Monday , July 23 2018
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Self-righteous si Morales; moral authority, baluktot

Self-righteous si Morales; moral authority, baluktot

LAHAT na lang ng pu­we­­deng sisihin ay idinadawit ni over­staying, ‘este, outgoing Ombudsman Conchita Carpio-Morales para magsilbing kumot sa mga nabulgar na kati­walian sa kanyang tanggapan.

Ang Commission on Audit (COA) naman ngayon ang napag­dis­kitahang sisihin ni Moral-less, ‘este, Morales sa mabagal na pagresolba ng Office of the Ombudsman sa kaso ni dating Pang. Noynoy Aquino kaugnay ng maano­malyang P72-billion pork barrel scam na Disbursement Acceleration Program (DAP).

Paniwala ng marami, pagtanaw ng utang na loob ni Morales ang pag-absuwelto ng Ombuds­man kay PNoy sa DAP na naideklarang ilegal ng Korte Suprema.

Si Morales ay appointee ni PNoy na siyang ipinalit kay noo’y overstaying Ombudsman Merceditas Gutierrez.

Sa COA naman ibinunton ni Morales ang lahat ng sisi sa mabagal na pagsasampa ng kaso kaugnay ng DAP scam, aniya:

“There was no pressure to include Aquino in the DAP case. If there was any delay, it had to do with our expectation from the COA for its fraud audit reports. It was not reactive to pressure but in light of the fact that the COA did not respond to us immediately.”

Hindi ba tahasang kasinungalingan ang mga pinagsasasabi ni Morales laban sa COA para ilusot ang sarili bilang “dishonest” at “incompetent” Ombudsman?

Bakit hindi kinasuhan ni Morales ang COA kung may “fraud” pala sa audit report nila at pinatagal ang pagtugon sa kanila?

Hindi ba’t kasama sa poder ng Ombudsman na pilitin ang mga opisyal at kawani sa alinmang tanggapan ng gobyerno na maglabas ng kaukulang dokumento sa iniimbestigahang kaso?

Maliwanag na hindi naman COA ang nagbasura ng kaso laban kay PNoy noong March 7, 2017 sa DAP pork barrel scam kung hindi ang Ombudsman.

Tanging si dating budget secretary Florencio Abad lang ang inasunto ng Ombudsman sa napakababaw na kasong “usurpation of legislative powers.”

Ang hindi lang natin alam ay kung saan humuhugot ng “moral authority” si Morales.

‘Di ba self-righteous ang tawag diyan?

MORALES,
FEELING GUILTY?

TAMA ang sabi ni Morales na “honest” at “competent” ang dapat maitalagang Ombudsman.

Kaya nga itinatag ang Judicial and Bar Council (JBC) ay para salain ang mga nominado bago isumite ang listahan na pagpipilian ng nakaupong pangulo ng bansa kaya’t si Morales ay walang pakialam kung sino ang mapipiling kapalit niya sa Ombudsman.

Hindi lang naman sa Office of the Ombudsman limitado ang kuwalipikasyon ng honest o matatapat na dapat maluklok sa pamahalaan kung ‘di sa alinmang tanggapan, alinsunod sa Code of Conduct and Ethical Standard for Officials and Employees (RA 6713).

Suspetsa natin, baka feeling guilty si Morales na maka-recover matapos tawagin ang abogadang si Edna Herrera-Batacan na ”graft-ridden agency” ang Ombudsman sa isinagawang interview ng JBC.

Napabalitang sa panayam ng JBC kay Batacan ay ibinulgar niyang naghatag siya ng P50,000 suhol para makakuha lang ng impor­ma­syon sa estado ng nakahaing kaso sa Ombud­s­man.

Ang sabi naman ng Lolah n’yo:

“I hope that official from the Ombudsman was not me. I hope they are not referring to me because I’m going to make it difficult for their life if they say that that same amount was going to be given to me.”

Hindi ba’t ang tamang ginawa ni Morales bago magpuputak at maging defensive ay tinuklas muna kung sino-sino ang mga tulisan sa kanyang tanggapan na ayon kay Batacan ay ginagawang negosyo ang pagligwak at pagbangketa ng mga kaso kapalit ng limpak na suhol?

Kaya naman haggang ngayon, walang balita kung ano ang estado sa Ombudsman ng kasong plunder laban kay dating Manila vice mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kaugnay sa mahigit P700-M ghost employees scam at sa maanomalyang joint venture agreement (JVA) sa pagitan ng mga dating IBC-13 officials at kompanya ni Reghis Romero II.

Kompara kay Morales, mas kapani-paniwala ang kredibilidad ni Batacan.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

COMMENTS

About Percy Lapid

Scroll To Top
 

Copyright © 2009 - 2017 hatawtabloid.com | All Rights Reserved