Saturday , September 22 2018
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Impeachment at Quo Warranto, isang paliwanag (Ikatlong bahagi)

Impeachment at Quo Warranto, isang paliwanag (Ikatlong bahagi)

MATAPOS nating ipaliwanag kung ano ang Impeachment at Quo Warranto ay susubukan naman natin na linawin kung ano ang nangyari at bakit sinampahan ng impeachment si dating Chief Justice Maria PA Lourdes Sereno at kung bakit tinanggap ng Korte Suprema ang Quo Warranto na inihain ni Solicitor General Jose Calida.

Sino si Sereno?

Una sa lahat ay kilalanin muna natin si Sereno.

Bago pa siya naging miyembro ng Mataas na Hukuman ay nagturo siya sa UP College of Law at naging consultant ng United Nations, World Bank, US Agency for International Development at ng pamahalaan sa ilang malalaking kaso tulad ng PIATCO, na kinasangkutan din noon ni House Speaker Pantaleon Alvarez. Tagumpay ang pamahalaan sa kasong ito laban sa PIATCO.

Kaaway ni Duterte

Si Sereno ay isa sa mga kritiko ng madugong kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa bawal na gamot. Dahil dito ay idineklara siyang ‘kaaway’ ng Pangulo. Hindi naglaon, isang abogado na kilala sa pagiging maka-Duterte, ang nagsampa ng kasong impeachment laban kay Sereno sa House na pugad ngayon ng mga maka-Duterteng mambabatas.

Kasunod ng kasong impeachment ay nagsampa ng Quo Warranto petition si Calida, abogado ng pamahalaan at kilalang kabig ni Duterte, na humihiling sa Korte Suprema na tanggalin sa posisyon si Sereno dahil sa hindi niya umano pagpa-file ng Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) noong siya ay propesora sa UP.

Maraming ayaw

Si Sereno ay naging Associate Justice ng Korte Suprema noong 2010.

Noong 2012, ay itinalaga si Sereno ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III bilang Chief Justice ng Korte Suprema kapalit ni dating Chief Jus­tice Renato Corona matapos siyang iendoso ng Judicial and Bar Council (JBC) kahit dala­wang taon pa lamang siyang na­nunungkulan bi­lang Associate Justice.

Bunga nito ay maraming mas se­nior na mahis­trado ang hindi sumangayon sa desisyon ni Aquino, dahil bukod sa pinakabata at walang karanasan kompara sa ibang pangalan na nasa listahan ng mga inendoso ng JBC, si Sereno ay itinuturing na isang outsider ng kanyang mga kasamahan sa Korte Suprema.

Ilan sa mga mahistrado na hindi sumangayon sa appointment ni Sereno noong 2012 ay siyang nagpasya ngayon na tanggapin ang Quo Warranto petition ni Calida at tanggalin sa puwesto si Sereno. Kabilang sa kanila ay sina Associate Justice Diosdado Peralta, Teresita De Castro at Francis Jardeleza. Ang tatlo ay kasama nina Associate Justices Lucas Bersamin, Samuel Martires at Noel Tijam na bumuo ng mayorya na bumoto para tanggapin ang Quo Warranto petition at tanggalin sa puwesto si Sereno.

Tanging sina Associate Justice Antonio Carpio, Presbitero Velasco Jr., Marvic Leonen, Estela Perlas-Bernabe, Mariano Del Castillo, at Alfredo Benjamin Caguioa ang tumutol na alisin si Sereno sa pamamgitan ng Quo Warranto petition ni Calida. (May kasunod sa Biyernes)

***

Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po. Pasyalan n’yo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes.

USAPING BAYAN
ni Nelson Forte Flores

COMMENTS

About Nelson Forte Flores

Scroll To Top
 

Copyright hatawtabloid.com | All Rights Reserved