Tuesday , December 18 2018
Breaking News
You are here: Home / Sports / Warriors deretso sa 3-0 bentaha kontra Cavs (Durantula, ‘di naawat)
Warriors deretso sa 3-0 bentaha kontra Cavs (Durantula, ‘di naawat)

Warriors deretso sa 3-0 bentaha kontra Cavs (Durantula, ‘di naawat)

ABOT-KAMAY na ng Golden State Warriors ang ikalawang sunod na kampeonato sa National Basketball Association gayondin sa asam na dinastiya ng liga matapos pangunahan ni Kevin Durant ang malaking 110-102 road win sa bahay mismo ng Cleveland Cavaliers sa Game 3 upang magposte ng 3-0 abante sa best-of-7 Finals series kahapon sa Quicken Loans Arena sa Cleveland, Ohio.

Matapos mabaon hanggang sa 13 puntos noong 1st half, umahon ang defending champion na Warriors sa second half sa pangunguna ng reigning Finals MVP na si Kevin Durant upang makadikit sa Cavaliers sa huling kanto.

Pukpukan ang naging laban ng dalawang magkaribal na koponan na nasa kanilang ikaapat na sunod na paghaharap sa Finals simula 2015 bago bahagyang kumawala ang Warriors, 103-100 sa huling minuto.

READ MORE:  Low profile impresibo

At doon na nangyari ang muling pamamayani ni Durant nang ubusin niya ang oras bago nagtarak ng nagliliyab na tres sa huling 49.8 segundo upang bigyan ang Warriors ng malaking 106-100 kalamangan na hindi na binitiwan hanggang sa final buzzer.

Ito ay halos kapareho ng tirang binitiwan ni Durant noong 2016 Finals sa Game 3 rin upang kompletohin ang kanilang comeback win kontra sa Cavs at makapagtayo rin ng 3-0 abante.

Bunsod nito, may tsansa ang Warriors na makompleto na ang sweep sa kanilang karibal at masungkit na ang ikalawang sunod na titulo nila gayondin ang ikatlong kabuuan sa nakalipas na apat na taon.

READ MORE:  NCAA may bagong iskedyul

Tumikada si Durant ng 43 puntos, 13 rebounds at pitong assists upang punan ang pagkawala ng Splash Brothers na sina Klay Thompson at Stephen Curry na tila nanibago sa homecourt ng kalaban.

Nagsama ang Splash Brother sa malamyang 21 puntos lamang sa 7-of-21 shooting.

Samantala, maging ang triple double ni LeBron James na 33 puntos, 11 rebounds at 10 assists ay hindi pa rin sapat upang mabuhat ang Cavs sa panalo.

Ito na ang ika-10 triple double ni James sa Finals na pinakamarami na sa kasaysayan.

Nagdagdag rin ng 20 puntos si Kevin Love para sa Cavaliers na ngayon ay nasa bingit na ng panganib
sa 0-3 pagkakaiwan.

READ MORE:  Grand Slam ng Alaska pinag-uusapan na

Magugunitang noon 2016 ay nabaon ang Cavs sa 1-3 deficit kontra sa Warriors bago umiskor ng tatlong sunod na panalo upang maging kauna-unahang koponan na nakabalik sa ganoong pagkakaiwan.

Ngayon, sa lahat ng koponang nabaon sa 0-3 bentaha ay wala pang nakababalik sa kasaysayan ng NBA.

Magagawa kaya muli ng Cavs upang makamit ang tadhana? O tatapusin na ng Warriors upang dugtungan ang kanilang dinastiya?

Malalaman iyan sa pagpapatuloy ng NBA Finals sa Game 4 sa bahay pa rin ng Cleveland sa Quicken Loans Arena. (JBU)

COMMENTS

About John Bryan Ulanday

Scroll To Top
 

Copyright hatawtabloid.com | All Rights Reserved