Sunday , September 23 2018
Breaking News
You are here: Home / News / Tanong ng isang ina kay Garin: Nakatutulog ka pa ba nang mahimbing?
Tanong ng isang ina kay Garin: Nakatutulog ka pa ba nang mahimbing?

Tanong ng isang ina kay Garin: Nakatutulog ka pa ba nang mahimbing?

ITINUON ng isang magulang ng isang batang naturukan ng Dengvaxia vaccine, ang kanyang pagkadesmaya sa gobyerno kaugnay sa kontrobersiyal na programang ipinatupad ng Department of Health (DoH).

“Gusto ko pong maiparating po sa lahat ng kinauukulan ang nararamdaman ko bilang ina. Ang takot na nararamdaman ko, ang kaba at lahat. Ang mga gabi na halos hindi ako makatulog,” pahayag ni Iris Alpay, sa pagdinig ng Senado hinggil sa kontrobersiya kahapon.

Itinanong din niya sa health officials, lalo kay dating Health secretary Janette Garin, kung paano siya nakatutulog sa gabi makaraan ang insidente.

“Gusto ko talagang sabihin ito sa mga taong behind this vaccine, especially former secretary Garin, gusto ko lang rin pong tanungin sa kanya kung nakatutulog pa siya nang mahimbing, kasi kami po ay hindi na,” dagdag niya.

SANOFI PASTEUR
IDINIIN NI GARIN

INIHAYAG ni dating health secretary Janette Garin nitong Lunes, dapat panagutin ang pharmaceutical giant Sanofi Pasteur kapag napatunayang may itinagong impormasyon kaugnay sa kontrobersiyal na dengue vaccine Dengvaxia.

Sa kanyang pagsasalita sa pagdinig ng Senado kahapon, sinabi ni Garin, hindi batid ng DoH kung may itinagong impormasyon ang Sanofi hinggil sa bakuna bago inaprubahan ang P3.4 billion deal.

“Kung saka-sakali mang may impormasyong itinago ang Sanofi sa DoH, sino ba namang mag-aakala na magtatago sila ng impormasyon?” aniya.

Sinabi ni Garin, ang Philippine Children’s Medical Center (PCMC) ang nagsagawa ng aktuwal na pagbili ng Dengvaxia ngunit batid niyang hindi corrupt ang mga opisyal ng nabanggit na ospital.

Dagdag niya, ang P3.4 billion procurement ay resulta ng isang dekadang pag-aaral makaraan komunsulta ang DoH sa medical experts at medical professionals hinggil sa bakuna.

“Ang desisyon sa pagbili ng Dengvaxia ay resulta ng dekadang pag-aaral at pagplano ng DoH. It is an institutional decision to address a public need,” aniya.

Samantala, humingi ng paumanhin si Garin sa pakikipagpulong sa mga opisyal ng Sanofi sa Paris noong Mayo 2015, ilang buwan bago inaprubahan ang Dengue vaccine para maibenta sa Filipinas.

Iginiit niyang walang malisya sa kanyang pakikipagkita sa Sanofi officials sa Paris.

Dagdag niya, hindi ito midnight deal at ang lahat ay above board.

“It’s not a midnight deal. Everything was above board. The integrity management committee report of the DoH will show that. Inuulit ko. The report is there,” aniya.

NOYNOY DAPAT
MAGPALIWANAG
SA DENGVAXIA
— GORDON

PLANO ni Senador Richard Gordon na imbitahan si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III para dumalo sa susunod na pagdinig ng Blue Ribbon Committee tungkol sa kontrobersiyal na P3.5-bilyong dengue vaccine program na inaprobahan ng kaniyang administrasyon.

Sinabi ni Gordon, tagapangulo ng komite, kakausapin niya ang mga miyembro ng lupon kung kailangang ipatawag sa pagdinig ang dating pangulo.

“I’ll talk to the others and see whether we should pero if I were him, I’d go para mas maganda sa kanya na mapaliwanag ko ‘yung side ko,” paliwanag ni Gordon tungkol sa planong pagpapatawag sa dating pangulo.

Ayon kay Gordon, lumitaw sa pagdinig nitong Lunes na tila minadali ang pagkuha ng mga gamot ng nakaraang administrasyon at nagpalabas pa umano ng executive order (EO) si Aquino.

“Lumalabas talaga na minadali at mayroon silang EO (executive order) galing sa Presidente, humanap sila ng pera, ipinasok ‘yung pera do’n,” puna ng senador.

At dahil wala sa 2016 Philippine budget ang pagbili ng gamot, kumuha umano ng pondo para sa Dengvaxia  sa  ilalim ng “miscellaneous personnel fund.”

Nakatakda ang susunod na pagdinig ng Senado sa Dengvaxia sa Huwebes, 14 Disyembre.

COMMENTS

About hataw tabloid

Scroll To Top
 

Copyright hatawtabloid.com | All Rights Reserved