Aglipay, isang dating pari ng Simbahang Romano Katoliko at military vicar ng rehimen ni Emilio Aguinaldo, ang unang obispo ng ICFI. Gayonman, bagama’t ang simbahan ay nakilala rin ng madla bilang Simbahang Aglipay, ay marapat lamang na maging malinaw na ang nagproklama sa simbahan sa ating bayan ay si Don Belong at si Aglipay ang napili ni De los Reyes upang maging unang obispo nito.

Ayon sa mga kuwentong bayan, nagpasyang sumanib si Aglipay sa ICFI matapos ang isang mainitang pakikipagtalo sa noon ay Arsobispo ng Maynila na si Bernardino Nozaleda, isang Kastilang baliktarin, sa loob ng Apostolic Center sa Sta. Ana, Maynila.

***

Ang rebolusyonaryo at mapagpalayang katangian ng ICFI ang dahilan kung kaya kahit protestante ang mga Amerikano, kanilang kinampihan sa iskismo ng Simbahang Romano Katoliko at ICFI ang una, dahil bukod sa maka­pangyariha’t mayaman ito, baliktarin ang mga obispo nito. (Maka-Kastila sa panahon ng mga Kastila at maka-Amerikano sa panahon ng mga Amerikano).

Ang pagkatig ng mga Amerikano sa baliktaring mga obispo ang dahilan kaya nakilala at tinanggap ng taong bayan ang ICFI bilang Simbahan ng mga Dukha at kung bakit maliliit ang mga simbahan ng ICFI ngayon kompara sa mga simbahan ng mga Romano Katoliko.

***

Muli, isang maalab na pagbati ang hatid ng Usaping Bayan sa mga mananampalataya na kabilang sa ICFI sa pagdiriwang ng ika-116 anibersaryo nito.

Mabuhay ang Iglesia Catolica Filipina Indepen­diente.

***

Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ­ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po. Pasyalan n’yo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes.

USAPING BAYAN
ni Nelson Forte Flores

About Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Mayor Abby Binay pasok sa ‘Magic 12’ ng Pulse Asia, hahaha…

SIPATni Mat Vicencio SINO ba naman ang maniniwala sa ginawang survey ng Pulse Asia kamakailan …

Dragon Lady Amor Virata

Ikot-ikot na para sa 2025 local elections

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata IBA’T IBANG pakulo o propaganda na ang sinisimulan ng …

AKSYON AGAD ni Almar Danguilan

QCPD nakapagtala ng 82.61% Crime Solution Efficiency sa nagdaang Semana Santa

AKSYON AGADni Almar Danguilan SADYANG hindi maiwasan na saluduhan ang Philippine National Police (PNP) sa …

YANIG ni Bong Ramos

Riders at tricycle drivers, ‘suki’ ng traffic enforcers

YANIGni Bong Ramos KAHABAG-HABAG ang kalagayan ng riders at tricycle drivers dahil sila ay suking …

Dragon Lady Amor Virata

OIC chief of police, kapuri-puri

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata HUMARAP kamakailan si OIC Chief of Police ng lungsod …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *