Friday , April 20 2018
Breaking News
You are here: Home / Bulabugin / National ID system dapat isabatas nang tuluyan
National ID system dapat isabatas nang tuluyan

National ID system dapat isabatas nang tuluyan

ISA tayo sa pabor na isabatas na ang National ID System o ang isinusulong na Senate Bill No. 1738 (An Act Establishing the Philippine Identification System)

Kung hindi tayo nagkakamali, aprobado ito sa 3rd at Final Reading sa Senado kahapon at umaasa ang mga senador na ia-adopt ng Kamara ang kanilang national ID measure.

Malaking bagay ang pagkakaroon ng National ID System. Ibig sabihin nito, isang ID na lang ang kikilalanin ng mga establisyemento o ahensiyang naghahanap nito.

Tingin natin, matutuwa ang lahat ng mamamayan sa sistemang ito maliban doon sa mga may ginagawang hindi maganda o ilegal.

Sa kasalukuyang sistema, kailangan dalawang government issued ID ang ipakita. Kahit driver’s license ayaw kilalanin, kailangan pa ng ibang ID na government issued din.

Mantakin naman ninyo, may SSS ID, TIN, dri­ver’s license, postal ID, voter’s ID na hanggang ngayon ay hindi naman inire-release at iba pang kung ano-anong ID.

E kung isa na lang ang ID, e ‘di hindi na kai­langan magdala ng kung ano-anong ID.

Ang importante sa National ID System saka­ling maaprobahan ito ay kung paano maisasalin nang mahusay sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya ang security features na hindi mapepeke ng kahit na sino.

Alam ba ninyong sa Hong Kong, kapag nangingibang bayan ang mga local residents doon, ang ID na lang nila ang ini-scan sa kanilang airport. Ang passport nila ay para na lamang sa bansang pupuntahan o pinangga­lingan nila?!

Hi-tech na hi-tech ‘di ba?

At wala namang nagrereklamo sa kanila sa ganoong sistema, na hindi naman nakaaabala kundi nakapagpapabilis pa nga ng mga proseso.

Sana ay dumating din ang katulad na panahon dito sa Filipinas.

At  mangyayari lang ‘yun kung maaaprobahan ng buong Kongreso ang panukalang batas.

Sana naman ay huwag nang magpatawing-tawing pa ang Kamara sa pag-adopt ng Senate Bill 1738 nang sa gayon ay maipatupad na ang National ID System o  Philippine Identification System (PhilSys).

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected] Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit http://www.hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

COMMENTS

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)
Scroll To Top
 

Copyright © 2009 - 2017 hatawtabloid.com | All Rights Reserved