Thursday , September 20 2018
Breaking News
You are here: Home / Sports / Phelps, Balkman, 1-2 sa best import: Manuel, numero uno sa BPC race
Phelps, Balkman, 1-2 sa best import: Manuel, numero uno sa BPC race

Phelps, Balkman, 1-2 sa best import: Manuel, numero uno sa BPC race

SINIKWAT ni Vic Manuel ang unahan ng dikit na karera tungo sa Best Player of the Conference (BPC) award pagkatapos ng 11-larong eliminasyon sa 2018 PBA Commissioner’s Cup.

Bunsod ng dominanteng rehistro na 24.18 puntos, 6.27 rebounds, 1.00 assist, 0.82 steal at 0.64 block, nakaipon ang 6’4 na si Manuel ng 37.2 statistical points (SPs) para sa numero unong puwesto.

Maging ang four-time Most Valuable Player na si June Mar Fajardo ay naalpasan ni Manuel nang magkasya sa segunda puwesto tangan ang 35.3 SPs.

Habang wala ang kanyang kasangga na si Calvin Abueva ay inangkin ni Manuel ang kargada sa Alaska nang itulak ito sa ikalawang puwesto, tangan ang 8-3 kartada para sa twice-to-beat bonus sa eight-team quarterfinal field.

Sa 11 laro ngayong mid-season conference ay umiskor ng 20 pataas si Manuel at napa­rangalang Best Player of the Game nang anim na beses sa walong tagumpay ng Alaska.

Hindi naman nalalayo ang 6-time BPC winner na si Fajardo sa segunda puwesto matapos magtala ng double double na 19.64 puntos at 11.36 rebounds sa 11 laro.

Nasa top din ang tandem ng Globalport na sina Sean Anthony na may 35.4 SPs at Stanley Pringle na may 35.0 SPs gayundin si Chris Newsome ng Meralco na nakalikom ng 33.1 SPs.

Samantala, sa karera ng Best Import ay nasa unahan si Eugene Phelps ng Phoenix na kumayod ng 29.86 puntos, 18.00 rebounds, 6.29 assists, 1.00 steal at 2.00 blocks sa pitong laro para sa 55.1 SPs.

Ngunit malabo ang tsansa ni Phelps para sa naturang parangal dahil sibak na sa Comm’s Cup ang Fuel Masters nang magkasya lamang sa 4-7 kartada.

Bunsod nito, malaki ang pag-asa ng segundang si Renaldo Balkman na nakaipon ng dikit na 53.4 SPs sa likod ng 29.44 puntos, 13.22 rebounds, 4.44 assists, 2.11 steals at 2.89 blocks na rehistro sa siyam na laro para sa San Miguel. (JBU)

COMMENTS

About John Bryan Ulanday

Scroll To Top
 

Copyright hatawtabloid.com | All Rights Reserved