Monday , July 23 2018
Breaking News
You are here: Home / News / 150 Chinese, Taiwanese arestado (Sa telecomms fraud)

150 Chinese, Taiwanese arestado (Sa telecomms fraud)

MAHIGIT 150 Chinese at Taiwanese nationals na umano’y sangkot sa telecommunications fraud, ang inaresto sa magkahiwalay na operasyon sa Ilocos Sur at Las Piñas City, nitong Sabado ng umaga.

Sinabi ni Supt. Marni Marcos Jr., pinuno ng Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), umabot sa 105 katao mula sa China at Taiwan ang inaresto sa dalawang gusali sa Sitio Nagtupacan, Brgy. Pudoc, San Vicente, Ilocos Sur dakong 6:00 ng umaga.

Ayon kay Marcos, 62 sa mga suspek ang unang inaresto. Habang karagdagang 43 pang mga suspek ang nadiskobre ng mga operatiba nang ang isa sa mga hinuhuli ay tumakbo sa katabing gusali.

“Our operating troops chased him and when they entered the establishment, they found another 43 Chinese,” aniya.

Aniya, 31 pa ang inaresto sa hiwalay na operasyon sa nasabing bayan.

Samantala, 17 Chinese ang inaresto sa pagsalakay sa Citadella Executive Village sa Las Piñas City.

Sinabi ng ACG, ang mga suspek ay mga empleyado ng sindikatong sangkot sa ilegal na telecommunications operations, na target ang mga negosyo at mga kompanya sa mainland China.

Aniya, ang mga suspek ay nagpapanggap na mga pulis, prosecutors at judges, na tumatawag sa business owners at iimpormahan ang mga biktima na ang kanilang phone numbers o bank accounts ay iimbestigahan.

Mag-aalok ng tulong, ang mga suspek at hihilingin sa mga biktima na magbukas ng bank accounts at iuutos na ilipat dito ang malaking halaga ng pera, umaabot hanggang $1.2 million.

Ayon kay Marcos, inaresto ang mga suspek makaraan ang ilang linggong imbestigasyon.

Aniya, ang operasyon ay isinagawa base sa impormasyon mula sa kanilang Chinese counterparts.

Iniimbestigahan ng mga awtoridad kung may katulad na sindikatong nag-o-operate sa bansa.

Nakompiska mula sa mga suspek ang laptops, cellphones, routers at iba pang instrumento na ginagamit sa kanilang ilegal na aktibidad.

Inihahanda ng pulisya ang kasong kriminal laban sa mga suspek na pawang dinala sa Camp Crame.

HATAW News Team

COMMENTS

About hataw tabloid

Scroll To Top
 

Copyright © 2009 - 2017 hatawtabloid.com | All Rights Reserved