Monday , July 23 2018
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Pres. Digong at Mayor Lim parehong may delicadeza na ayaw sa “sipsip-buto”
Pres. Digong at Mayor Lim parehong may delicadeza na ayaw sa “sipsip-buto”

Pres. Digong at Mayor Lim parehong may delicadeza na ayaw sa “sipsip-buto”

MAY malaking pagkakahawig sina Pang. Rodrigo “Digong” Duterte at dating Manila Mayor Alfredo S. Lim kung kaya’t ang kapwa sila hangaan ay hindi maiiwasan.

Noong Martes, nanawagan si Pang. Digong sa mga empleyado at opisyal ng pamahalaan na itigil ang pagsasabit ng kanyang mga larawan sa kanilang mga opisina para makapagsipsip sa kanya.

Nakiusap din sa media si Pang. Digong na tulungan siyang paalalahanan ang mga “sipsip-buto” sa gobyerno na imbes ang kanyang retrato ay larawan ng ating mga bayani ang isabit sa mga dingding ng kani-kanilang opisina.

“Please remind them of that because they’re so hardheaded. You do not flatter me with my picture. My hair will just stand on end with that,” anang pangulo.

Naalala ko tuloy na noong nakaupo si Mayor Lim sa Maynila mula 2007 ay mahigpit niyang ipinagbawal ang paglalagay ng kanyang pangalan sa mga proyekto at pagawain ng lungsod.

Sa halip, ipinag-utos ni Mayor Lim sa mga mamamayan ng Maynila dapat ibigay ang kredito sa bawa’t proyekto ng kanyang administrasyon upang ipaalam kung saan napupunta ang kanilang ibinabayad na buwis.

At bago magsimula ang kampanya noong 2013, kusang ipinabura ni Mayor Lim ang kanyang pangalan na nakasulat sa mga karatula ng barangay kaya’t tanging ang kay dating vice mayor Isko Moreno na makapal ang mukha lang ang natira.

Pakiramdam kasi ni Pang. Digong, tumatayo ang kanyang buhok sa kahihiyan kapag nakikita niyang nakasabit ang kanyang mukha sa mga opisina ng gobyerno.

Hindi naman ito ang unang pagkakataon dahil ilang ulit nang nanawagan si Pang. Digong sa mga sipsip-buto sa pamahalaan.

Katunayan, noong alkalde pa lamang siya ng Davao ay ito na ang kanyang ipinatutupad na prinsipyo.

Tanda ko rin nang mapasyal kami sa Davao City noong 2008, ni isang pangalan ni Pang. Digong na nakasulat kung saan-saan ay walang mamamalas o matatanaw.

Tinawag na gago ni Pang. Digong ang mga damuho na kaya nagsisipsip ay hindi nagagampanan ang kanilang mga trabaho at walang maipagmalaking nagagawa sa pamahalaan.

Sina Pang. Digong at Mayor Lim ay parehong asar sa mga sipsip-butong ‘epal’ at sila ang mga nalalabing lahi ng mga public servant na may delicadeza sa katawan.

iDIOT CARD
NI BELLO

SA panawagang ito ng pangulo, si Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Silvestre Bello III ang unang dapat sumunod.

Aba’y, walang panama kay Bello si Malabanan kung sipsipan ang pag-uusapan.

Katakot-takot na banat ang inabot ng iDOLE card na inilabas ni Bello para sa overseas Filipino workers (OFW) na may malaking larawan ng pangulo.

Tiyak na hindi ikinatuwa ni Pang. Digong ang iDOLE cards na ipinaimprenta ni Bello na ipapalit sa overseas employment certificate(OEC) ng ating mga kababayang OFW.

Ang problema kay Bello, pinararatangan pa niyang sinisiraan daw ng mga pumupuna ang kanyang proyekto gayong ang binabatikos ay pagsisipsip niya kay Pang. Digong na wala sa hulog.

Sabi ni Bello, “We have to consider the reaction from the public. We are open to changing the design. But, so far, OFWs are not complaining about it.”

Para pala kay Bello, kailangan pang may OFW na magreklamo kaysa sumunod sa panawagan ng pangulo.

Kaya naman mabilis na ipinaliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na walang kinalaman si Pres. Digong sa disenyo ng dispalinghadong iDOLE  card ni Bello.

Sa totoo lang, napakatagal nang hinihintay ang iDOLE card na ipinangangalandakan ni Bello na bukod sa ngayon lang nilabas ay hindi pa maipaliwanag kung paano makukuha ng mga OFW.

Kaya siguro walang OFW na nagrereklamo ay marami sa kanila ang hindi ganap na nauunawaan ang kabuluhan at kung para saan ang iDOLE dahil kapos na kapos si Bello at ang DOLE sa impormasyon at paliwanag.

Harinawa ay tablan ng kahihiyan si Bello na ipabago ang iDOLE card na dapat ay manatili hanggang matapos ang termino ni Pang. Digong at maipagpatuloy ng mga papalit sa kanya.

Gugustohin pa ba ni Bello na tawaging iDIOT card imbes iDOLE card ang kanyang ipinagmamalaking proyekto bago siya magpasiyang ipabago?

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]

 

COMMENTS

About Percy Lapid

Scroll To Top
 

Copyright © 2009 - 2017 hatawtabloid.com | All Rights Reserved