Sunday , April 22 2018
Breaking News
You are here: Home / Sports / Tiger Cubs abanse sa stepladder (Baby Tams nilapa)
Tiger Cubs abanse sa stepladder (Baby Tams nilapa)

Tiger Cubs abanse sa stepladder (Baby Tams nilapa)

BINURA ng University of Santo Tomas Tiger Cubs ang 13 puntos na pagkakaiwan upang daigin ang nagdedepensang kampeon na Far Eastern University Baby Tamaraws, 81-80 na nagpaabante sa kanila sa umaatikabong University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Juniors Basketball Season 80 sa Blue Eagles Gym sa Quezon City kamakalawa.

Nabaon sa hanggang 66-79 sa kalagitnaan ng laro, sumakay sa 14-0 ratsada ang UST sa likod ni Rayjhun Baquial na nagtarak ng panglamang na basket sa huling 1:12 marka para sa 80-79 iskor pabor sa Tiger Cubs.

Tumabla ang FEU sa 80-all sa likod ng split charities ni LJ Gonzales ngunit nabawi agad ng UST sa split free throws din ni Kobe Palencia.

Sa huling 1.2 segundo ay may tsansa pa sanang nakawin ng Baby Tamaraws ang laban ngunit sablay ang buslo ni Royce Alforque tungo sa makapanindig balahibong panalo ng Tiger Cubs.

Magugunitang tinalo rin ng Tiger Cubs ang Baby Tamaraws noong nakaraang linggo upang makapuwersa ng playoff sa ikaapat at huling puwesto sa stepladder Final Four.

Bago ang laban sa terserang FEU na kampeon noong Season 79 ay umiskor ng pambihirang knockout win ang UST kontra Adamson, 73-72 para masikwat ang naturang huling silya sa Final Four.

Nangunang muli para sa Tiger Cubs ang Season Most Valuable Player na si CJ Cansino sa kanyang halimaw na double double na 18 puntos, 16 rebounds na may sahog pang 5 assists.

Ibinuhos ni Baquial ang 8 sa kanyang 13 puntos sa huling kanto upang magtapos na may kasamang 5 rebounds at 4 assists.

Samantala, nawalan ng saysay ang 24 puntos, 5 rebounds at 3 assists ni RJ Abarrientos para sa Baby Tamaraws na bi­gong madepensahan ang kanilang kampeonato.

Sasagupain ng UST ang segundang National University Bullpups sa darating na Martes para sa tsansang makaharap ang nag-aabang na sa Finals na Ateneo Blue Eaglets.

ni John Bryan Ulanday

Mga Iskor:

UST 81 – Cansino 18, Ba­quial 13, Narvasa 12, Manabat 12, Palencia 11, Villapando 6, Lina 4, Anunciacion 3, Relucio 2, Estrella 0, Dolendo 0, Benzonan 0.

FEU 80 – Abarrientos 24, Torres 11, Gonzales 10, Alforque 9, Sajonia 8, Tolentino 6, Celzo 4, Ona 3, Bautista 3, Armendez 2.

Quarterscores: 20-15; 36-41; 53-62; 81-80.

COMMENTS

About John Bryan Ulanday

Scroll To Top
 

Copyright © 2009 - 2017 hatawtabloid.com | All Rights Reserved