Thursday , November 15 2018
Breaking News
You are here: Home / Showbiz / Michelle, ‘di naiinggit kina Liza at Julia; ‘di rin nagsisisi sa tinanggihang serye sa Dos  
Michelle, ‘di naiinggit kina Liza at Julia; ‘di rin nagsisisi sa tinanggihang serye sa Dos  

Michelle, ‘di naiinggit kina Liza at Julia; ‘di rin nagsisisi sa tinanggihang serye sa Dos  

UNANG beses naming nakapanayam si Michelle Vito, ang leading lady ni Hashtag Jon Lucas sa pelikulang Dito Lang Ako na mapapanood na sa Agosto 8.

Parehong masaya sina Jon at Michelle dahil unang beses nilang maging bida sa pelikula dahil karamihan ng mga nagawa na nila ay support lang at maigsi ang exposure.

Pero ayon kay Michelle ay okay lang sa kanya ang supporting roles dahil nag-aaral siya at nasa ikatlong taon na sa kursong Human Resource Management sa College of St. Benilde.

Sabi nga namin ay maganda ang kurso niya at puwede siyang mag-work sa HR (Human Resources).

“Plano ko po talaga Psych kaso wala namang offer sa Benilde kaya Human Resource po at saka maraming psychology class. If nag-La Salle (University) po ako, mahihirapan ako kasi very strict sila sa absences,” nakangiting kuwento ni Michelle.

Bunsong anak sa tatlong magkakapatid si Michelle at hindi siya breadwinner dahil may trabaho ang tatay niya at nasa isang airline company naman ang ate niya, pero siya na ang nagbabayad ng tuition fees niya.

Anim na taon na ang dalaga sa showbiz simula nang i-launch sila nina Liza Soberano, Julia Barretto at marami pang iba. Pero sa mga nabanggit na pangalan ay tila si Michelle lang ang mabagal ang usad ng career.  Ano ang masasabi ng dalaga rito?

READ MORE:  Yaya Dub, madalas hanapin kina Ipe at Gov. Josie

 ”Ako, okey lang po ako, eh. Hindi naman po ako nababagalan. Baka iniisip nila na napag-iiwanan ako, pero kasi naniniwala ako sa tamang timing talaga.

“Time nila ngayon, time ni Julia ngayon, ni Liza, so naniniwala ako na darating din ‘yung time para sa akin. Kung ano ‘yung dapat para sa akin,” pangangatwiran ni Michelle.

At dahil bila lang ang projects ng aktres ay natanong siya kung hindi ba siya napu-frustrate o nakaranas ng depression.

“Wala naman po, wala naman akong naramdaman na ganyan, siguro po kasi malaking bagay na pumapasok ako sa school kaya ‘yung isip ko hindi lang naka-focus sa showbiz kasi maraming nasa showbiz na iyon lang po talaga ang nasa isip nila.

“Like ako kasi, kahit may ginagawa akong movie, may ‘Home Sweetie Home’ ako plus another two movies, pumapasok pa rin ako (school) kasi ayaw ko pong nasa showbiz lang ang isip ko. 

“Kasi once na may masamang nangyari sa akin, ma-stress ako or made-depress ako, so gusto ko ang buhay ko, normal life pa rin, may buhay outside showbiz,” paliwanag ni Michelle.

Taboo para kay Michelle ang sexy roles dahil hindi pa siya handa at hindi naman siya pinagbabawalan ng magulang niya dahil nasa tamang edad na siya. Sa madaling salita, wholesome image ang dalaga.

“May mga ino-offer pong mature role, pero hindi ko po kayang tanggapin since feeling ko hindi ko pa kayang gawin at 22 (years old). Gusto ko po sana maranasan muna ‘yung teenage role bago mature roles. Hindi ko pa kasi nae-enjoy,” paliwanag ng dalaga.

READ MORE:  Mga pagbabago sa MMFF, uumpisahan na

Nagsimulang mag-showbiz si Michelle sa edad na 14 kaya siguro hindi niya masyadong na-enjoy ang teenage life niya.

“Hindi po kasi ako mahilig lumabas o gumala. Mas gusto ko po sa bahay lang,” saad ng aktres.

Konserbatibo si Michelle dahil maski na magsuot ng sexy outfit o mag-post sa social media ay hindi pa niya nagagawa tulad ng ibang kaedad niyang artista.

“Hindi po. Hindi ko po kaya ang two piece, puwede siguro one piece pero naka-short pa. Siguro in time, pero sa ngayon, hindi ko pa po talaga kaya,” katwiran ng dalaga.

Inamin ni Michelle na may in-offer sa kanyang serye na umeere na ngayon sa ABS-CBN na hindi niya tinanggap dahil sexy image.

“May kissing scene, bed scene. Siguro po kaya ko pang mag-bikini, pero ‘yung may physical scene, hindi ko pa po kaya,” sabi ng dalaga.

Walang panghihinayang na naramdaman si Michelle sa seryeng tinanggihan niya na isa sa toprated shows ngayon ng Dos.

“Okay lang po kasi desisyon ko po ‘yun. Actually nag-audition po ako sa seryeng iyon, pero ang in-audition ko is bit player hindi ‘yung bida, sabi nila i-try ko ‘yung lead role. Tapos tinanong nila kung kaya ko ‘yung kissing scene, bed scene, hindi ko po kaya sabi ko lahat po hindi ko kaya. Marami po akong restrictions,” paliwanag mabuti ni Michelle.

READ MORE:  Alex at Arjo, madalas na nag-uusap sa backstage

Dagdag pa, ”sobrang important po kasi sa akin ang education, kahit noong bata ako may nagaalok na sa aking mag-artista, umaayaw pa ako kasi nag-aaral pa ako noon. Kahit po ngayon na sumobra na ako sa absences, nagpapasabi na po ako sa handler ko na hindi na ako puwedeng tumanggap pa ng ibang show. Mahirap po kasing pinagsasabay ang pag-aaral at artista,” sambit pa ng aktres.

Gagampanan Michelle ang karakter na Nelia na nagtatrabaho sa Blade car accessories at kasama niya si Jon bilang si Delfin at mabubuo ang magandang samahan nila.

Nasa Dito Lang Ako movie rin sina Ms. Boots Anson Roa, Akihiro Blanco, Garie Concepcion, Senpai Kazu, at Roadfill ng Moymoy Palaboy. Mapapanood ang Dito Lang Ako sa Agosto 8, idinirehe ni Roderick Lindayag produced ng Blade Entertainment.

May mall show ang buong cast sa Sta. Lucia Mall sa Agosto 4, 3:00 p.m. at SM Taytay, 7:00 p.m.. Sa SM Megamall Cinema 7 naman ang red carpet premiere sa Agosto 6.

FACT SHEET
ni Reggee Bonoan

COMMENTS

About Reggee Bonoan

Scroll To Top
 

Copyright hatawtabloid.com | All Rights Reserved